settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Gintong Utos?

Sagot


Ang “Gintong Utos” ay ang pangalang ibinigay sa isang prinsipyo na itinuro ni Hesus sa Kanyang Sermon sa Bundok. Ang aktwal na salitang “Gintong Utos” ay hindi matatagpuan sa Kasulatan, gaya ng salitang “Sermon sa Bundok.” Ang mga titulong ito ay idinagdag na lamang kalaunan ng mga nagsalin ng Bibliya sa kanilang paglalarawan sa mga kabanata at talata upang gawing mas madali ang pagaaral ng Bibliya. Ang pariralang “Gintong Utos” ay nagumpisang ilapat sa talatang ito sa pagitan ng ika 16 at ika 17 siglo, dahil ito ay isang popular na kasabihan ng panahong iyon. Mahalaga itong malaman dahil sa pagtalakay sa “Gintong Utos,” may mga Kristiyano na nagkakamali sa pagpapalagay na ang saltiang ito ay nanggaling mismo sa bibig ng Panginoong Hesus.

Ang tinatawag nating “Gintong Utos” ay tumutukoy sa Mateo 7:12, “Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta.” Alam ni Hesus ang puso ng tao at ang kasakiman nito. Sa katotohanan, sa mga sumunod na mga talata, inilarawan Niya ang tao bilang “masasama.” Mahalaga itong maunawaan dahil nagpatuloy Siya sa pagsasabi na marunong pa ring magbigay ang mga tao ng mabubuting bagay sa kanilang mga anak bagamat sila’y makasalanan at makasarili sa kalikasan. Ang talatang ito ang nasa likod ng “Gintong Utos” na nagsasaysay na dapat na aktibong tratuhin natin ang iba sa paraang gusto nating tratuhin nila tayo sa lahat ng bagay.

Ganito ang pagkasalin sa Bagong Magandang Balita “Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta.” Sa pamamagitan ng “Gintong Utos” na ito, binuod ni Hesus ang lahat ng Kautusan sa Lumang Tipan sa pamamagitan ng isang prinsipyong ito. Ito ay isang bagay na alam na alam ng mga Hudyo sa panahon ni Hesus dahil sa kanilang kaalaman sa Lumang Tipan gaya ng isinulat ni Moises, “Huwag kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kababayan. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Ako si Yahweh.” (Levitico 19:18). Muli, makikita natin ang implikasyon ng kautusang ito sa mga tao na natural na inuuna ang kanilang sariling kapakinabangan dahil sa kasalanan (Jeremias 17:19), kaya binigyan ni Hesus ang Kanyang mga tagapakinig ng isang lugar upang magumpisa kung paano nila dapat na pakitunguhan ang kanilang kapwa. Ito ay kung paano din nila gustong pakitunguhan sila ng iba.

Kung gaano kabuti ang “Gintong Utos” sa kautusan nito na ibigin ang kapwa gaya ng ating sarili, ipinapaalala din nito sa atin ang ating pagkamakasarili! Madaling maunawaan ng mga tagapakinig ni Hesus ang utos na ito (gaya ng kung paanong naunawaan si Moises ng mga Hudyo sa kanyang kapanahunan) dahil sa pangkalahatan, ang mga tao ay nagnanais ng paggalang, pag-ibig at pagkilala, karapatdapat man sila dito o hindi. Alam ito ni Hesus at ginamit Niya ito upang ipakita sa Kanyang mga tupa kung paano pakikitunguhan ang iba at kung paano nila gustong pakitunguhan din sila ng iba. Ang utos na ito na ituring ang iba sa isang mataas na pamantayan ay pangalawa rin sa pinakamahalagang utos, kasunod ng utos na ibigin ang Diyos ng higit sa lahat (Matthew 22:39).

Kapuna puna na walang ibang relihiyon o sistema ng pilosopiya ang makakapantay sa utos na ito ni Kristo para sa mga mananampalataya. Ang Gintong Utos na ito sa Bibliya ay hindi isang “magandang paguugali para sa pansariling interes” na karaniwang paniniwala ng mga hindi Kristiyanong moralista. Sa tuwina, tinatangkang iparatang ng mga liberal na kritiko at mga sekular na humanista na ang utos na ito ay pinaniniwalaan din ng lahat ng relihiyon. Ngunit hindi ito totoo. Nang ibigay ni Hesus ang utos na ito sa Mateo7:12, ibang iba ito sa lahat ng porma nito ngayon – maliban sa Torah ng mga Hudyo – na ginagamit din sa panahong iyon. Mapanlinlang ang pagkakaiba, ngunit mahalagang makita at maunawaan. Ang Gintong Utos na ayon sa Bibliya ay isang postitibong utos upang magpakita ng pag-ibig sa gawa, salungat sa negatibong paliwanag ng ibang relihiyon. Ang isang mabilis na pagtataya ng mga relihiyon sa Silangan at mga pilosopiya ng mga ito ang magpapakita ng kabaliktaran sa pangunawa ng mga Ktistiyano sa utos na ito. May mga relihiyon sa Silangan na tinatawag itong “Tansong Utos” dahil sa mali nilang paliwanag.

• Confucianismo: “Huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin nila sa iyo” Analects 15:23.
• Hinduismo: “Ito ang ating buong katungkulan: huwag mong gawin sa iba ang magdudulot sa iyo ng sakit kung gagawin nila sa iyo” Mahabharata 5:1517.
• Budismo: “Huwag mong saktan ang iba sa paraan na makakasama sa iyo” Udana-Varga 5:18.

Ang Gintong Utos gaya ng sinabi ni Hesus ay napakalaki ng pagkakaiba sa ibang bersyon ng utos na ito sa ibang relihiyon dahil ito ay aktibo at positibong utos na gumawa ng mabuti sa iba, salungat sa negatibong utos na huwag manakit sa iba para sa pansariling kapakinabangan. Ang utos na umibig ang naghihiwalay sa paguugaling Kristiyano sa iba pang sistema ng paguugali sa ibang relihiyon. Sa katotohanan, napakaradikal ng Bibliya sa utos nito na dapat ibigin ng mga Kristiyano maging ang kanilang mga kaaway, isang bagay na hindi makikita sa ibang relihiyon (Mateo 5:43-44; Exodo 23:4-5).

Ang pagsunod sa mga etikang itinuro ni Kristo at ang pag-ibig sa iba gaya ng pag-ibig sa sarili ay tanda ng isang tunay na Kristiyano (Juan 13:35). Sa katotohanan, hindi maaaring sabihin ng isang tao na umiibig siya sa Diyos kung hindi siya umiibig sa ibang tao dahil, “Ang nagsasabing “Iniibig ko ang Diyos,” subalit napopoot naman sa kanyang kapatid ay isang sinungaling. Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita?” (1 Juan 4:20). Isinasaad ng Gintong Utos ang kakaibang ideyang ito mula sa mga Kasulatang Judeo-Kristiyano.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Gintong Utos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries