Tanong
Ano ang lakas at kahinaan ng argumento tungkol sa pagdagit sa mga mananampalataya o rapture sa kalagitnaan ng 7 taon ng kapighatian (midtribulationism)?
Sagot
Kung paguusapan ang mga mangyayari sa mga huling araw, mahalagang tandaan na halos lahat ng Kristiyano ay nagkakasundo sa tatlong bagay: 1) May isang panahon sa kasaysayan na tinatawag na Kapighatian o paghihirap na hindi pa nararanasan ng buong sanlibutan; 2) Muling paparito ang Panginoong Hesu Kristo; at 3) Magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli ng mga patay at papalitan ang katawang namamatay ng katawang hindi namamatay na kilala rin sa tawag na rapture o pagdagit sa mga mananampalataya (Juan 14:1-3; 1 Corinto 15:51-52; 1 Tesalonica 4:16-17). Ang katanungan ay kailan ba mangyayari ang pagdagit o rapture? May tatlong pangunahing teorya tungkol sa kapanahunan ng rapture. Ang mga ito ay 1) Pagdagit bago magumpisa ang 7 taon ng Kapighatian o pretribulationism; 2) Pagdagit sa kalagitnaan ng 7 taon ng Kapighatian o midtribulationism; at 3) Pagdagit pagkatapos ng 7 taon ng Kapighatian o post-tribulationism. Ang artikulong ito ay partikular na tumatalakay sa pagdagit sa mga mananampalataya sa kalagitnaan ng 7 taon ng Kapighatian (midtribulationism).
Itinuturo ng Midtribulationism na ang pagdagit sa mga mananampalataya ay magaganap sa kalahatian ng Kapighatian. Sa panahong iyon, patutunugin ng anghel ang ikapitong trumpeta (Pahayag 11:15), sasalubungin si Hesus ng Iglesya sa hangin bago ibuhos ng anghel ang mangkok ng poot ng Diyos sa sanlibutan (Pahayag 15:16) sa isang panahon na tinatawag na Dakilang Kapighatian. Sa ibang salita, ang rapture at muling pagparito ni Kristo (upang itatag ang Kanyang kaharian sa lupa) ay pinaghihiwalay ng tatlo at kalahating taon. Ayon sa pananaw na ito, ang Iglesya ay dadaan sa unang bahagi ng Kapighatian ngunit ililigtas sa pinakamahirap ng bahagi ng kapighatian na magaganap sa loob ng huling tatlong taon at kalahati. Ang pinakamalapit sa pananaw ng midtribulationism ay ang paniniwala sa rapture bago ang poot ng Diyos o ang paniniwala na ang Iglesya ay dadagitin papuntang langit bago ang "dakilang araw ng pagbubuhos ng poot ng Diyos" (Pahayag 6:17).
Bilang suporta sa pananaw na ito, ginagamit ng mga midtribulationists ang pagkakasunod sunod ng mga pangyayari na inilatag sa 2 Tesalonica 2:1-3. Ito ay ang mga sumusunod: 1) pagtalikod sa pananampalataya, 2) ang kapahayagan ng Antikristo at 3) ang Araw ng Panginoon. Itinuturo ng mga midtribulationalists na hindi agad mahahayag ang antikristo hanggat hindi "nagaganap sa Banal na Lugar ang Kalapastanganang Walang Pangalawa" (Mateo 24:15), na mangyayari sa kalagitnaan ng kapighatian (Daniel 9:27). Gayundin, ipinaliliwanag ng mga midtribulationists na ang "Araw ng Panginoon" ang mismong rapture; kaya nga hindi pa dadagitin ang Iglesya papuntang langit hanggat hindi pa nahahayag ang antikristo.
Itinuturo din ng mga midtribulationists na ang trumpeta sa 1 Corintho15:52 ay ang parehong trumpeta na binanggit sa Pahayag 11:15. Ang trumpeta sa Pahayag 11 ay ang huli sa mga serye ng trumpeta; kaya masasabi na ito ang ‘huling trumpeta’ sa 1 Corinto15. Gayunman, ang lohikang ito ay mabibigo kung susuriin ang layunin ng mga trumpeta. Ang trumpetang tutunog sa pagdagit ay ang "trumpeta ng pagtawag ng Diyos" (1 Tesalonica 4:16), ngunit ang trumpetang binabanggit sa Pahayag 11 ay tungkol sa paghatol. May isang trumpeta na tinatawag na pantawag para sa mga hinirang ng Diyos; may isa naman na para sa pagpapahayag ng hatol sa mga masasama. Bukod dito, ang ikapitong trumpeta sa Aklat ng Pahayag ay hindi ang "huling trumpeta" ayon sa pagkakasunod sunod - sinasabi sa Mateo 24:31 na mayroon ding trumpetang tutunog bago magsimula ang paghahari ni Kristo sa lupa.
Sinasabi sa 1 Tesalonica 5:9 na ang Iglesya ay, "Tinawag ng Diyos hindi upang parusahan kundi upang iligtas." Nagpapahiwatig ito na hindi daranas ang mga mananampalataya ng kahirapan sa tinatawag na Kapighatian. Gayunman sinasabi ng mga midtribulationists na ang "poot ng Diyos" ay tumutukoy lamang sa huling tatlong taon at kalahati ng Kapighatian - partikular ang mga mangkok ng poot ng Diyos. Gayunman, ang paglimita sa salitang ‘poot’ sa ganitong paraan ay walang basehan. Tiyak na ang mga matinding hatol na nilalaman ng mga tatak at trumpeta - kasama ang mga salot, ilog na may lason, pagdidilim ng buwan, pagdanak ng dugo, mga lindol at mga kahirapan - ay maituturing din na poot ng Diyos.
Sinasabi ng mga Midtribulationists na ang rapture o pagdagit sa mga mananampalataya sa Pahayag 11 ay bago ang pasimula ng ‘Dakilang Kapighatian.’ May dalawang problema sa ganitong pangunawa sa pagkakasunod sunod ng mga pangyayari sa Pahayag. Una, ang tanging paggamit ng terminolohiyang ‘Dakilang Kapighatian’ sa buong aklat ng Pahayag ay makikita lamang sa Pahayag 7:14. Ikalawa, ang tanging pagbanggit naman sa salitang "dakilang araw ng pagbubuhos ng poot ng Diyos" ay matatapuan lamang sa Pahayag 6:17. Ang parehong reperensyang ito ay makikita na napakaaga para sa pagdagit sa kalagitnaan ng Kapighatian.
Ang huling kahinaan ng pananaw na midtribulation ay katulad din ng kahinaan ng dalawa pang teorya tungkol sa panahon ng pagdagit sa mananampalataya: Una hindi sinabi sa Bibliya ang tiyak na panahon tungkol sa mangyayari sa hinaharap. Ikalawa, hindi pinapaboran ng Bibliya ang alinman sa mga pananaw tungkol sa panahon ng pagdagit sa mga mananampalataya at ito ang dahilan kung bakit magkakaiba ang opinyon ng mga iskolar ng Bibliya at mga denominasyong Kristiyano patungkol sa mga mangyayari sa huling araw at kung paano nila pinaguugnay-ugnay ang mga hula patungkol sa mga mangyayari sa hinaharap.
English
Ano ang lakas at kahinaan ng argumento tungkol sa pagdagit sa mga mananampalataya o rapture sa kalagitnaan ng 7 taon ng kapighatian (midtribulationism)?