settings icon
share icon
Tanong

Ano ang glossolalia o pagsasalita sa hindi naiintindihang wika?

Sagot


Ang glossolalia, isang hindi pangkaraniwang pangyayari na tinatawag din minsan na “pagsasalita habang wala sa sarili” ay ang pagsambit ng mga salita na hindi nauunawaan, o mga tunog na katulad sa ibang wika habang nasa isang blangkong estado ng katinuan. Ang glossolalia ay laging ipinagkakamali sa xenoglossia, na siyang “kaloob ng pagsasalita sa ibang wika” na naaayon sa Bibliya. Habang ang glossolalia ay pagsambit ng mga salitang hindi nalalaman o naiintindihan ng sinuman maging ng mismong nagsasalita, ang xenoglossia naman ay ang kakayahan na magsalita sa isang wika na hindi pinagaralan ng nagsasalita.

Bilang karagdagan, habang ang xenoglossia ay isang kakayahan na hindi normal sa isang tao, ipinakikita ng mga pagaaral na ang glossolalia ay isang gawi na napagaaralan at nagagaya. Isang pagaaral na isinagawa ng Lutheran Medical Center ang nagpapakita na ang glossolalia ay madaling natututuhan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga simpleng instruksyon. Gayundin, natuklasan na ang mga magaaral ay maaaring “magsalita sa ibang wika” kahit na wala silang nararamdamang anumang kakaiba o kahit hindi sila nawawala sa sarili. Isa pang pagsusuri ang isinagawa sa 60 magaaral ang nagpakita na pagkatapos na makinig sa isang minutong sampol ng “pagsasalita sa hindi naiintindihang wika,” 20 porsyento ang nagawang gayahin ang kanilang narinig ng halos walang pagkakaiba. Pagkatapos ng mga pagsasanay, nagtagumpay ang 70 porsyento ng mga magaaral na gayahin ang mga salitang kanilang narinig.

Sa halos lahat ng parte ng mundo, maoobserbahan ang glossolalia. Ang mga paganong relihiyon sa buong mundo ay nagsasanay din ng pagsasalita sa wika na hindi nauunawaan. Kasama sa mga paganong grupong ito ang mga Shamans sa Sudan, ang kulto ng Shango sa West Coast ng Aprika, ang kulto ng Zor sa Etiopia, ang kulto ng Voodoo sa Haiti at ang mga aborigines ng Hilagang Amerika at Australia. Ang pag-ungol o pagsasalita ng walang kahulugang mga salita habang nawawala sa sarili na itinuturing na isang mahiwagang karunungan ng mga “banal na tao” sa iba't ibang relihiyon ay isang sinaunang gawain sa kasaysayan ng mundo.

May dalawang pangunahing bahagi sa pagsasanay ng Glossalalia. Una, ang mga nagsasanay nito ay maguumpisang umungol sa tunog na kagaya ng wika ng tao. Sa praktikal, halos lahat ng tao ay may kakayahang gawin ito; kahit ang mga bata bago sila matutong magsalita ay nakakagaya ng totoong mga salita, kahit na hindi nila iyon nauunawaan. Walang ekstra ordinaryo sa bagay na ito. Ang ikalawang bahagi ay ang pagpapakita ng kasiyahan habang tila nawawala ang tao sa kanyang sarili. Walang kakaiba sa bagay na ito, bagama't mas mahirap para sa tao na sadyaing magsalita ng mga tunog na gaya sa totoong wika ng tao.

May mga Kristiyano, lalo na sa mga Pentecostal at Karismatikong grupo ang naniniwala na may hindi pangkaraniwang paliwanag para sa katulad ng inilarawan sa BagongTipan. Naniniwala sila na ang pangunahing layunin ng kaloob ng pagsasalita sa ibang wika ay upang ipakita ang ebidensya ng pagpuspos sa kanila ng Espiritu Santo gaya ng naganap sa Araw ng Pentecostes (Gawa 2), bilang katuparan ng hula ni Propeta Joel (Gawa 2:17).

Hindi nagkakaisa sa pagpapaliwanag sa kahulugan ng gawaing ito ang iba’t ibang denominasyong Kristiyano. Halimbawa, may naninindigan na ang ganitong kaloob ng Banal na Espiritu ay dapat na maranasan ng lahat ng mananampalataya dahil ito diumano ang ebidensya ng kapuspusan ng Banal na Espiritu, samantalang ang iba naman ay hindi masyadong binibigyang diin ang kahalagahan nito at sinasabing itinuro ni Pablo na ang “pagsasalita sa ibang wika” ay hindi kasing halaga ng iba pang mga kaloob ng Banal na Espiritu (tingnan ang 1 Corinto 13). Sa kabilang dako, may mga grupo naman na iniiwasan ang pagsasanay nito at mayroon naming hindi na halos binabanggit ang katuruang ito sa pagaalala na maging dahilan ito ng pagkakabaha-bahagi sa Iglesya. Mayroon namang naniniwala dito ngunit sinasabi na ito ay isa lamang pangkaraniwang karanasang saykolohikal. Mayroon namang mga grupo na itinuturing na ang ganitong gawain ay isang tahasang pandaraya ng diyablo.

May nakakaunawa kahit sa mga kakaibang wika ng tao sa buong mundo, ngunit walang nakakaunawa sa mga glossolalia na naririnig sa mga grupo ng Pentecostal at Charismatic sa panahong ito. Ang ating naririnig ay pawang mga ungol, hindi maintindihang salita, mga pinalaking kuwento, mga kuwento ng mga hindi pangkaraniwang karanasan na hindi sinasangayunan ng Bibliya at mga ingay at kaguluhan. Hindi ito gaya ng nangyari noong araw ng Pentecostes sa aklat ng mga Gawa kung saan sinabi ng mga taong nakarinig sa mga Apostol, “Bakit ang atin-ating katutubong wika ang naririnig natin sa kanila?” (Gawa 2:8).

Sa isang simpeng salita, ang glossolalia ay hindi ang kaloob ng pagsasalita sa ibang wika na makikita sa Bibliya. Malinaw na sinabi ni Apostol Pablo na ang pangunahing layunin ng pagsasalita sa ibang wika ay upang maging tanda ito para sa mga hindi mananampalataya at upang maipangaral ang Mabuting Balita, ang Ebanghelyo ng Panginoong Hesu Kristo (1 Corinto 14:19, 22).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang glossolalia o pagsasalita sa hindi naiintindihang wika?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries