settings icon
share icon
Tanong

Anu-ano ang mga gnostikong Ebanghelyo (gnostic gospels)?

Sagot


Ang mga gnostikong ebanghelyo o gnostic gospels ay mga kasulatan na sinulat ng mga unang Kristiyanong gnostiko (gnostics). Pagkaraan ng unang siglo ng Kristiyanismo, dalawang pangkat ng Kristiyanismo ang lumabas – ang mga Kristiyanong orthodox at ang mga gnostikong Kristiyano. Ang mga Kristiyanong orthodox ay naniniwala lamang sa mga aklat ng Bibliya na kapareho ng sa atin ngayon at sa tinatawag ngayon na teolohiyang orthodox. Ang mga gnostikong Kristiyano naman, kung mailalarawan nga sila bilang Kristiyano, ay nanghahawak sa mga katuruan na kakaiba sa itinuturo ng Bibliya tungkol kay Kristo, tungkol sa kaligtasan at sa halos lahat ng pangunahing doktrina ng Bibliya. Gayunman, wala silang anumang Kasulatan ng mga apostol na nagbibigay ng awtoridad sa kanilang mga paniniwala.

Ito ang dahilan kung bakit at paano nalikha ang mga tinatawag na gnostikong Ebanghelyo (gnostic gospels). Buong pandaraya nilang ikinabit ang pangalan ng mga kilalang Kristiyano sa mga kasulatang ito gaya ng Ebanghelyo ni Tomas, Ebanghelyo ni Felipe, Ebanghelyo ni Maria at iba pa. Ang pagkatuklas sa silid-aklatan na tinatawag na “Nag Hammadi” sa Hilagang Egipto noong 1945 ang kumakatawan sa malaking pagkatuklas sa mga gnostikong Ebanghelyo (gnostic gospels). Ang mga huwad na Ebanghelyong ito ang ipinagpapalagay na mga “nawawalang aklat ng Bibliya.”

Ano ang ating dapat na reaksyon sa mga gnostikong Ebanghelyo (gnostic gospels)? Nararapat ba na ang ilan o lahat sa kanila ay isama sa mga aklat ng Bibliya? Hindi, hindi nararapat! Una, gaya ng nasabi sa itaas, ang mga gnostikong Ebanghelyo ay mga huwad na Ebanghelyo at may panlilinlang na ginamit ang pangalan ng mga apostol upang magkaroon ng kredibilidad. Salamat at nagkaisa halos ang lahat ng mga tagapagtatag ng unang iglesya sa pagkilala na ang mga kasulatang ito ay nagtuturo ng hidwang pananampalataya. Hindi mabilang sa dami ang pagkakasalungatan sa pagitan ng mga gnostikong Ebanghelyo at ng mga tunay na Ebanghelyo nina Mateo, Markos, Lukas at Juan. Maaaring pagaralan ang gnostikong Ebanghelyo para malaman ang mga maling katuruan noong panahon ng unang Iglesya, ngunit dapat silang tanggihan dahil hindi sila nabibilang sa Bibliya at hindi sila kumakatawan sa mga tunay na katuruan ng pananampalatayang Kristiyano. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Anu-ano ang mga gnostikong Ebanghelyo (gnostic gospels)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries