settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Gog at Magog?

Sagot


Kung pagbabasehan ang kasaysayan, ang Magog ay isa sa mga apo ni Noe (Genesis 10:2). Ang lahing nanggaling kay Magog ay tumira sa malayong Hilaga ng Israel, maaaring sa Europa at sa Hilagang Asya (Ezekiel 38:15). Ang Magog ang naging pangalan ng lupain kung saan nanirahan ang lahi ni Magog. Ang mga lahi ni Magog ay inilarawan bilang mga dalubhasang mandirigma (Ezekiel 38:15; 39:3¬–9). Ang Gog ay pangalan ng isang pinuno ng Magog sa hinaharap na mangunguna sa isang hukbo na sasalakay sa Israel. Hinulaan ng Panginoon ang pagkawasak ng Gog: “Ezekiel, anak ng tao, harapin mo si Gog sa lupain ng Magog… paghahariin ko sa Gog ang matinding takot at sila-sila'y magtatagaan” (Ezekiel 38:2).

Ang Gog at Magog ay tinukoy sa Ezekiel 38—39 at sa Pahayag 20:7–8. Habang binanggit ang parehong pangalan sa dalawang sitas, ipinapakita ng malalim na pagaaral sa Kasulatan na hindi sila tumutukoy sa iisang tao at pangyayari. Sa hula ni Ezekiel, si Gog ang magiging pinuno ng isang malaking hukbo na sasalakay sa bansang Israel. Inilarawan si Gog na “nagmula sa lupain ng Magog, ang pangunahing prinsipe ng Meshech at Tubal” (Ezekiel 38:2). Ang digmaan sa Ezekiel ng Gog at Magog ay magaganap sa panahon ng kapighatian, maaaring sa unang tatlong taon at kalahati. Ang pinakamalakas na ebidensya para sa pananaw na ito ay mangyayari ang pagsalakay sa panahon ng kapayapaan sa Israel (Ezekiel 38:8, 11) — sa panahon na mahina ang kanilang depensa laban sa mga kaaway. Walang kapayapaan sa Israel sa panahong ito at hindi kapani-paniwala na ibababa nito ang kanyang armas malibang may maganap na isang malaking pangyayari. Sa panahon ng pakikipagkasundo ng Israel sa Antikristo sa pasimula ng ika-pitumpung (70) linggo sa Ezekiel (ang pitong taon ng kapighatian—Daniel 9:27a), magkakaroon ng kapayapaan sa Israel. Posibleng ang digmaan ay magaganap bago ang kalagitnaan ng pitong taon. Ayon sa Ezekiel, ang Diyos mismo ang gagapi sa Gog sa mga kabundukan ng Israel. Napakalawak ng mangyayaring patayan na kinakailangan ang pitong buwan upang ilibing ang mga patay (Ezekiel 39:11–12).

Muling binanggit ang Gog at Magog sa Pahayag 20:7¬–8. Ito ay naiibang digmaan, ngunit ang pag-ulit na muli sa mga pangalang Gog at Magog ay nagpapakita na muling mauulit ang kasaysayan. Muling magaganap ang parehong rebelyon laban sa Diyos na makikita sa Ezekiel 38—39.

Binanggit sa Aklat ng Pahayag ang hula ni Ezekiel tungkol sa Magog upang ilarawan ang huling pagatake sa bansang Israel sa huling panahon (Pahayag 20:8–9). Ang resulta ng digmaang ito ay ang pagwasak ng Diyos sa lahat na kaaway ng Israel at ang pagdadala kay Satanas sa kanyang huling hantungan sa lawang apoy (Pahayag 20:10).

Nasa ibaba ang ilan sa pinakamalinaw na dahilan kung bakit tumutukoy sa magkaibang tao at digmaan ang Ezekiel 38—39 at Pahayag 20:7–8:

1. Sa digmaan sa Ezekiel 38—39, ang mga hukbo ay pangunahing nanggaling sa Hilaga at kinasasangkutan ng ilan lamang na mga bansa sa mundo (Ezekiel 38:6, 15; 39:2). Ang digmaan sa Pahayag 20:7–9 ay kasasangkutan ng lahat ng mga bansa sa mundo, kaya’t ang mga hukbo ay manggagaling sa lahat ng direksyon hindi lamang mula sa Hilaga.

2. Walang banggit tungkol kay Satanas sa konteksto ng Ezekiel 38—39. Sa Pahayag 20:7, mallinaw na binabanggit sa konteksto na magaganap ang digmaan sa dulo ng isanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa lupa at si Satanas ang pangunahing tagapanguna.

3. Sinasabi sa Ezekiel 39:11–12 na ang mga patay ay ililibing sa loob ng pitong buwan. Hindi na kailangang ilibing ang mga patay kung ang digmaan sa Ezekiel 38—39 ay pareho sa inilarawan sa Pahayag 20:8–9, dahil pagkatapos ng digmaan sa Pahayag 20:8–9 ay ang Dakilang Paghuhukom sa harap ng Puting Trono (20:11–15), at pagkatapos ang kasalukuyang langit at lupa ay maglalaho at papalitan ng isang bagong langit at bagong lupa (Pahayag 21:1). Malinaw na kailangang ilibing pa ang mga namatay sa digmaan kung ang digmaan ay magaganap sa unang bahagi ng kapighatian dahil ang lupain ng Israel ay muling titirhan sa loob ng isanlibong (1,000) taon, ang haba ng panahon ng literal na paghahari ni Kristo sa lupa (Pahayag 20:4–6).

4. Ang digmaan sa Ezekiel 38—39 ay ginamit ng Diyos upang muling papanumbalikin ang Israel sa Kanyang sarili (Ezekiel 39:21–29). Sa Pahayag 20, mananatiling tapat ang Israel sa Diyos sa loob ng isanlibong (1,000) taon (ang kahariang milenyal). Ang mga rebelde sa Pahayag 20:7–10 ay pupuksain at hindi sila bibigyan ng pagkakataon upang magsisi sa kanilang mga kasalanan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Gog at Magog?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries