settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kahalagahan ng pagaaral ng Bibliya sa isang grupo?

Sagot


Dahil ang Kristiyanismo ay hindi sinadya para maging gawain ng indibidwal, ang pagaaral ng Bibliya sa isang grupo ay hindi lamang mahalaga, ito ay walang kasing halaga. Ang pagaaral ng Bibliya sa isang maliit na grupo ay napaka-epektibo anupa’t ginamit ito ni Jesus para sanayin ang mga lalaki na kalaunan ay kikilalanin bilang mga apostol (Lukas 6:12–16; Markos 4:34).

Ang Kristiyanismo ay sinadya para sa mga grupo—una, sa pagitan natin at ng Diyos at ikalawa, sa pagitan natin at ng mga tao sa ating paligid. Ang pagaaral ng Bibliya sa grupo ang kasangkapan para hindi tayo maging tagapanood lamang sa isang lingguhang pagsamba kundi maging mga aktibong kasali sa isang komunidad na magkakapareho ang kaisipan na nakatalaga sa paglagong espiritwal.

Habang kinakatagpo natin ang Diyos ng magkakasama, may oportunidad tayo na ibahagi ang magkakaibang pananaw at kaalaman sa isa’t isa at napapalawak natin ang mga ito dahil sa ating interaksyon. Mas maraming impormasyon ang napapanatili kung may aktibong pakikilahok, at napapahusay ang ating kaalaman sa Bibliya. Ang paglalapat at pananagutan sa isa’t isa ang nagpapalawak sa pangunawa na nagdadala ng Salita ng Diyos mula sa isip patungo sa puso. Nahihimok ang pagbabago (Roma 12:2), at nagbabago ang ating mga buhay. Kung nababago ang ating mga buhay, nagbabago din ang mga buhay ng mga tao sa ating palibot.

Hindi basta nagaganap ang pakikipagrelasyon at kailangan natin ang isang grupo ng mga kaibigan para mapagtagumpayan ang mga bagyo ng buhay. Nangangailangan ang pakikipagkaibigan ng paglalaan ng panahon at ng isang antas ng paghahayag ng kahinaan at pagtitiwala. Sinasabi sa Hebreo 10:24–25 na “huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon.” Saan ito magaganap ng mas mahusay kaysa sa pagaaral ng Bibliya sa isang grupo?

Ang isang grupo sa pagaaral ng Bibliya ay maaaring maging isang lugar para ipagdiwang ang mga tagumpay sa buhay, magkaroon ng suporta sa panalangin, magpalakas ng loob sa mahihirap na sandali sa buhay, at managot sa isa’t isa sa personal na paglago. Nagaalok ang grupo ng pagaaral sa Bibliya ng isang itinakdang oras para pagtuunan ng pansin ang mga paksa na tumatalakay sa ating mga pangangailangan o interes. Nagaalok sila ng isang ligtas na lugar para sa pagpapalakas ng loob at magpapatibay sa atin para harapin ang mga hamon sa bawat araw.

Ang mga mananampalataya ang katawan ni Cristo (Roma 12:5); bilang isang katawan, tayo ang Kanyang mga kamay at paa sa mundo, ang mga magpapatuloy sa Kanyang gawain. Inilista sa 1 Corinto 12:4–12, Roma 12:4–8, at Efeso 4:11–13 ang mga kaloob sa katawan. Ang maliliit na grupo para sa pagaaral ng Bibliya ang lugar kung saan maraming tao ang nagumpisang malaman at masanay ang mga kaloob na ito. Habang umuunlad tayo sa ating kaalaman sa Bibliya at lumalalim ang ating relasyon sa Diyos at sa ibang mananampalataya (Colosas 2:7), tayo ay mas nagiging handa na mabuhay at magbahagi ng ebanghelyo sa ating mga kaklase, kapitbahay, at mga katrabaho.

Ang ating pagtatalaga sa isang grupo na nagaaral ng Bibliya ay isang modelo sa mga taong nakapaligid sa atin. Ito ang ebidensya na pinahahalagahan natin ang paglagong espiritwal na sapat para tayo maglaan ng oras para dito. Pinagmamasdan ng ating mga anak ang ating mga aksyon, at nagkakaroon sila ng mga paunang kaalaman kung paano maging isang tagasunod ni Cristo at pinahahalagahan ang Salita ng Diyos. Nakikinabang sila sa ating pagtatalaga dahil nakikita nila tayo na namumuhay ng sang-ayon sa ating mga paniniwala na ipinamumuhay ang ating kaligtasan (Filipos 2:12).

Maaaring ang ilan ay natatakot na makilahok sa isang grupo na nagaaral ng Bibliya. Ang pagkatakot na tanggihan at maging bukas sa iba ang dalawa sa tila mga higanteng humahadlang sa maaaring maging pinakamabuti para sa atin. Ngunit ang pakikilahok sa isang maliit na grupo na nagaaral ng Bibliya ang maaaring reseta ng Diyos bilang panlaban sa kalungkutan na humahabol sa atin sa isang mabilis at impersonal na mundo.

Nilikha tayo ng Diyos para mangailangan sa Kanya at sa bawat isa. Ang utos Niya sa atin ay abutin at ibigin ang bawat isa. Sinasabi sa Colosas 3:16 na “hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso ang Salita ni Cristo. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos.” Alin pang lugar ang higit na maganda kaysa sa isang maliit na grupo ng pagaaral sa Bibliya?

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kahalagahan ng pagaaral ng Bibliya sa isang grupo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries