settings icon
share icon
Tanong

Si Hesus ba ay isang vegetarian (gulay lang ang kinakain)? Dapat ba na maging vegetarian ang isang Kristiyano?

Sagot


Hindi gulay lang ang kinakain (vegetarian) ni Hesus. Itinala ng Bibliya na si Hesus ay kumain ng isda (Lukas 24:42-43) at ng karneng tupa (Lukas 22:8-15). Mahimalang pinakain ni Hesus ng tinapay at isda ang isang malaking grupo ng tao, isang bagay na hindi niya gagawin kung siya ay isang vegetarian (Mateo 14:17-21). Sa isang pangitain ni Apostol Pedro, idineklara ni Hesus na ang lahat ng pagkain ay nilinis na, maging ang mga hayop (Mga Gawa 10:10-15). Pagkatapos ng baha noong panahon ni Noe, binigyan ng pahintulot ng Diyos ang sangkatauhan na kumain ng karne (Genesis 9:2-3). Hindi binawi ng Diyos ang pahintulot na ito.

Sa kabila ng lahat, wala namang masama para sa isang Kristiyano na kumain lang ng gulay o maging vegetarian. Hindi iniuutos sa Bibliya na kumain tayo ng karne, kaya hindi rin naman masama na hindi kumain ng karne. Ang sinasabi sa atin ng Bibliya ay hindi natin dapat pilitin na sumunod ang ibang tao sa ating sariling kombiksyon patungkol sa isyung ito o husgahan sila dahil sa kanilang kinakain o hindi kinakain. Sinabi sa atin ng Roma 14:2-3, "May naniniwalang maaari siyang kumain ng kahit ano, ngunit gulay lamang ang kinakain ng mahina sa pananampalataya. Huwag hamakin ng kumakain ng kahit ano ang kumakain lamang ng gulay, at huwag namang hatulan ng kumakain lamang ng gulay ang kumakain ng kahit ano, sapagkat siya'y tinanggap ng Diyos."

Muli, binigyan ng Diyos ng pahintulot ang sangkatauhan na kumain ng laman ng hayop pagkatapos ng baha (Genesis 9:3). Sa mga kautusan sa Lumang Tipan, iniutos ng Diyos sa mga Israelita na huwag kumain ng ilang uri ng pagkain (Levitico 11:1-47), ngunit walang anumang utos laban sa pagkain ng karne (Markos 7:19). Katulad ng anumang bagay, dapat manalangin ang bawat Kristiyano para sa paggabay sa kung ano ang kanyang kakainin o hindi kakainin. Anuman ang ating maging desisyon, iyon ay katanggap tanggap sa Diyos hanggat pinasasalamatan natin Siya sa pagkakaloob niyon sa atin (1 Tesalonica 5:18). "Ngunit kung hinahatulan tayo ng Panginoon, tayo'y itinutuwid niya upang hindi tayo maparusahang kasama ng sanlibutan" (1 Corinto 10:31).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Si Hesus ba ay isang vegetarian (gulay lang ang kinakain)? Dapat ba na maging vegetarian ang isang Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries