Tanong
Paano ako gagaling sa sakit na dulot ng isang nasirang relasyon?
Sagot
Ang mundo ay puno ng mga taong may sugatang puso at espiritu at mga sirang relasyon. Kasama sa sakit na dulot ng isang nasirang relasyon ang pakiramdam ng personal na pagkawala ng isang minamahal na hindi iba sa pakiramdam ng isang namatayan. Minsan, napakalalim ng sakit na halos hindi na makakilos at makapagtrabaho ang isang tao at sa mas malalang kaso, maaari itong magbunga sa pagkawala ng katinuan o maging sa pagpakamatay. Nagaalok ang mundo ng iba't ibang kaparaanan upang pawiin ang sakit gaya ng pag-inom ng antidepressants, paglalabas ng galit sa isang sulat, pamimili ng mga gamit, pagpapaganda, at iba pa. May ilan na ipinapayo ang pagkakaroon ng positibong pananaw sa buhay. Ang pinakapangkaraniwang gamot ay "panahon." Habang ang sakit na dulot ng paghihiwalay ay maaring mabawasan sa paglipas ng panahon, tanging ang isang anak lamang ng Diyos ang maaaring makaranas ng kumpletong kagalingan dahil tanging ang Kristiyano lamang ang nagtataglay ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos. "At ang mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan, ang natamo nilang sugat ay bibigyang kagalingan" (Awit 147:3).
Nauunawaan ni Jesus ang sakit na dulot ng pagtanggi ng mga tao. "Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan" (Juan 1:11). Pinagtaksilan si Jesus ng isa sa kanyang malapit na alagad (Juan 6:71; cf. Awit 41:9). Habang nakakaranas tayo ng sakit na dulot ng nasirang relasyon, dapat nating dalhin ang ating mga kabigatan sa Panginoon (1 Pedro 5:7). Nakitangis siya sa mga tumatangis (Juan 11:35; Roma 12:15), at kaya Niyang maunawaan ang ating mga kahinaan (Hebreo 4:15).
Maaaring panggalingan ang nasirang relasyon ng mga negatibong emosyon. Nauunawaan ng mga Kristiyano ang kawalang kabuluhan ng pagkontrol ng emosyon sa tao. Pinagpala tayo ni Jesus ng lahat na pagpapalang espiritwal at tinanggap tayo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo (Efeso 1:3, 6). Ang pagtanggap na ito sa atin ng Diyos ang nangingibabaw sa lahat ng pagtanggi sa atin ng tao dahil hindi ito nakasalalay sa pakiramdam kundi sa katotohanan. Alam natin na tinanggap tayo ng Diyos dahil sinasabi ito sa atin ng Salita ng Diyos at habang inaangkin natin ang katotohanang ito sa pamamagitan ng pananampalataya, binabago nito ang ating mga puso at buhay.
Lahat ng tao ay nakaranas na ng sakit na dulot ng nasirang relasyon sa isang punto ng kanilang buhay. Tiyak tayong masasaktan at mabibigo dahil nabubuhay tayo sa isang mundong puno ng kasalanan. Ang ating reaksyon sa sakit na dulot ng nasirang relasyon ay maaaring makapagpatibay ng ating relasyon sa Panginoon. Ipinangako sa atin ng Diyos na sasamahan Niya tayo sa gitna ng ating mga kabiguan sa buhay (Hebreo 13:5), at nais Niya na malaman natin ang Kanyang mga kaloob sa atin. Sasaatin ang Kanyang biyaya at kaaliwan habang namamahinga tayo sa Kanya.
Sumasalahat ng bawat isinilang na muling anak ng Diyos ang mga pagpapala kay Kristo ngunit dapat nating piliin na gamitin ang mga iyon. Ang pamumuhay sa kalungkutan at kapaitan dahil sa isang nasirang relasyon bilang isang Kristiyano ay gaya ng pagkakaroon ng milyon-milyong dolyar sa bangko ngunit namumuhay na gaya sa isang pulubi dahil hindi nagwi-withdraw. Hindi natin magagamit ang isang bagay na hindi natin nalalaman. Kaya nga, dapat na nasain ng bawat mananampalataya na "lumago sa biyaya at kaalaman sa ating Panginoon" (2 Pedro 3:18) at gawin "kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos" (Roma 12:2). Dapat nating harapin ang buhay ng may armas ng tunay na pangunawa kung ano ang kahulugan ng paglakad sa pananampalataya.
Bilang mga mananampalataya, hindi tayo dapat hugisin ng ating mga nakaraang pagkakamali, kabiguan o pagtataksil ng mga tao. Hinuhugis tayo ng ating relasyon sa Diyos. Mga anak tayo ng Diyos, isinilang na muli sa isang bagong buhay, pinagkalooban ng lahat ng pagpapalang espiritwal, at tinanggap kay Kristo Hesus. Sumasampalataya tayo na mapagtatagumpayan natin ang sanlibutan (1 Juan 5:4).
Inihanda ng Diyos ang bawat isa sa atin sa isang natatanging oportunidad upang lumakad sa lahat ng mga bago sa buhay na ito. Maaari tayong mamuhay ayon sa ating sariling lakas na tinatawag ni Pablo na 'laman,' o maaari tayong lumakad sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ito ay ating pagpapasya. Ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang baluti, ngunit nasa atin kung isusuot natin ito (Efeso 6:11–18).
Maaari tayong dumanas ng kabiguan sa buhay na ito, ngunit mga anak tayo ng Hari, at ang sakit na dulot ng pagtanggi ng tao na ating nararanasan ay isa lamang panandaliang sakit kumpara sa walang hanggang kaluwalhatian. Nasa atin kung hahayaan natin na magapi tayo ng mga pagsubok na ito o maaari nating angkinin ang ating mana bilang mga anak ng Diyos at magpatuloy sa Kanyang biyaya. Gaya ni Pablo, maaari nating kalimutan ang hinaharap at sikaping makamtan ang nasa hinaharap (Filipos 3:13).
Mahalaga ang pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin sa proseo ng paggaling. Nilalason lamang ng pamumuhay sa kapaitan at pagkikimkim ng galit ang ating sariling espiritu. Oo, maaaring talagang masakit ang ginawa sa atin ng iba, ngunit may kalayaan sa pagpapatawad. Ang pagpapatawad ay isang regalo na maaari nating ipagkaloob dahil ipinagkaloob din ito sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Jesu Cristo (Efeso 4:32).
Anong kaaliwan ang malaman na sinabi ng Diyos, "Hindi kita iiwan ni pababayaan man" (Hebreo 13:5). Laging kasama ng mga mananampalataya ang Diyos upang magbigay sa kanila ng kaaliwan. "Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kahabagan at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan. Inaaliw niya kami sa aming mga kapighatian upang sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya ay maaliw naman namin sa mga nahahapis" (2 Corinto 1:3–4). Ang Diyos na hindi maaaring magsinungaling ang nangako na sasamahan Nia tayo sa gitna ng ating mga pagsubok, "Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita;
tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod; dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog, hindi ka matutupok" (Isaias 43:2).
Sinasabi sa Awit 55:22, "Ilagak kay Yahweh iyong suliranin, aalalayan ka't ipagtatanggol rin; ang taong matuwid, di niya bibiguin." Sa katotohanan, nanggagaling ang pakiramdam sa ating isipan, kaya upang mabago ang ating pakiramdam, dapat nating baguhin ang ating pagiisip. Ito ang nais ng Diyos na ating dapat gawin. Sa Filipos 2:5, sinabihan ni Pablo ang mga Kristiyano, "Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus." Sa Filipos 4:8, sinabihan ang mga Kristiyano na isaisip ang mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Sinasabi sa Colosas 3:2, "Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa." Habang ginagawa natin ang mga ito, mababawasan kundi man maglaho ang sakit na dulot ng pagtataksil sa atin ng mga tao.
Kailangan sa pagtatagumpay sa sakit na dulot ng pagkasira ng relasyon ang pangaraw-araw na desisyon na manalangin para sa paggabay ng Diyos at pagbabasa at pagninilay-nilay ng Salita ng Diyos. Hindi natin mararanasan ang kagalingan sa pamamagitan ng ating sariling gawa; manggagaling lamang ito mula sa Panginoon. Tutulungan tayo ng mga gawaing ito na alisin ang ating pansin sa ating sarili at sa halip ay ituon ang ating pansin sa Diyos. Maaari tayong gawin ng Diyos na buo at walang kulang. Kaya Niyang pawiin ang ating mga kabiguan at hugisin tayo ayon sa Kanyang naisin. Masakit ang karanasan ng pagkasira ng relasyon, ngunit mabiyaya ang Diyos. Bibigyan Niya ng kahulugan, layunin at kagalakan ang ating mga buhay. Sinabi ni Jesus, "Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko itataboy kailanman ang sinumang lumalapit sa akin" (Juan 6:37). Ang relasyon ng Panginoon sa Kanyang mga anak ay hindi magwawakas kailanman.
English
Paano ako gagaling sa sakit na dulot ng isang nasirang relasyon?