Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa haba ng buhok? Kailangan bang maiksi ang buhok ng mga lalaki, at kailangan bang mahaba ang buhok ng mga babae?
Sagot
Ang isang sitas sa Bagong Tipan kung saan binabanggit ang haba ng buhok ay ang 1 Corinto 11:3-15. Ang iglesya sa Corinto ay nasa gitna ng isang kontrobersya tungkol sa papel ng mga lalaki at babae sa iglesya at sa tamang kaayusan ng pagsamba at awtoridad sa loob ng iglesya. Sa kultura sa Corinto, ipinapakita ng mga babae ang kanilang pagpapasakop sa kanilang mga asawa sa pamamagitan ng pagsusuot ng belo. Tila may ilang babae sa iglesya doon na hindi na isinusuot ang kanilang belo sa pagsamba, isang bagay na tanging ang mga upahang babae lamang sa mga templo ng mga diyus-diyusan o mga rebeldeng babae lamang ang gumagawa. Para sa isang babae, ang pagpunta sa iglesya ng hindi suot ang kanyang belo ay isang kahihiyan para sa kanyang asawang lalaki, at nakakalito din ito para sa kanilang kultura. Sa ganito ring paraan, ang pagsusuot ng isang lalaki ng belo kung sumasamba ay hindi katanggap-tanggap at isang kahihiyan din sa kultura sa Corinto.
Umapela si Pablo sa biology para ilarawan ang pagiging tama ng pagsunod sa pamantayan ng kultura sa partikular na isyung ito: natural na ang mga babae ay may mas mahabang buhok kaysa sa mga lalaki at mas higit na nanganganib ang mga lalaki na makalbo. Nilikha ng Diyos ang mga babae ng may natural na belo at ang mga lalaki ng “may ulong walang takip.” Kung tatanggalin ng mga babae ang tanda ng kanyang pagpapasakop (ang belo), maaari na rin niyang ahitin ang kanyang ulo (t. 6). Pinupunto ni Pablo na kung sinasabi ng kultura na hindi dapat kalbo ang mga babae, (lumalabas ng bahay ng wala ang kanyang natural na takip sa ulo), bakit niya tatanggihan ang parehong pamantayan ng kultura ng pagsusuot ng belo (paglabas ng wala ang kanyang takip sa ulo ayon sa kultura) sa pagsamba?
Para sa mga lalaki, hindi natural para sa kanya na magpatubo ng mahabang buhok (t. 14). Ang kanyang buhok ay natural na mas maiksi (at mas manipis) kaysa sa mga babae. Ito ay sang-ayon sa tradisyon ng mga taga Corinto na hindi pagsusuot ng mga lalaki ng takip sa ulo habang sumasamba. Hinimok ni Pablo ang iglesya na sumang-ayon sa pangkalahatang ideya na sinasang-ayunan ng kultura patungkol sa katanggap-tanggap na anyo ng mga lalaki at babae.
Habang hindi ang haba ng buhok ang pangunahing pinupunto ng sitas na ito ng Kasulatan, mailalapat natin ang mga sumusunod na aplikasyon: 1) Dapat tayong sumunod sa mga natural at tinatanggap na pagkakakilanlan ng kultura sa kasarian. Dapat na magmukhang lalaki ang mga lalaki at dapat na magmukhang babae ang mga babae. Hindi interesado ang Diyos o tinatanggap man ang iba pang kasarian. 2) Hindi tayo dapat magrebelde laban sa kultura sa ngalan ng anumang uri ng “kalayaang Kristiyano.” Mahalaga kung paano natin ipiniprisinta ang ating mga sarili sa mundo. Dapat na boluntaryong ipailalim ng mga babae ang kanilang sarili sa kapamahalaan ng mga lalaking pinuno sa iglesya, 4) Hindi natin dapat baliktarin ang natural na papel na itinakda ng Diyos para sa mga lalaki at babae.
Hindi gumagamit ng belo o pantakip sa ulo ang mga babae sa ating kultura ngayon para ipahiwatig ang kanilang pagpapasakop sa awtoridad. Ngunit ang papel ng mga lalaki at babae ay hindi nagbabago, bagama’t ang paraan ng ating paglalarawan sa papel na ito ay nagbabago habang nagbabago ang kultura. Sa halip na magtakda ng sapilitang pamantayan ng haba ng buhok, dapat nating tandaan na ang tunay na isyu ay ang kundisyon ng puso, ang ating indibidwal na pagtugon sa awtoridad ng Diyos, sa Kanyang itinakdang kaayusan, at ang ating desisyon na lumakad sa pagpapasakop sa mga awtoridad na iyon. May magkaibang papel na itinakda ang Diyos para sa mga lalaki at babae na dapat nilang gampanan, at bahagi ng pagkakaibang iyon ay ipinapakita sa haba ng buhok. Ang buhok ng lalaki ay dapat na angkop para sa isang lalaki. Ang buhok ng babae ay dapat na angkop para sa isang babae.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa haba ng buhok? Kailangan bang maiksi ang buhok ng mga lalaki, at kailangan bang mahaba ang buhok ng mga babae?