Tanong
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng biyaya at habag?
Sagot
Nalilito ang marami sa kahulugan ng habag at biyaya. Habang ang dalawang terminolohiya ay may halos magkaparehong kahulugan, magkaiba ang esensya ng habag at biyaya. Sa isang maiksing pagpakahulugan: ang habag ay ang hindi pagpaparusa ng Diyos sa mga makasalanan gaya ng nararapat at ang biyaya naman ay ang pagpapala ng Diyos sa mga hindi karapatdapat. Ang habag ay ang pagliligtas mula sa hatol ng Diyos. Ang biyaya naman ay ang pagpapadama ng kabutihan sa mga hindi karapat dapat.
Ayon sa Bibliya, lahat tayo ay nagkasala (Ecclesiastes 7:20; Roma 3:23; 1 Juan 1:8). Dahil sa ating mga kasalanan, karapatdapat tayo sa kamatayan (Roma 6:23) at walang hanggang parusa ng Diyos sa walang hanggang apoy (Pahayag 20:12-15). Dahil dito, bawat araw na nabubuhay tayo dito sa lupa ay dahil lamang sa kahabagan ng Diyos. Kung ibibigay ng Diyos ang nararapat para sa atin, lahat tayo, sa mga oras na ito, ay nararapat na sumpain at sunugin sa walang hanggang apoy. Sa Awit 51:1-2, nanangis si David at sinabi, "Maawa ka sa akin, Oh Dios, ayon sa Iyong kagandahang loob: Ayon sa karamihan ng Iyong malumanay na mga kaawaan ay pinawi Mo ang aking pagsalangsang, hugasan Mo akong lubos sa aking kasamaan at linisin Mo ako sa aking kasalanan." Ang pagmamakaawa para sa kahabagan ng Diyos ay paghiling sa Kanya na huwag Niyang ipalasap sa atin ang Kanyang hatol at sa halip ay bigyan Niya tayo ng kapatawaran na hindi natin nararapat na makamtan.
Wala tayong anumang karapatang humingi sa Diyos ng kahit na anong bagay. Walang obligasyon sa atin ang Diyos. Ang lahat ng mabuting bagay na ating nararanasan ay dahil lamang sa biyaya ng Diyos (Efeso 2:5). Ang biyaya ay isang pabor ng Diyos na hindi natin dapat na maranasan. Binibigyan tayo ng Diyos ng mga mabubuting bagay na hindi natin dapat na makamtan o mapapagpaguran man. Iniligtas tayo mula sa hatol ng Diyos dahil lamang sa Kanyang kahabagan, ang biyaya ang lahat ng mga bagay na ating natatanggap na higit pa sa kahabagan ng Diyos (Roma 3:34). Ang pangkaraniwang biyaya at tumutukoy sa biyaya ng Diyos na Kanyang ipinagkakaloob sa lahat ng tao gaya ng ulan at sikat ng araw anuman ang kanilang kalagayang espiritwal sa Kanyang harapan, habang ang biyaya ng kaligtasan naman ay ang espesyal na biyaya ng Diyos na Kanyang ipinagkakaloob sa Kanyang mga hinirang bago pa itatag ang sanlibutan sa pamamagitan ng pagsilang na muli at pagpapaging banal ng Espiritu Santo.
Ang kahabagan at biyaya ay mailalarawan ng buong linaw sa kaligtasan na nakakamtan sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo. Nararapat tayo para sa hatol ng Diyos, ngunit kung magsisisi tayo at mananampalataya kay Hesus na ating Tagapagligtas, tatanggapin natin ang kahabagan ng Diyos at maliligtas tayo mula sa Kanyang poot. Sa halip na hatol, tatanggapin natin ang biyaya ng kaligtasan, kapatawaran mula sa mga kasalanan, isang buhay na ganap at kasiya siya (Juan 10:10), at higit sa lahat ang isang walang hanggang buhay sa langit, ang pinakamagandang lugar sa lahat ng lugar na maaaring isipin ng tao (Pahayag 21-22). Dahil sa Kanyang kahabagan at biyaya, nararapat na tayo'y lumuhod ng may pagpapasalamat at pagsamba sa Diyos. Sinabi sa Hebreo 4:16, "Magsilapit nga tayong may pagkakatiwala sa luklukan ng biyaya, upang tayo'y magsipagtamo ng awa, at mangakasumpong ng biyaya upang tumulong sa atin sa panahon ng ating pagaalinlangan."
English
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng biyaya at habag?