Tanong
Paanong magkasamang gumagawa ang habag at katarungan ng Diyos sa kaligtasan?
Sagot
Tila hindi mapagkakasundo ang katarungan at kahabagan ng Diyos. Ito ay dahil ang katarungan ay kinapapalooban ng pagpapataw ng nararapat na kaparusahan para sa kasalanan, habang ang kahabagan naman ay patungkol sa pagpapatawad dahil sa kaawaan para sa nagkasala. Gayunman, ang dalawang katangiang ito ng Diyos sa katotohanan ay nagkakaisa.
Binabanggit sa Bibliya ang maraming pagtukoy sa kahabagan ng Diyos. May mahigit sa 290 mga talata sa Lumang Tipan at 70 talata naman sa Bagong Tipan ang naglalaman ng direktang pahayag tungkol sa kahabagan ng Diyos sa mga tao.
Nahabag ang Diyos sa mga taga Niniveh na nagsisi sa pangangaral ni Jonas na inilarawan ang Diyos bilang “Diyos na mahabagin at mapagmahal, hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig” (Jonas 4:2). Sinabi ni David na ang Diyos ay “mapagmahal at punô ng habag, hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas. Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi; sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi” (Awit 145:8–9).
Ngunit itinuturo din sa Bibliya ang katarungan ng Diyos at ang Kanyang pagkapoot sa kasalanan. Sa katunayan, ang perpektong katarungan ng Diyos ang isa katangian na nagpapakilala sa Kanya: “Hindi ba ako, na Panginoon? At walang Diyos liban sa akin, isang matuwid na Diyos at Tagapagligtas; walang iba liban sa akin” (Isaias 45:21). “Siya ang Bato, ang kanyang gawa ay sakdal; sapagkat lahat ng kanyang daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat at walang kasamaan, siya ay matuwid at banal” (Deuteronomio 32:4).
Sa Bagong Tipan, idinetalye ni Pablo ang paparating na paghatol ng Diyos: “Patayin ninyo ang anumang makalupa na nasa inyo: pakikiapid, karumihan, masamang pita, masasamang pagnanasa, at kasakiman na ito'y pagsamba sa mga diyus-diyosan. Dahil sa mga bagay na ito ay dumarating ang poot ng Diyos sa mga anak ng pagsuway” (Colosas 3:5–6).
Kaya nga ipinapakita sa Bibliya ang katotohanan na ang Diyos ay mahabagin, ngunit ipinapakita din nito na Siya ay makatarungan at isang araw, ilalapat Niya ang Kanyang hustisya sa kasalanan ng mundo.
Sa bawat relihiyon sa mundo na naniniwala sa ideya ng isang makapangyarihang diyos, ang diyos na iyon ay laging sinasanay ang Kanyang kahabagan at binabalewala ang Kanyang katarungan. Halimbawa, sa relihiyong Islam, maaaring kahabagan ni Allah ang isang tao, ngunit ginagawa niya ito sa pamamagitan ng hindi paglalapat ng parusa sa anumang kautusan na nilabag ng taong iyon. Sa ibang salita, ang parusa na nararapat sa nagkasala ay ipinagwawalang bahala ng kanilang kinikilalang diyos upang ang kahabagan ay maipadama. Ang Allah ng Islam at ang iba pang mga diyos sa mga hindi Kristiyanong relihiyon ay isinasantabi ang pangangailangan ng pagtupad sa kautusan upang maging mahabagin. Ang kahabagan ay laging makikitang salungat sa katarungan at hustisya. Sa esensya, sa mga relihiyong ito, naipagwawalang bahala ang krimen.
Kung ang isang hukom na tao ay kumilos sa ganitong paraan, maraming tao ang magsasampa sa kanya ng kaso. Responsibilidad ng isang hukom na masunod ang batas at maigawad ang katarungan. Ang isang hukom na binabalewala ang kautusan ay nagtataksil sa kanyang sinumpaang tungkulin.
Ang Kristiyanismo ay naiiba dahil ang kahabagan ng Diyos ay Kanyang naipakita sa pamamgitan ng hustisya. Hindi isinasantabi ng tunay na Diyos ang hustisya para maipadama ang kanyang kahabagan. Ang doktrina ng Kristiyanismo na paghahali sa makasalanan ay nagsasaad na ang kasalanan at kawalan ng hustisya ay parehong pinarusahan sa krus ni Cristo at ito ay dahil ang utang na kasalanan ay nabayaran sa pamamagitan ng paghahandog ng buhay ni Cristo. Ipinadama ng Diyos ang Kanyang kahabagan sa mga hindi karapatdapat na makasalanan na nagtitiwala sa Kanya para sa kanilang kaligtasan.
Habang namatay si Cristo para sa mga makasalanan, ipinakita din Niya ang katuwiran ng Diyos; ang Kanyang kamatayan sa krus ang nagpakita ng hustisya ng Diyos. Ito ang eksaktong sinasabi ni apostol Pablo: “Sila ngayon ay itinuturing na ganap ng kanyang biyaya bilang kaloob sa pamamagitan ng pagtubos na na kay Cristo Jesus; na siyang inialay ng Diyos bilang handog na pantubos sa pamamagitan ng kanyang dugo na mabisa sa pamamagitan ng pananampalataya. Ito ay kanyang ginawa upang maipakita ang pagiging matuwid ng Diyos, sapagkat sa kanyang banal na pagtitiis ay kanyang pinalampas ang mga kasalanang nagawa sa nakaraan; upang mapatunayan sa panahong kasalukuyan na siya'y matuwid at upang siya'y maging ganap at taga-aring-ganap sa taong mayroong pananampalataya kay Jesus” (Roma 3:24–26, idinagdag ang diin).
Sa ibang salita, ang lahat ng kasalanan mula kay Adan hanggang sa panahon ni Cristo ay nasa ilalim ng pagtitiis at kahabagan ng Diyos. Ang Diyos sa Kanyang kahabagan ay piniling hindi parusahan ang kasalanan na kung ilalapat ang parusa para dito ay nangangailangan ng walang hanggang kaparusahan sa impiyerno para sa mga makasalanan, bagama’t perpekto pa rin Siyang makatarungan kung gagawin Niya ito. Hindi agad na pinarusahan sina Adan at Eba ng kumain sila ng bunga ng ipinagbabawal na puno. Sa halip, nangako ang Diyos ng isang Manunubos (Genesis 3:15). Sa Kanyang pag-ibig, ipinadala ng Diyos ang kanyang sariling Anak (Juan 3:16). Binayaran ni Jesus ang bawat kasalanan na nagawa ng tao; kaya nga, ang Diyos ay makatarungan sa pagpaparusa sa kasalanan, at kaya rin Niyang mapalawang-sala ang mga makasalanan na tatanggap kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya (Roma 3:26). Ang katarungan at kahabagan ng Diyos ay Kanyang ipinakita sa pamamagitan ng kamatayan ni Cristo sa krus. Doon sa krus, ganap na nabigyang kasiyahan ang hustisya ng Diyos (kay Cristo), at ganap Niyang naipadama ang Kanyang habag (sa lahat ng sumasampalataya). Kaya ang perpektong kahabagan ng Diyos ay Kanyang inilapat sa pamamagitan ng Kanyang perpektong hustisya.
Ang panghuling resulta ay maliligtas na sa poot ng Diyos ang bawat isang nagtitiwala kay Jesus at makakaranas sila ng kanyang biyaya at kahabagan (Roma 8:1). Gaya ng sinasabi ni Apostol Pablo, “Lalo pa nga, ngayong itinuturing tayong ganap sa pamamagitan ng kanyang dugo, ay maliligtas tayo sa galit ng Diyos sa pamamagitan niya” (Roma 5:9).
English
Paanong magkasamang gumagawa ang habag at katarungan ng Diyos sa kaligtasan?