settings icon
share icon
Tanong

Ano ang halimaw ng Pahayag?

Sagot


Sa panahon ng kapighatian sa hinaharap, ang mundo ay pamumunuan ng isang masamang tao na mangunguna sa isang masamang sistema ng pamahalaan. Iniuugnay ng Bibliya ang pinunong ito sa huling panahon sa isang kakila-kilabot na halimaw sa Pahayag at Daniel.

Sa Pahayag 13 nakakita si Juan sa isang tila bangungot na pangitain ng isang dragon at dalawang halimaw. Ang unang halimaw ay lumabas sa dagat at tumanggap ng kapangyarihan mula sa dragon o si Satanas. Ang halimaw na ito ay talagang napakapangit: Ito ay “may pitong ulo at sampung sungay. May korona ang bawat sungay nito at sa bawat ulo ay nakasulat ang mga pangalang lumalapastangan sa Diyos. Ang halimaw ay parang leopardo, ang mga paa nito'y tulad ng mga paa ng oso, at ang bibig ay parang bibig ng leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang sariling lakas, trono at malawak na kapangyarihan. Ang isa sa mga ulo ng halimaw ay parang may sugat na nakamamatay, ngunit ito'y gumaling. Namangha ang buong daigdig sa nangyaring ito, at nagsisunod sila sa halimaw” (Pahayag 13:1–2). Ang pangitain ni Daniel tungkol sa isang halimaw ay halos pareho ng pangitain ni Juan (Daniel 7:7–8, 19–27). Ang pagaaral sa Pahayag at Daniel ng magkasama ay kapaki-pakinabang.

Sa Pahayag, ang salitang halimaw ay tumutukoy sa dawalang magkaugnay na bagay. Minsan “ang halimaw” ay tumutukoy sa isang imperyo sa huling panahon. Ang pitong ulo at pitong sungay ay nagpapahiwatig na ang halimaw ay koalisyon ng mga bansa na may kapangyarihang supilin ang mundo sa ilalim ng kontrol ni Satanas. Ang mga huling banggit sa “halimaw” sa Pahayag ay isang larawan ng isang indibidwal—na isang lalaking lider sa pulitika at pinuno ng imperyo ng halimaw.

Magkakaroon ang halimaw ng nakamamatay na sugat ngunit gagaling mula doon (Pahayag 13:3). Magsasanay siya ng kapangyarihan sa buong mundo at hihingin ang pagsamba ng mga tao (Pahayag 13:7–8). Makikipagdigma siya laban sa mga anak ng Diyos at mananalo siya sa loob ng maiksing panahon (Pahayag 13:7; Daniel 7:21). Ayon sa Pahayag 13:5 at Daniel 7:25, pahihintulutan lamang siyang nagkaroon ng ganap na kapamahalaan sa mundo sa loob ng 42 buwan (tatlong taon at kalahati).

Naniniwala kami na ang halimaw sa Pahayag ay ang Antikristo, ang taong “Itataas ang kanyang sarili at kakalabanin ang lahat ng kinikilalang diyos at sinasamba ng mga tao. Uupo siya sa Templo ng Diyos at magpapakilalang siya ang Diyos” (2 Tesalonica 2:4). Tinatawag din siyang “ang lalaking suwail” o “lalaki ng katampalasanan” at ang “lalaking itinakda sa kapahamakan” (2 Tesalonica 2:3). Sa pangitain ni Daniel, ang Antikristo ay ang “maliit na sungay” na lumabas sa ulo ng nakakatakot na halimaw (Daniel 7:8).

Sa pagdating ng Panginoon sa paghatol, tatalunin Niya ang halimaw at wawasakin ang kanyang imperyo (Pahayag 19:19–20; Daniel 7:11). Itatapon ang halimaw sa lawang apoy. Ang pagkakakilanlan sa indibidwal na magiging halimaw ng Pahayag ay hindi pa alam. Ayon sa 2 Tesalonica 2:7, ang lalaking ito ay mahahayag lamang kapag inalis na ng Diyos ang humahadlang na impluwensya ng Banal na Espiritu sa mundo.

Magandang ikumpara ang magkakaibang pangitain ng Bibliya sa mga kaharian ng mundo. Sa Daniel 2, ang panaginip ni haring Nabucudonosor tungkol sa mga kaharian ng mundo ay “isang malaking estatwa—isang dambuhala, at nakakasilaw na estatwa na kahanga-hanga ang hitsura” (Daniel 2:31). Nakakita din si Daniel ng pangitain ng mga parehong kaharian, ang ipinagkaiba lamang ay nakita niya ang mga iyon bilang napakapangit na mga halimaw (Daniel 7). Sa pangitain ni Juan ng pinakahuling makasalanang kaharian, ipinakita ang imperyo bilang isang kahindik-hindik at at hindi mailarawang halimaw. Ang mga talatang ito ay nagpapakilala ng dalawang magkaibang pananaw sa mga itatayong kaharian ng sangkatauhan. Nakikita ng tao ang kanyang mga nilikha bilang mga kahanga-hangang likhang-sining na gawa sa mga mamahaling bato. Gayunman, ang pananaw ng Diyos sa mga kaharian ng tao ay mga halimaw at ang halimaw ng Pahayag ang pinakapangit sa lahat.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang halimaw ng Pahayag?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries