settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng hanapin ang mukha ng Diyos?

Sagot


Sa Banal na Kasulatan, maraming pagkakataon na hinihimok ng Diyos ang mga tao na hanapin ang kanyang mukha. Isang pamilyar na talata sa Biblia ang nagsasabi na, "Kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at dumalangin, at hanapin ang aking mukha, at talikuran ang kanilang masamang mga lakad; akin ngang didinggin sa langit, at ipatatawad ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain" (2 Cronica 7:14). Ngunit paano ba natin hahanapin ang mukha ng Diyos kung hindi naman natin ito maaaring makita?

Ang orihinal na salitang Hebreo na "mukha" ay pangkaraniwang isinasalin sa Lumang Tipan bilang "presensya." Kaya't nangangahulugan lamang na kapag hinanap natin ang mukha ng Diyos ay hinahanap natin ang kanyang presensya. Nanawagan ang Diyos sa kanyang bayan na hanapin nila ang kanyang mukha dahil kinalimutan Siya ng mga ito, kaya't sila'y kailangang magbalik-loob sa Kanya.

Nahahayag ang katangian o personalidad ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang mukha at makikita rin natin kung ano ang emosyon o nararamdaman Niya batay sa kanyang mukha. Makikilala rin natin kung sino ba talaga ang isang tao sa pamamagitan ng pagtingin sa kanyang mukha, sapagkat ang mukha ay kumakatawan sa kanyang pagkakakilanlan. Ayon din sa mga may akda ng Biblia, ang mukha ng tao ang siyang kumakatawan sa kanyang buong pagkatao.

Mababasa natin sa Awit 105:4 na ang mga tapat ay tinatawagan ng Diyos upang "laging hanapin ang kanyang mukha." At kahit na hindi naman tayo tumatalikod sa Kanya, may mga pagkakataon na nakakalimot tayong dumulog sa kanya. Kaya't ang mukha ng Diyos, at ang banal niyang katangian ay madalas na hindi maaninag ng tao dahil sa kanyang makasalanang kalagayan at makalamang pagnanasa. Kaya naman hinihimok tayo ng Diyos na patuloy nating hanapin ang kanyang mukha dahil nais Niya na palagi natin siyang kasama sa lahat ng mga nararanasan natin sa buhay. Nais niyang mas makilala pa natin Siya. Sapagkat kung tayo'y lalapit sa Kanya, ang Diyos ay lalapit sa atin: "Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Linisin ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip" (Santiago 4:8).

Tuwing tayo ay nananalangin, ito'y nangangahulugang hinahanap natin ang mukha ng Diyos: "Sa burol ni Yahweh, sinong nararapat umahon? Sa banal niyang Templo, sinong dapat pumaroon? Ang taong malinis ang buhay pati ang isipan, hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan; at hindi sumusumpa ng kasinungalingan. Bibigyan siya ni Yahweh ng pagpapala't kaligtasan, ipahahayag siya ng Diyos na walang kasalanan. Ganoon ang mga taong lumalapit sa Diyos, silang dumudulog sa Diyos ni Jacob" (Awit 24-3-6). Ibig sabihin, ang tunay na kalikasan ng pagsamba ay ang paghanap sa mukha ng Diyos. Kaya't bilang mga Kristiyano, iukol natin ang ating buhay sa paglapit sa Diyos at paghahangad sa kanyang presensya. Dahil ang nais ng Diyos ay buong pagpapakumbabang hanapin natin ang kanyang mukha sa pamamagitan ng pananalangin at ng pagaaral ng Kanyang Salita. Kung paanong ang intensyonal na pagtingin o pagtitig sa mukha ng isang tao ay magagawa lamang kung malapit kayo sa isa't-isa, gayon din naman, ang patuloy na paghahanap sa mukha ng Diyos ay nagiging daan upang higit na mapalapit tayo sa kanya: "O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap; ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad; para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas. Hayaan mong sa santuwaryo ika'y aking mapagmasdan, at ang likas mong kaluwalhatian at kapangyarihan. Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay, kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan" (Awit 63:1-3).

Ang mukha ng Diyos na nakangiti sa atin ay kapahayagan ng kanyang pagpapala, pag-ibig, at tulong: "Paliwanagin nawa ng PANGINOON ang kanyang mukha sa iyo, at mahabag sa iyo" (Bilang 6:25; tingnan din ang Awit 80:3, 7, 19). Tayo'y pinagpapala Niya ng kanyang kaningningan tuwing tayo ay lumalapit sa kanya. Ngunit hindi natin kailangang lumapit sa Diyos dahil lamang sa ating mga kahilingan sapagkat batid niya ang lahat ng ating kailangan (Mateo 6:7-8, 32-33), at tayo'y nagtitiwala na Siya ang magiingat sa atin.

Samakatuwid, ang paghahanap sa mukha ng Diyos ay nangangahulugan ng pagnanais na matutunan at maranasan ang kanyang mga katangian—ang pagnanais na maranasan ang kanyang presensya ng higit pa sa anumang bagay na maaari niyang ibigay sa atin.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng hanapin ang mukha ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries