Tanong
Bakit kinakailangan sa sistema ng paghahandog ang handog na dugo?
Sagot
Pinatutungkulan ng bawat aklat ng buong Lumang Tipan ang darating na Dakilang Handog – ang paghahandog ni Jesus ng Kanyang sariling buhay para sa atin. Ang Levitico 17:11 ang sentrong pahayag ng Lumang Tipan tungkol sa kahalagahan ng dugo sa sistema ng paghahandog. Idineklara ng Diyos sa Kanyang pakikipagusap kay Moises: “Sapagkat ang buhay ay nasa dugo at iniuutos ko na dapat ihandog iyon sa altar bilang pantubos sa inyong buhay.”
Ang paghahandog ay nangangahulugan ng pagaalay ng isang mahalagang bagay para sa isang layunin o dahilan. Ang pagpapalubag loob ay ang pagpawi ng galit ng nagkasala sa pinagkasalahan. Mas malinaw na ang kahulugan ngayon ng talata sa itaas mula sa aklat ng Levitico: Sinabi ng Diyos “ibinigay ko ito sa inyo (ang buhay ng isang nilalang na nasa dugo) upang maghandog kayo para sa inyong sarili (takpan ang kasalanan na inyong ginawa laban sa Akin).” Sa ibang salita, ang mga natakpan ng handog na dugo ay pinalaya na mula sa konsekwensya ng kasalanan.
Siyempre, hindi pa kilala ng mga Israelita noon ang Panginoong Jesus, at hindi rin nila alam kung mamamatay Siya para sa kanila at pagkatapos ay mabubuhay na mag-uli. Ngunit naniniwala sila na magpapadala ang Diyos ng isang Tagapagligtas. Lahat ng handog na dugo na makikita sa buong Lumang Tipan ay anino lamang ng tunay at minsan para sa lahat na handog na darating upang hindi malimutan ng mga Israelita na walang kapatawaran kung walang pagbububo ng dugo. Ang pagbububong ito ng dugo ay isang gawain ng paghalili. Kaya nga, ang huling bahagi ng Levitico 17:11 ay maaaring basahin ng ganito, “ang dugo na nagtatakip ng kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan” (ang dugo ng hayop) o “nagtatakip sa kasalanan para sa sa buhay” (buhay ng makasalanan, na si Jesus ang nagbibigay ng buhay sa pamamagitan ng Kanyang pagbububo ng dugo).
Kinukumpirma sa Hebreo 9:11-18 ang simbolismo ng dugo at inilapat ang Levitico 17:11 sa handog ng Panginoong Jesu Cristo. Sinasabing malinaw sa talata 12 na ang mga paghahandog ng dugo sa Lumang Tipan ay panandalian at nakapawi lamang ng kasalanan para sa isang maiksing panahon. Kaya nga, kailangan ang paulit-ulit na paghahandog taun-taon. Ngunit ng pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, ginawa Niya ito sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang sariling dugo ng minsan para sa lahat ng panahon kaya’t hindi na kinakailangan pa ang muling paghahandog sa hinaharap. Ito ang kahulugan ng mga pananalita ni Jesus sa krus noong malapit na Siyang mamatay: “Naganap Na!” (Juan 19:30). Hindi na muling kailangan pa ang dugo ng mga toro at kambing para linisin ang mga tao sa kanilang kasalanan. Sa pamamagitan lamang ng pagtanggap sa dugo ni Jesus na nabuhos doon sa krus, may kapatawaran ng mga kasalanan at makakatayo tayo sa harapan ng Diyos na natatakpan ng katuwiran ni Cristo (2 Corinto 5:21).
English
Bakit kinakailangan sa sistema ng paghahandog ang handog na dugo?