settings icon
share icon
Tanong

Ano ang hapunan sa kasal ng Kordero?

Sagot


Sa kanyang pangitain sa Pahayag 19:7-10, nakita at narinig ni Apostol Juan ang napakaraming tao sa langit na nagpupuri sa Diyos dahil sa kasal ng Kordero - literal na "hapunan sa kasalan" - na nagsisimula na. Ang konsepto ng hapunan sa kasalan ay mas mauunawan sa liwanag ng mga kaugalian ng mga Hudyo tuwing may ikinakasal noong kapanahunan ni Kristo.


Ang mga kaugaliang ito sa kasalan at may tatlong pangunahing yugto. Una, isang kasunduan ng kasal ang pipirmahan ng mga magulang ng lalaki at babaeng ikakasal at magbabayad ang mga magulang ng babae ng dote (dowry) sa mga magulang ng lalaki. Ito ang simula ng isang yugto sa relasyon ng babae at lalaki na tinatawag na tipan o kasunduan na tinatawag sa panahon ngayon na "engagement." Ang yugtong ito ng relasyon sa pagitan ng magkasintahan ay siyang kalagayan ni Jose at Maria ng matagpuan si Mariang nagdadalang tao (Mateo 1:18; Luke 2:5).

Ang unang yugto ay isang proseso na karaniwang nagtatagal ng isang taon, na magtatapos sa ikalawang yugto: ang pagpunta ng lalaking ikakasal sa bahay ng kasintahan isang hatinggabi kasama ang kanyang mga kaibigang lalaki. Magdadala sila ng mga sulo habang pumaparada sa daan patungo sa bahay ng kasintahang babae. Alam na ng babaeng kasintahan ang mangyayari at maghahanda siya kasama ang kanyang mga abay na babae at sasama sila sa parada na magtatapos sa bahay ng ama ng kasintahang lalaki. Ang kaugaliang ito ang konteksto ng talinghaga ng Sampung Dalaga sa Mateo 25:1-13. Ang ikatlong bahagi ay ang mismong kasalan, na maaaring magtagal ng maraming araw, gaya ng inilarawan sa kasalan sa Cana sa Juan 2:1-2.

Ang nakita ni Juan sa kanyang pangitain ay ang larawan ng kasal ng kordero (si Hesu Kristo) sa Kanyang kasintahang babae (ang Iglesya), na nasa ikatlong yugto. Ang implikasyon nito ay nangyari na ang dalawang yugto. Ang unang yugto ay nakumpleto na sa lupa ng maglagak ang bawat isang mananampalataya ng kanyang pananampalataya kay Kristo bilang Kanyang Tagapagligtas. Ang dote (dowry) na ibinayad sa ama ng lalaking ikakasal (Diyos Ama) ay ang dugo ni Kristo na nabuhos alang alang sa babaeng ikakasal. Ang Iglesya sa mundo ngayon, kung gayon, ay nakatalaga na kay Kristo at gaya ng matatalinong dalaga sa talinghaga ng Sampung Dalaga, ang lahat ng mananampalataya ay nararapat na laging magbantay at maghintay sa pagdating ng lalaking ikakasal (ikalawang pagparito ni Kristo). Ang ikalawang yugto ay sumisimbolo sa pagdagit sa Iglesya (rapture) sa pagdating ni Kristo upang angkinin ang Kanyang kasintahan at dalhin sa bahay ng Kanyang Ama. Kasunod nito ang ikatlo at panghuling yugto, ang handaan o kasalan.

Ang dadalo sa handaan ay hindi lamang ang Iglesya kundi ang "iba" din namang inanyayahan. Ang "ibang" ito ay ang mga mananampalataya sa Lumang Tipan na bubuhaying muli sa Ikalawang pagparito ni Kristo, gayundin ang mga pinatay na martir sa panahon ng pitong taon ng kapighatian. Gaya ng sinabi ng anghel na isinulat ni Juan, "Mapapalad ang mga inanyayahan sa paghapon sa kasalan ng Cordero" (Pahayag 19:9). Ang hapunan sa kasal ng Kordero ay isang maluwalhating selebrasyon ng lahat ng mga na kay Kristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang hapunan sa kasal ng Kordero?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries