Tanong
Ano ang nangyari sa Hardin ng Getsemane?
Sagot
Ang Hardin ng Getsemane, ay isang lugar na literal na nangangahulugang “pisaan ng langis,” at makikita sa isang dalisdis ng Bundok ng mga Olibo sa tapat ng lambak ng Kidron mula sa Jerusalem. Ang hardin ng mga matatandang puno ng Olibo ay nakatayo pa rin hanggang ngayon. Laging pumupunta si Jesus sa Getsemane kasama ang Kanyang mga alagad para manalangin (Juan 18:2). Ang pinakakilalang pangyayari sa Getsemane ay naganap noong gabi bago ipako si Jesus sa Krus pagkatapos na ipagkanulo Siya ni Judas. Inilarawan ng bawat isa sa mga manunulat ng Ebanghelyo ang gabing iyon ng may kaunting pagkakaiba. Ang pagbabasa sa apat na tala (Mateo 26:36-56; Marcos 14:32-52; Lukas 22:39-53; John 18:1-11) ay magbibigay ng isang eksaktong larawan ng nakapakahalagang gabing iyon sa kabuuan.
Habang dumidilim ang gabi, pagkatapos na idaos ni Jesus at ng Kanyang mga alagad ang Paskuwa, pumunta sila sa hardin ng Getsemane. Sa ilang pagkakataon ng gabing iyon, isinama ni Jesus ang tatlo sa Kanyang mga apostol— sina Pedro, Santiago at Juan—sa isang lugar na hiwalay sa ibang mga apostol. Doon, sinabihan sila ni Jesus na magbantay na kasama Niya at manalangin upang hindi sila madaig ng tukso (Mateo 26:41), ngunit sila’y nakatulog. Dalawang beses na kinailangang gisingin ni Jesus ang tatlo para paalalahanan na manalangin upang hindi sila matukso. Napakahalaga ng paalalang ito dahil babagsak si Pedro sa tukso kalaunan sa gabing iyon ng tatlong beses niyang itinanggi na kilala niya si Jesus. Lumayo ng kaunti si Jesus mula sa tatlong apostol para manlangin, at dalawang beses na hiniling Niya sa Ama na ilayo sa Kanya ang saro ng poot na Kanyang iinumin, ngunit sa bawat paghiling nagpasakop Siya sa kalooban ng Ama. “Halos mamatay Siya sa tindi ng kalungkutan” (Mateo 26:38), ngunit nagpadala ang Diyos ng isang anghel mula sa langit upang patatagin Siya (Lukas 22:43).
Pagkatapos nito, dumating ang taksil na si Judas kasama ang maraming sundalo, mga punong saserdote, mga Pariseo, at mga alipin para arestuhin si Jesus. Ipinakilala siya ni Judas Iscariote sa mga huhuli sa Kanya sa pamamagitan ng isang halik. Sa pagnanais na proteksyonan si Jesus, binunot ni Pedro ang kanyang tabak ay tinaga ang isang lalaki na nagngangalang Malko, ang alipin ng punong saserdote at naputol ang tenga nito. Sinaway ni Jesus si Pedro at mahimalang pinagaling ang tenga ng lalaki. Nakakagulat na ang pagsaksi sa himalang ito ng pagpapagaling ni Jesus ay walang anumang epekto sa mga naroroon. Hindi rin sila natinag ng kahanga-hganga Niyang pagpapakita ng kapangyarihan gaya ng inilarawan sa Juan 18:5-6, kung saan maaaring dahil sa Kanyang hitsura, o sa kapangyarihan ng Kanyang mga salita o pareho, bumagsak silang lahat sa lupa na gaya ng patay. Gayunman, inaresto pa rin nila Siya at dinala kay Pontio Pilato habang ang mga apostol ay nangalat dahil sa takot para sa kanilang sariling buhay.
Ang mga pangyayaring naganap sa hardin ng Getsemane ay umalingawngaw sa pagdaan mga siglo. Ang katatagan na ipinakita ni Jesus sa napakahalagang gabing iyon ay inilarawan sa musika, mga aklat at mga panoorin sa loob ng maraming siglo. Mula sa ikalabing-anim na siglo ng isulat ni Bach ang dalawang kahanga-hangang talumpati base sa mga tala ng Ebanghelyo ni Mateo at Juan hanggang sa kasalukuyang panahon sa pelikulang The Passion of the Christ, ang kwentong ito ng pambihirang gabing iyon ay paulit ulit na isinalaysay. Kahit ang ating mga salita ay naapektuhan ng mga pangyayari sa hardin ng Getsemane at nagbigay sa atin ng mga kasabihang gaya ng “ang nabubuhay sa patalim ay sa patalim namamatay” (Mateo 26:52); “malakas ang espiritu ngunit mahina ang laman” (Marcos 14:38); at “pumawis ng dugo” (Lukas 22:44). Siyempre, ang pinakamahalagang pangyayari sa gabing iyon ay ang kahandaan ng ating Tagapagligtas na mamatay sa krus para sa ating lugar upang bayaran ang ating mga kasalanan. “Hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin sa kanya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos” (2 Corinto 5:21). Ito ang Ebanghelyo ni Jesu Cristo.
English
Ano ang nangyari sa Hardin ng Getsemane?