settings icon
share icon
Tanong

Sino ang mga Hare-Krishnas at ano ang kanilang pinaniniwalaan?

Sagot


Ang paniniwala ng Hare-Krishna, na tinatawag ding Gaudiya Vaishnavism o Chaitanya Vaishnavism ay pinapalaganap ng International Society for Krishna Consciousness (o ISKCON). Ang Hare-Krishna ay isang mistikal na sekta ng Hinduismo. Ito ay karaniwang inihahanay bilang isang anyo ng Hinduismo na naniniwala sa isang Diyos dahil pinaniniwalaan ng mga Hare-Krishnas na ang lahat ng mga diyos ay simpleng kapahayagan lamang ng isang diyos na si Vishnu o Krishna. May kaguluhan ang monoteismong Hinduismo, dahil may walang hanggang kasama si Sri Krishna na nagngangalang Srimati Radharani; at silang dalawa ang bubumubuo sa "banal na magasawa" ng Hinduismo.

Ang kilusang Hare-Krishna ay nagumpisa noong ika-labinlimang siglo (1486) ng umpisahang ituro ng tagapagtatag nito na si Chaitanya Mahaprabhu na si Krishna ang pinakamataas na Panginoon sa lahat ng mga diyos. Isinulong ni Mahaprabhu ang isang debosyon ng pananampalataya kung saan pumapasok ang mga tagasunod sa isang relasyon kay Krishna at ipinapahayag ang kanilang pagsamba sa pamamagitan ng paglikha ng tunog at pagsasayaw. Ang ganitong uri ng pasgsamba sa publiko ni Mahaprabhu ang humikayat sa maraming tao upang maging tagasunod, sa isang bahagi, dahil sa malaking pagkakaiba nito sa walang habag at pribadong ekspresyon ng pagsamba na karaniwan sa Hinduismo. Gayunman, kahit na gaano kalaki ang pagkakaiba ng sektang ito ng Hare Krishna sa Hinduismo, ito ay Hinduismo pa rin dahil kahit si Krishna ay kapahayagan (o avatar) lamang ni Vishnu – ang isa sa mga klasikong diyos ng Hinduismo. Dagdag pa rito, pinaniniwalaan pa rin ng mga Hare-Krishnas ang Bhagavad Gita, ang kasulatan ng mga Hindu, gayundin ang dokrina ng reinkarnasyon at karma.

Ang ultimong layunin ng mga Hare-Krishnas ay isang mapagmahal at nangingibabaw na relasyon sa Panginoong si Krishna. Ang salitang Hare ay tumutukoy sa "malalim na kasiyahan kay Krisha." Dahil sa mistikal na debosyon na ipinapahayag sa pamamagitan ng awit at sayaw, maaaring ihalintulad ang Hare-Krishnas sa mga Sufi Muslims ("humuhuning mga Moro") at sa ilang mistikal na ekspresyon ng Kristiyanismo na binibigyang-diin ang mga karanasang nakakawala sa katinuan at mga mistikal na paniniwala.

May karamihan ang hinihingi ng Hare-Krishna sa mga tagasunod nito. Bago maging miyembro ang isang tao, kailangang pumili siya ng isang guru at maging isang disipulo. Ang gurong ito ay kritikal upang makamit ang kaliwanagan (enlightenment); at sinasabi na kung walang guru ang isang tao, imposible na magkaroon siya ng kamalayan kay Krishna. Kailangang magpasakop ang mga tagasunod sa kanilang guru bilang espiritwal na panginoon hanggang sa punto na sambahin nila ang kanilang guru na gaya ng isang diyos. Ang buong buhay ng isang tao ay dapat na nakasentro sa pagsasanay sa debosyon para kay Krishna. Dinadala ng ISKCON ang kanilang mga miyembro sa isang komunidad kung saan ang lahat ay nakasentro kay Krishna. Ang kalakhan ng kultura ng India/hindu ay isinasapamuhay sa mga komunidad na ito. Dapat na pansinin na marahas na pinupuna ng mga dating miyembro ang mga komunidad na ito at humarap na ang ISKCON sa mga kasong kriminal dahil umano sa mga ilegal at imoral na gawain kabilang ang malawakang pangaabuso sa mga bata na nagaganap sa loob ng kilusan.

Tipikal na Hindu ang paniniwala ng Hare-Krishna at hindi maaaring ipagkasundo sa biblikal na Kristiyanismo. Una, pinaniniwalaan ng Hare-Krishna na diyos ang lahat ng bagay at ang Diyos ang lahat at nasa lahat. Para sa mga Hare-Krishnas, ang Diyos ay lahat ng bagay at ang lahat ng bagay ay Diyos. Para sa mga Kristiyano, nakabukod at mataas ang Diyos kaysa sa mga bagay na Kanyang nilikha. Isa sa mga pananaw ng ISKCON na aktwal tayong nagkakaroon ng pagkadiyos ng diyos sa ating sarili. Layunin ng Krishna na maabot ang "kamalayan ng Krishna," na isang uri ng kaliwanagan. Ito ang pinakamalalim na pakikisama kay Krishna. Patungkol sa pagiging Hindu ng ISKCON, sumasang-ayon ito sa pananaw na panteismo (ang lahat ay diyos) kaya nga itinuturo nito na ang tao ay katulad mismo ng Diyos. Ito ang dating panlilinlang ni Satanas sa hardin ng Eden: "Magiging kagaya kayo ng Diyos" (Genesis 3:5).

Gaya ng lahat ng hidwang relihiyon, kinakailangan sa Hare-Krishna ang serye ng mga gawa para sa kaligtasan. Ang debosyon at relasyon ay kalakip sa sistema ng paniniwala, ngunit ang mga ito ay nakasalig sa mga gawa, mula sa bhakti-yoga hanggang sa meditasyon sa harap ng isang altar hanggang sa paglilikom ng pondo. Inirerekomenda ni Sri Chaitanya sa kanyang mga tagasunod na bumanggit ng 100,000 pangalan araw-araw sa kanilang pagawit. Ang pagawit na ito ay ginagamitan ng isang mala, isang rosaryo na may 108 butil. Ipinagbabawal ang pagkain ng karne gayundin ang pagkain sa mga restawran dahil sa paniniwala na nakukuha ng kumakain ang kamalayan ng tagapagluto kaya't kung kumain ang isang tao ng luto ng isang galit na tagapagluto, magagalit din ang kumain. Sa Hare-Krishna, laging may pagnanais na umawit at sumayaw at magsikap na mabuti dahil maaaring manatili ang utang na karma at maging dahilan para hindi makapasok sa kamalayan ni Krishna.

Mahalaga din ang pagtanggi sa sarili at pagsasakripisyo para maligtas ayon sa Hare-Krishna. Ayon sa ISKCON, ang kaligtasan ay lubusang nakakonekta sa konsepto ng karma ng Hinduismo o ng hustisya ayon sa mga ginawa ng tao habang nabubuhay. Kinakailangan sa katuruang ito ang paniniwala sa reinkarnasyon o pagpa-palipat lipat ng kaluluwa sa ibang katawan. Ang gawa ng isang tao, mabuti man o masama ay sinusukat at hinahatulan pagkatapos ng kamatayan. Kung mas maraming kabutihan ang nagawa ng tao habang nabubuhay sa lupa, lilipat ang kanyang kaluluwa sa isang mas mataas na anyo ng buhay; kung mas marami siyang ginawang masama, lilipat ang kanyang kaluluwa sa mas mababang uri ng buhay. Sa oras lamang na maging ganap na malinis ang tao sa masasamang gawa, saka lamang titigil sa pagpapalipat-lipat ang kanyang kaluluwa pagkatapos ng kamatayan at magiging kaisa ni Krishna.

Anong laki ng pagkakaiba ni Krishna sa mahabagin at mabuting Diyos ng Bibliya na "gayon na lamang ang pag-ibig sa sanlibutan na ipinagkaloob ang Kanyang bugtong na Anak upang ang sinumang sumampalataya ay hindi na mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan" (Juan 3:16). Maliwanag ang itinuturo ng Bibliya na ang kaligtasan ay biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya sa nabuhos na dugo ni Jesu Cristo (Efeso 2:8–9). "Hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin sa kanya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos" (2 Corinto 5:21). Walang anumang dami ng mabubuting gawa ang makakapagligtas sa sinuman. Gaya ng buong sangatauhan, ang mga tagasunod ng Hare-Krishna ay may iisang pag-asa lamang para sa buhay na walang hanggan: Sinabi mismo ni Jesus, "Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko" (Juan 14:6). Sinabi sa Gawa 4:12, "Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa buong daigdig na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino ang mga Hare-Krishnas at ano ang kanilang pinaniniwalaan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries