Tanong
Ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa panahon ng paghuhukom ng Diyos?
Sagot
May dalawang magkahiwalay na paghuhukom ng Diyos. Ang mga mananampalataya ay huhukuman sa tinatawag na Hukuman ni Kristo (Roma14:10-12). Ang bawat mananampalataya ay magsusulit ng kanyang sarili sa Diyos at huhukuman ng Diyos ang lahat ng desisyong kanyang ginawa – maging ang mga isyu na may kaugnayan sa konsensya. Ang paghuhukom na ito ay hindi para sa kanilang kaligtasan dahil sila ay ligtas na at ang kaligtasan ay sa biyaya lamang ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya hindi sa gawa (Efeso 2:8-9). Ang paghuhukom na ito ay ang pagsusulit ng mga mananampalataya ng kanilang buhay paglilingkod sa Panginoong Hesu Kristo. Ang ating katayuan kay Kristo ay ang “pundasyon” na tinutukoy sa 1 Corinto 3:11-15. Maaaring ang mga nagtatayo sa pundasyong ito ay gagamit ng “ginto,” “tanso,” at “mamamahaling mga bato” ng mabubuting gawa sa pangalan ni Kristo, na sumisimbolo sa pagsunod at pagiging mabunga – dahil sa tapat na paglilingkod upang mapapurihan ang Diyos at matatag ang iglesya. Maaari naman na ang ating itinatayo sa pundasyon ay “kahoy,” dayami at pinaggapasan” na walang kabuluhan at walang halaga, mga gawa na walang espiritwal na kahalagahan. Ihahayag ang lahat ng ito sa Hukuman ni Kristo.
Ang ginto, tanso at mga mamahaling bato sa buhay natin na mga mananampalataya ay makatatagal sa apoy ng pagdadalisay ng Diyos (talata 13), at tayo ay gagantimpalaan ayon sa mga mabubuting gawang iyon – kung gaano tayo tapat na naglingkod kay Kristo (1 Corinto 9:4-27), kung gaano tayo sumunod sa Kanyang Dakilang Utos (Mateo 28:18-20), kung gaano tayo nagtagumpay laban sa mga kasalanan (Roma 6:1-4), kung paano natin pinigilan ang ating mga dila (Santiago 3:1-9), atbp. Ipagsusulit natin ang ating mga gawa, kung tunay na ginawa natin ang mga iyon dahil sa ating relasyon kay Kristo. Ganap na susunugin ng apoy ng paghuhukom ng Diyos ay mga “kahoy, dayami at pinaggapasan” na kumakatawan sa ating mga gawa at salita na walang eternal na kahalagahan. Kaya, pananagutan natin sa Diyos ang lahat ng mga bagay na ating ginagawa habang tayo ay nasa ating mga katawan” (Roma 14:12).
Ang ikalawang paghuhukom ay para sa mga hindi mananampalataya na hahatulan sa harap ng Dakilang Tronong Puti (Pahayag 20:11-15). Ang paghuhukom na ito ay hindi upang bigyan sila ng kaligtasan. Ang bawat taong haharap sa Dakilang tronong Puti ay hindi mananampalataya na tinanggihan si Kristo habang sila’y nabubuhay at dahil dito, itatapon sila sa lawang apoy. Sinasabi sa Pahayag 20:12 na ang mga hindi mananampalataya ay “hinatulan ayon sa kanilang ginawa, batay sa nakasulat sa mga aklat.” Ang mga tumanggi kay Kristo bilang kanilang Panginoon at Tagapagligtas ay hahatulan ayon lamang sa kanilang ginawa at dahil sinasabi sa Bibliya na ang tao’y “pinapawalang-sala dahil sa pananampalataya kay Jesu-Cristo, at hindi dahil sa pagsunod sa Kautusan” (Galacia 2:16), lahat sila ay susumpain. Walang kahit anong dami ng mabubuting gawa at pagsunod sa kautusan ng Diyos ang sapat para sa ikatutubos ng kasalanan. Ang lahat ng kanilang mga inisip, sinabi at ginawa ay hahatulan ayon sa perpektong pamantayan ng Diyos at matatagpuang kulang. Walang anumang gantimpala para sa kanila kundi pawang sumpa at kaparusahan lamang sa walang hanggang apoy ng poot ng Diyos.
English
Ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa panahon ng paghuhukom ng Diyos?