settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng hayag na presensya ng Banal na Espiritu at ang walang hanggang presensya ng Diyos?

Sagot


Ang walang hanggang presensya ng Diyos ay ang Kanyang katangian ng pagiging nasa lahat ng dako sa lahat ng panahon. Siya ay sumasalahat ng dako kahit na hindi natin nararamdaman ang Kanyang presensya. Narito Siya, kahit hindi natin Siya kinikilala. Ang hayag na presensya ng Diyos ay ang Kanyang presensya na Kanyang ginawang hayag o nararamdaman ng tao - upang ipakita at ipadama sa atin ang katotohanan na Siya ay gumagawa sa isang paraan na maliwanag at nararamdaman.

Ang walang hanggang presensya ng Diyos ay mailalapat sa bawat persona ng Trinidad: Ang Ama (Isaias 66:1), ang Anak (Juan 1:48), at ang Banal na Espiritu (Awit 139:7–8). Ang katotohanan na ang Diyos ay sumasalahat ng dako ay maaari o maaaring hindi magresulta sa isang espesyal na karanasan para sa tao. Gayunman, ang hayag na presensya ng Diyos ay resulta ng Kanyang hindi mapapasubalian at hindi maipagkakamaling pakikipagugnayan sa atin. Ito ang panahon kung kailan nararanasan natin ang Diyos.

Itinala sa Bibliya ang pagpapadama ng bawat persona ng Trinidad ng kanilang presensya sa buhay ng ilang mga indibidwal. Nagsalita ang Diyos kay Moises sa nagliliyab ngunit hindi nasusunog na puno sa Exodo 3. Laging kasama ni Moises ang Diyos, ngunit muli sa ilang, malapit sa bundok ng Horeb (Exodo 3:1), pinili ng Diyos na muling magpakahayag sa Kanya. Nagpakahayag din ang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagkakatawang tao gaya ng sinasabi sa Juan 1:14, “At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan.” Sa araw ng Pentecostes, nagpakahayag ang Banal na Espiritu sa mga mananampalataya sa isang silid sa itaas: “At biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng sa isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno ang buong bahay na kanilang kinauupuan. At sa kanila'y may napakitang mga dilang kawangis ng apoy, na nagkabahabahagi; at dumapo sa bawa't isa sa kanila. At silang lahat ay nangapuspos ng Espiritu Santo, at nangagpasimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkakaloob ng Espiritu na kanilang salitain” (Gawa 2:2–4). Ang resulta ng hayag na presensya ng Diyos sa buhay ng mga alagad ay ang kanilang pagganap ng isang misyon na bumago sa kasaysayan ng mundo (tingnan ang Gawa 17:6).

Sa teolohiya, nauunawaan natin na ang Diyos ay sumasalahat ng dako, ngunit ang katotohanan ay hindi ito madaling nararamdaman o napapansin ng tao. Ito ay isang realidad, ngunit ang katotohanang ito ay maaaring hindi mahalaga sa karamihan ng tao sa planetang ito na walang pandama sa Kanyang presensya. Kanilang nadarama na tila Siya ay malayo, hindi Diyos na malapit. At ang pakiramdam na ito ay naging katotohanan para sa kanila.

Alam natin ang hayag na kapahayagan ng Diyos sa ating karanasan. Maaaring hindi nakikita ang hayag na presensya ng Espiritu o maramdaman sa pisikal, ngunit ang Kanyang presensya ay nararamdaman. Sa panahon ng Kanyang pagpili, inihahayag ng Banal na Espiritu ang Kanyang presensya, at ang ating kaalaman tungkol sa Diyos ay nagiging isang karanasan. At sa oras na iyon, ang ating kaalaman tungkol sa Diyos ay nagiging isang katotohanan.

Sa Awit 71, nanalangin si David sa isang mapagmahal, mahabagin at makatarungang Diyos sa gitna ng kanyang pagaalala. Naunawaan ni David na kasama niya ang Diyos, at ito ang dahilan ng kanyang pananalangin. Sa huling bahagi ng kanyang panalangin, sinabi ni David, “Ikaw na nagpakita sa amin ng marami at lubhang kabagabagan, bubuhayin mo uli kami, at ibabangon mo uli kami mula sa mga kalaliman ng lupa. Palaguin mo ang aking kadakilaan, at bumalik ka uli, at aliwin mo ako” (talata 20–21). Ang presensya ng Diyos ay nakatago kay David sa ilang panahon ng kanyang buhay, at noon niya naranasan ang “marami at mapait na kabagabagan.” Ngunit muling nagtiwala si David sa Diyos na muli niyang mararanasan ang Kanyang hayag na presensya at ang panahong iyon ay panahon ng karangalan at kaaliwan.

Hindi pinabayaan ng Diyos sina Sedrac, Meshac at Abednego. Gayunman, may ilang panahon na tanging ang umiiral na makapangyarihan ay si Haring Nabucodonosor – at sobra ang galit na naramdaman nito para sa tatlong lalaking Hebreo. Walang muwang sa walang hanggang presensya ng Diyos, ipinatapon ng hari ang tatlo sa isang nagbabagang pugon. Sa oras na iyon, ipinakita ng Diyos ang Kanyang hayag na presensya: “Nang magkagayo'y si Nabucodonosor na hari ay nagtaka, at tumindig na madali: siya'y nagsalita at nagsabi sa kaniyang mga kasangguni, Di baga ang ating inihagis ay tatlong gapos na lalake sa gitna ng apoy? Sila'y nagsisagot, at nangagsabi sa hari, Totoo, Oh hari. Siya'y sumagot, at nagsabi, Narito, aking nakikita ay apat na lalake na hindi gapos na nagsisilakad sa gitna ng apoy, at sila'y walang paso; at ang anyo ng ikaapat ay kawangis ng isang anak ng mga dios’” (Daniel 3:24–25). Ang realidad ng presensya ng Diyos ay biglang nakita maging ng mismong paganong hari. Ito ang hayag na presensya ng Diyos.

Hindi natin maaaring maiwala ang presensya ng Diyos sa ating realidad, ngunit maaari nating maiwala ang ating pakiramdam sa kanyang presensya. Walang kahit isang sandali sa ating buhay na hindi sumasaatin ang Diyos, ngunit may mga panahon na hindi Siya nagpapakahayag sa atin. Minsan, hindi malinaw ang Kanyang presensya o nakikita man ng mata ng tao o nadarama ng ating espiritu. Ito ang dahilan kung bakit hinahamon tayo na “mabuhay sa pananampalataya hindi sa nakikita” (2 Corinto 5:7). Ang walang hanggang presensya ng Diyos ay umiiral kahit hindi natin iyon nalalaman o nararamdaman; ngunit hindi maaaring magpakahayag ang Diyos ng hindi natin malalaman o mararamdaman. Ang buong punto ng usapin ay ang katotohanan na sa tuwing nagpapakahayag ang Diyos, nagigising ang ating pandama at pangunawa sa Kanya.

Laging nananahan ang Banal na Espiritu sa mga mananampalataya. Itinuturo ng Bibliya ang pananahan ng Banal na Espiritu: “O hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo sa Dios? at hindi kayo sa inyong sarili” (1 Corinto 6:19). Hindi na muling kukunin pa ang Banal na Espiritu sa atin. Siya ang ating Mangaaliw, Katulong, at ang ating Tagapayo hanggang sa muling pagparito ng Panginoong Hesu Kristo (Juan 14:16). Sa panahong iyon, makakasama natin ang mismong Panginoong Hesus at magpapakahayag Siya sa atin magpakailanman.

Ngunit ang pananahan ng Espiritu ay hindi kapareho ng hayag na presensya ng Espiritu. Dumadaan ang bawat isang mananampalataya sa mga panahon na “hindi nila nararamdaman” na sila ay ligtas at minsan ay dumaraan sila sa mga araw na gumagawa sila na hindi nararamdaman ang presensya ng Espiritu sa kanilang buhay. Ngunit mayroon ding mga panahon na binibisita ng Banal na Espiritu ang mga mananampalataya sa isang espesyal at hayag na paraan. Ito ay maaaring sa pamamagitan ng isang awitin na ipinaalala ng Banal na Espiritu; o isang pakikipagkita sa isang kaibigan; o maaaring paguudyok sa pananalangin, pagnanais na magaral ng Salita ng Diyos o isang pakiramdam ng hindi malirip na kapayapaan. Hindi malilimitahan ang pagpapakahayag ng Banal na Espiritu. Ipinapadama Niya sa atin ang Kanyang presensya. Siya ang ating Mangaaliw. “…datapuwa't tinanggap ninyo ang espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y sumisigaw tayo, Abba, Ama. Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Dios” (Roma 8:15–16).

Dapat ba tayong magtiwala sa walang hanggang presensya ng Diyos kahit hindi natin nadarama na Siya ay sumasaatin? Dapat! Hindi magsisinungaling ang Diyos na nagsabi na hindi Niya tayo iiwan ni pababayaan man (Hebreo 13:5). Dapat ba nating nasain ang hayag na presensya ng Diyos? Dapat! Hindi nangangahulugan na magtitiwala tayo sa ating pakiramdam o maghahanap tayo ng tanda. Ngunit dapat nating asahan na aaliwin ng Banal na Espiritu ang sa Kanya – at kinikilala natin ng may kagalakan na kailangan natin ang Kanyang kaaliwan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng hayag na presensya ng Banal na Espiritu at ang walang hanggang presensya ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries