Tanong
Buhay pa ba ang mga Israelita na nakasaksi sa pagtatayong muli ng kanilang bansa sa panahon ng muling pagparito ng Panginoong Hesu Kristo?
Sagot
Ang konseptong ito ay malimit na kinukuha mula sa Mateo 24:34, “Tandaan ninyo, magaganap ang lahat ng mga ito bago maubos ang salinlahing ito.” Inilalarawan sa mga sinundang talata sa Mateo 24:1–33, ang mga kaganapan sa huling panahon sa relasyon nito sa Israel. Dahil dito, may ilang tagapagpaliwanag ng Bibliya na nagsasabi na ang huling panahon ay magsisimula sa panahon na “itatatag” na muli ang Israel bilang isang bansa (na naganap noong 1948). Gayunman, maraming panahon ang lumipas mula noong 1948 at ang haba ng panahon na sakop ng isang henerasyon ay kailangang pahabain ng pahabain. May 60 taon na ang lumipas mula ng muling itatag ang bansang Israel – na napakalayo sa pamantayang kahulugan ng ‘isang henerasyon.’
Ang pinakamalaking problema sa katuruang ito ay hindi binabanggit sa Mateo 24 ang pagtatayong muli sa bansang Israel o ibinibigay man sa atin ang pasimula ng bilang ng taon para sa “isang henerasyon.” Tila ang sinasabi ng mga talata ayon sa konteksto ay, sa oras na magumpisa ang mga pangyayari sa huling panahon, mangyayari ang mga iyon ng mabilis. Ang “henerasyon” ay ang henerasyon ng mga taong nabubuhay sa panahon ng “pasimula ng mga paghihirap na tulad sa isang babaing nanganganak” (talata 8); sa oras na magsimula ang kaguluhan, magaganap ng mabilisan ang iba pang mga pangyayari sa wakas ng panahon.
Maaari ding may “dalawang katuparan” ang hula ni Hesus sa Mateo 24. Ang ilan sa mga pangyayari ay naganap noong AD 70 ng wasakin ng mga Romano ang Jerusalem. Ang iba pang mga pangyayari (halimbawa mula sa talata 29 hanggang 31) ay hindi pa nagaganap. Ang ilan sa mga sinabi ni Hesus ay magaganap pagkatapos na sabihin Niya ang mga iyon (sa Kanyang henerasyon); ang iba naman sa Kanyang mga sinabi ay hindi matutupad hanggang sa dumating ang henerasyon sa huling panahon.
English
Buhay pa ba ang mga Israelita na nakasaksi sa pagtatayong muli ng kanilang bansa sa panahon ng muling pagparito ng Panginoong Hesu Kristo?