Tanong
Gaano kahaba ang isang henerasyon sa Bibliya?
Sagot
Ginagamit ng Bibliya ang salitang henerasyon sa iba’t ibang paraan. Normal na tumutukoy ang henerasyon sa lahat ng tao na nabubuhay sa parehong panahon—ang salita sa Bibliya ay may parehong kahulugan sa salitang ating ginagamit sa ating modernong panahon kung tinutukoy natin ang salitang generation X o henerasyong milenyal. Sa normal na pakahulugan, ang isang henerasyon ay may tatlumpung taon. Gayunman, sa ilang konteksto sa Bibliya, ang salitang henerasyon ay maaaring tumukoy sa isang mas mahabang panahon o sa isang grupo ng tao na nabubuhay ng magkakasabay sa isang mas mahabang yugto ng panahon.
Sa Genesis 2:4, tila kasama sa salitang “mga henerasyon ng langit at lupa” ang lahat ng kasaysayan ng tao—ang panahon ng paguumpisa ng paglikha sa sansinukob. Sa Exodo 1:6 ang “henerasyon” na namamatay ay tumutukoy sa bawat taong nabuhay sa panahon ni Jose at ng kanyang mga kapatid. Sa Bilang 32:13, ang salitang “henerasyon” ay limitado para sa mga Israelita—ang isang grupo sa kanila na may dalawampung taon pataas sa panahon ng kanilang pagtanggi na pumasok sa Lupang Pangako. Ang henerasyong ito ay isinumpa para maglagalag sa ilang hanggang sa sila’y mamatay, maliban kina Josue at Caleb. Kung ginagamit ang salitang “mga henerasyon” sa Bibliya, gaya ng sa Isaias 51:9 at Gawa 14:16, tumutukoy ito sa hindi tiyak na yugto ng panahon—o maraming sunod sunod na mga henerasyon.
May orihinal na tatlong mga salitang ginamit sa Bibliya para sa salitang “henerasyon.” Ang salitang Hebreong dor ay maaaring tumukoy sa pisikal na henerasyon gaya ng sa Exodo 1:6. Ngunit maaari din itong gamitin sa hindi literal na paraan para ipakilala ang isang grupo ng tao sa isang natatanging paraan. Halimbawa sinasabi sa Awit 78:8, “Sa kanilang mga ninuno, hindi dapat na pumaris, na matigas ang damdaming sa Diyos ay naghimagsik; isang lahing di marunong magtiwala at magtiis, ang pag-asa ay marupok at kulang ang pananalig.” Sa talatang ito, ang salitang dor ay ginamit ng dalawang beses para tukuyin ang isang grupo ng tao sa loob ng isang mahabang yugto ng panahon na kinakitaan ng pagrerebelde at kasalanan sa Diyos. Ang salitang henerasyon sa Awit 78:8 ay hindi limitado sa isang normal na tatlumpung taon sa halip, ito ay sumasakop sa buong kasaysayan ng Israel kung kailan nabuhay ang mga taong matigas ang ulo at lumalaban sa Diyos.
Ang isa pang Hebreong salita para sa “henerasyon” ay toledot. Hindi ito tumutukoy sa karakter ng isang grupo o ng isang panahon kundi sa kung paanong nalikha ang isang panahon. Kaya ang “mga henerasyon ng mga langit at lupa” sa Genesis 2:4 ay tumutukoy sa mga yugto ng panahon na nagsimula sa paglikha at nagpatuloy mula sa puntong iyon. Ang “mga henerasyon ni Adan” sa Genesis 5:1 ay nangangahulugan na sibilisasyon ng mga tao na nagumpisa sa kanya. Ang sumunod na “henerasyon” ay ang kay Noe, at kasama ang pagbaha at ang mga sibilisasyon pagkatapos ng baha. Ang impluwensya ni Sem ay minarkahan bilang isang “henerasyon” dahil siya ang ama ng mga Semita (Genesis 11:10). At ang henerasyon ni Tera dahil umalis siya sa Ur kasama ang kanyang anak na si Abram (Genesis 11:27). Kalaunan, ang henerasyon ni Ismael (Genesis 25:12) at ni Isaac (Genesis 25:19) ang pinagmulan ng mga bagong henerasyon. Sa bawat kaso, wala isa man sa mga lalaking ito ang nakaranas o naging sanhi ng mahalagang pangyayari na bumago sa takbo ng linya ng kanilang pamilya. Lumikha sila ng isang pangyayari na nagpabago sa kultura.
Sa Bagong Tipan, ang salitang Griyegong genea ang pinagmulan ng salitang tagalog na henerasyon. Katulad ito ng mga Hebreong salita para sa salitang henerasyon. Literal itong nangangahulugan na “naging ama, ipinanganak, pinagmulan” na tumutukoy sa isang lahing pinagmulan. Ngunit maaari din itong gamitin sa isang yugto ng panahon na kinapapalooban ng isang partikular na paguugali sa kultura at ng mga tao sa kulturang iyon. Sa Mateo 1:17, ang mga henerasyon ay may tanda ng mga mahahalagang pangyayari at mga tao—gaya nina Abraham, David, pagkabihag sa Babilonia—gaya ng salitang Hebreong toledot. Ngunit ng tawagin ni Jesus ang mga Pariseo at mga Eskriba na “isang lahing masama at taksil sa Diyos,” tinutukoy Niya ang kultura na kanilang kinabibilangan at isinusulong (Mateo 12:39; tingnan din ang Mateo 17:17 at Gawa 2:40).
Kaya nga kung mababasa natin ang salitang henerasyon sa Bibliya, dapat nating isaalang-alang ang konteksto. Kadalasan, ang salitang henerasyon sa Bibliya ay humigit kumulang sa tatlumpung taon o mga tao na nabubuhay sa parehong yugto ng panahon gaya ng nauunawaan natin ngayon sa ating pangaraw-araw na pakikipagusap. Ngunit may mga pagkakataon na ang salitang henerasyon ay ginagamit bilang isang pigura ng pananalita na tumutukoy sa isang klase ng tao na may parehong katangian sa halip na sa isang panahon.
English
Gaano kahaba ang isang henerasyon sa Bibliya?