Tanong
Ano ang henoteismo / monolatrismo / monolatriya?
Sagot
Ang monolatriya (tinatawag ding monolatrismo) ay ang pagsamba sa isang Diyos ngunit hindi tinatanggihan ang pagkakaroon ng iba pang mga diyos. May kaugnayan ito sa Henoteismo sa pagkilala nito na maraming mga diyos ngunit pinipili na ituon ang pagsamba sa isa lamang diyos – na karaniwang itinuturing na diyos ng isang pamilya o angkan. Ang isang henoteista ay isang taong nakatalaga sa isang diyos ngunit pinaniniwalaan din niya na may iba pang mga diyos. Maraming kultura noong unang panahon ang naniniwala sa higit sa isang diyos, ngunit ang ilan sa mga kulturang ito ay gumagalang pa rin sa isang diyos ng higit sa lahat ng iba pang mga diyos.
Ang Hinduismo ay isang klasikong halimbawa ng monolatriya o henoteismo sa pagsasanay. Sa pangkalahatan, sumasamba ang mga Hindu sa isang diyos, ngunit kinikilala din nila na may hindi mabilang na mga diyos na maaari ding sambahin. Naniniwala ang sinaunang Ehipsyo sa maraming diyos ngunit may panahon (depende sa kung sino ang hari o Faraon) na may isang diyos sila na itinataas ng higit sa ibang mga diyos. Ang relihiyon ng mga sinaunang Griego at ang kanilang pagsamba sa mga Olympians ay isa ring kilalang halimbawa, dahil si Zeus ang pinakamataas na pinuno ng iba pang labing-isang mga diyos. Sinasambang lahat ang labindalawa, ang bawat isa sa kanila ng iba't ibang sekta sa kanilang sariling templo, na may sariling mga pari, at sariling mga dambana (tingnan ang Gawa 14:12–13; 19:35).
Naniniwala ang ilang mananalaysay na henoteista ang mga sinaunang Israelita. Nakakatulong ito upang ipaliwanag ang paggawa nila ng isang gintong guya sa Exodo 32:3–5 at kung bakit sinasabi sa isa sa Sampung utos ng Diyos, "Huwag kayong magkakaroon ng ibang diyos maliban sa Akin" (Exodo 20:3). Ang mga talatang ito ang nagpapahiwatig na hindi pa ganap na monoteista ang mga sinaunang Israelita. Sa pamamagitan ni Moises, inumpisahang turuan ng Diyos ang mga Hebreo na ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob ang nagiisang tunay na Diyos. Sa pamamagitan ng inspirasyon ng Banal na Espiritu, ipinaalala ni Isaias sa mga Israelita at lahat ng mga bansa ang tunay na kalikasan ng Diyos: "Ako si Yahweh, ako lamang ang Diyos at wala nang iba … Ako lamang ang Diyos at wala nang iba" (Isaias 45:5–6).
Minsan tila naniniwala ang mga Israelita na may sariling diyos ang ibang mga bansa, bagama't si Yahweh pa rin ang pinakamataas sa lahat. Gayunman, kung naniwala man ang mga Israelita sa henoteismo o monolatriya, ginawa nila ito sa kabila ng ipinahayag sa kanila ng Diyos sa Kasulatang Hebreo. Inaalis ng Deuteronomio 6:4 ang lahat ng pagdududa sa pagkakaroon ng maraming diyos: "Pakinggan mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh." Ang henoteismo o monolatriya ay hindi naaayon sa katuruan ng Bibliya.
Malinaw ang Bibliya sa isyung ito: may isa lamang Diyos. Mali ang henoteismo o monolatriya dahil kinikilala nito ang pagkakaroon ng maraming diyos. Nakasalalay ang buong Bibliya sa katotohanan ng isang Diyos dahil kung may iba pang mga diyos, hindi kailangang mamatay ni Jesu Cristo – dahil marami namang daan patungo sa langit.
Isaalang-alang ang talatang ito: "Kaya nga, tungkol sa pagkaing inihandog sa diyus-diyosan, alam nating ang mga diyus-diyosan ay larawan ng mga bagay na di-totoo, at alam nating iisa lamang ang Diyos" (1 Corinto 8:4). Ang mga diyus-diyosan ay tinatawag lamang na mga "diyos" (1 Corinto 8:5). "Subalit para sa atin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at tayo'y nabubuhay para sa kanya…" (1 Corinto 8:6).
Noong dumalaw si Pablo sa Atenas, nakita niya ang maraming estatwa ng mga diyus-diyosan ng mga Griego at Romano. May mga dambana ang mga taga Atenas sa buong siyudad. Isang partikular na dambana ang tumawag sa pansin ni Pablo. Sa dambanang iyon ay nakasulat ang mga salitang, "Sa isang Diyos na hindi kilala" (Gawa 17:23). Sa kanilang kamangmangan, nagtayo ang mga Griego ng isang altar na iniisip nilang hindi nila naisama sa kanilang mga diyus-diyosan at ilan sa mga henoteistang Griego ang walang dudang pinili ang "isang diyos na hindi kilala" upang kanilang pagtuonan ng pansin. Dahil hindi alam ng mga Griego kung sino ang diyos na ito, ipinaliwanag ni Pablo na ang kanilang hindi nakikilalang Diyos ay ang Diyos ng Bibliya, ang lumikha ng langit at lupa. Hindi tumitira ang tunay na Diyos sa mga templo o dambanang ginawa ng mga kamay ng tao. Hindi natagpuan ng mga Griego ang isang tunay na Diyos sa kanilang sariling kakayahan, kaya't dumating ang isang tunay na Diyos upang "hanapin" sila.
English
Ano ang henoteismo / monolatrismo / monolatriya?