settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kahulugan ng hidwang pananampalataya / maling katuruan?

Sagot


Ang isang simpleng kahulugan ng hidwang pananampalataya / maling katuruan ay "pagkilala sa isang opinyong panrelihiyon na sumasalungat sa tinatanggap na doktrina ng iglesya." Ang isa pang kahulugan ay "hindi pagsangayon o paglihis sa isang nananaig na teorya, pagsasanay, o opinyon." Magandang pasimula para sa ating pangunawa ang mga pakahulugang ito. Ipinapakita ng dalawang pakahulugang ito ang dalawang susing elemento: isang dominanteng posisyon at isang salungat na posisyon. Patungkol sa relihiyon, anumang paniniwala o pagsasanay na sumasalungat sa opisyal na posisyon ng iglesya ay itinuturing na hidwang pananampalataya o maling katuruan.

Lumabas ang mga hidwang katuruan sa bawat panahon, ngunit noong ika-12 siglo, gumawa ng marahas na hakbang ang Romano Katoliko laban dito. Habang lumalakas ang kapangyarihan ng Romano Katolisismo sa Europa, naging mas magulo at mas malakas ang boses ng mga Kristiyanong grupo na lumalaban sa mga katuruan nito. Hinimok ni Papa Alexander III (1162–63) ang mga magbibigay ng impormasyon upang makatuklas ang iglesya ng mga ebidensya ng mga hidwang katuruan. Noong 1184, nag-isyu si Papa Lucius III ng isang kautusan na kailangang ibigay sa mga awtoridad ang mga mapapatunayang nagtuturo ng maling aral upang parusahan. Sa loob ng ilang dekada, pinabigat ng iglesya ang parusa para sa mga nagtuturo ng maling katuruan hanggang sa gawin na itong parusang kamatayan sa ilalim ni Papa Gregory IX. Sa panahong ito, ang mga Dominicans ang naging mga pangunahing tagapagpatupad ng "inquisition," isang espesyal na korte na binigyan ng kapangyarihan upang hatulan ang intensyon at ang mga aksyon ng mga pinaghihinalaang heretiko o nagtuturo ng maling katuruan. Kung pinagdududahan na may maling aral sa isang nayon, isang inquisitor ang ipapadala upang magsermon at tatawag sa lahat ng mga tao sa nayon upang mag-ulat sa kanya ng hidwang aral. Ito ay isang pangkalahatang inquisition na nakapaloob ang isang panahon ng awa para sa sinumang aamin. Susundan ito ng isang espesyal na inquisition na maaring kapalooban ng pamimilit, maling pagsaksi, at pagpapahirap upang mapaamin ang mga pinaghihinalaan. Ang mga mapapatunayang heretiko ay papatawan ng kaparusahan kabilang ang pagpepenitensya, sapilitang pagdalo sa pagsamba, paglalakbay patungo sa isang banal na lugar, pagkuha sa mga ari-arian, o pagkabilanggo. Ang mga heretiko na tumatangging magsisi ay sinesentensyahan ng parusang kamatayan. Nagpatuloy ang inquisition sa maraming lugar sa Europa hanggang noong ika-15 siglo.

Malinaw na ang sukatan para sa hidwang katuruan ay nagbabago depende sa naitatag na katuruan sa isang panahon. Sa teknikal, ang anumang grupo o indibidwal na kakaiba sa isa pang grupo ay maaaring matawag na heretiko. Sa Aklat ng mga Gawa 24:14, tinawag na heretiko ng mga Hudyo ang mga Kristiyano. Ang mga heretiko noong Middle Ages ay naging heretiko dahil sa simpleng hindi sila sumang-ayon sa simbahang Katoliko hindi dahil salungat sa Bibliya ang kanilang mga doktrina. Labing apat na libo (14,000) ang pinatay sa panahon ng inquisition ng mga Kastila, ang karamihan ay dahil lamang sa nagmamay-ari sila ng Bibliya. Kaya nga, kung Bibliya ang pagbabatayan, ang natatag na simbahan mismo ang heretiko sa panahon ng Middle Ages.

Kung pagbabatayan ang Biblikal na Kristiyanismo, ano ang isang hidwang katuruan? Sinasabi sa 1 Pedro 2:1, "Noong una, may mga huwad na propetang lumitaw sa Israel. Gayundin naman, may darating sa gitna ninyo na mga huwad na guro. Lihim silang magtuturo ng mga maling aral na ang dulot ay kapahamakan. Pati ang Panginoong tumubos sa kanila ay kanilang itatakwil, kaya't di magtatagal at sila'y mapapahamak." Mula sa talatang ito, makikita natin na ang hidwang katuruan ay anumang katuruan na tumatanggi sa mga katuruan ni Kristo. Sa 1 Corinto11:19, pinagsabihan ni Pablo ang iglesya dahil sa pagkakaroon ng hidwang katuruan sa kanilang kalagitnaan – mga maling katuruan na naging dahilan ng pagkakahati-hati sa iglesya. Ang hidwang katuruan ay pagtanggi sa mga doktrina na ibinigay ng Diyos at nagreresulta ito sa pagkakabaha-bahagi sa iglesya. Ang hidwang katuruan ay mapanganib at mapanira, at mahigpit na nagbabala ang Kasulatan laban dito (halimbawa, 1 Juan 4:1-6; 1 Timoteo1:3-6; 2 Timoteo 1:13-14; at Judas 1).

Paano tinatrato ng Bibliya ang mga hidwang katuruan? Sinasabi sa Tito 3:10, "Pagkatapos mong sawaying minsan o makalawa, iwasan mo na ang taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi." Kung ang isang miyembro ng iglesya ay lumayo sa mga katuruan ng Bibliya, ang tamang tugon ay una, ituwid ang taong iyon. Ngunit kung hindi siya makinig pagkatapos ng dalawang babala, wala na tayong pakialam sa kanya. Ipinahihiwatig ang pagtitiwalag sa kanya ng iglesya. Pagiisahin ng mga katotohanan ni Kristo ang mga mananampalataya (Juan 17:22-23), ngunit ang hidwang katuruan sa buong kalikasan nito ay hindi maaaring manatiling kasama ng katotohanan.

Siyempre, hindi lahat ng mga nagiging sanhi ng hindi pagkakasundo sa iglesya ay hidwang katuruan. Hindi masama ang magkaroon ng magkaibang opinyon, ngunit kung nagiging sanhi ito ng pagkakabaha-bahagi o pinapanatili ito dahil sa paglaban sa malinaw na itinuturo ng Bibliya, ito ay nagiging heretikal. May mga panahong hindi nagkakasundo ang mismong mga apostol (tingnan ang Gawa 15:36-41), at kailangang sawayin ni Pablo si Pedro dahil sa kanyang legalismo at pamumuhay na naging sanhi ng pagkakabaha-bahagi sa unang iglesya (Galacia 2:11-14). Ngunit, purihin ang Panginoon na sa pamamagitan ng mapagpakumbabang saloobin at pagpapasakop sa Diyos ng katotohanan, napagtagumpayan ng mga apostol ang mga hindi pagkakaunawaan at nagiwan sila sa atin ng halimbawa.

Paano natin iingatan ang ating sarili laban sa mga hidwang katuruan? Ang Filipos 2:2-3 ay isang magandang simula: "lubusin ninyo ang aking kagalakan; magkaroon kayo ng iisang kaisipan, mabuklod kayo sa iisang pag-ibig, at magkaisa kayo sa puso't diwa. Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili." Habang nagpapasakop tayo sa awtoridad ng Salita ng Diyos, at tinatrato ang bawat isa ng may pag-ibig at paggalang, mababawasan ang mga pagkakabaha-bahagi at mga hidwang katuruan sa iglesya ng Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kahulugan ng hidwang pananampalataya / maling katuruan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries