settings icon
share icon
Tanong

Ano ang mga himala ni Jesus? Ano ang mga himalang ginawa ni Jesus?

Sagot


Ang isang himala ng Diyos ay isang hindi pangkaraniwan o hindi normal na pangyayari na nagpapahayag o kumukumpirma sa isang partikular na mensahe sa pamamagitan ng isang makapangyarihang gawa. Gumawa si Jesus ng maraming himala. Ang lahat ng Kanyang ginawang himala ay ginawa upang maluwalhati ang Diyos, matulungan ang iba, at patunayang Siya ang Anak ng Diyos. Halimbawa, nang Kanyang patigilin ang bagyo sa Mateo 8, namangha ang mga alagad at kanilang itinanong, "Ano kayang uri ng tao ito? Maging ang hangin at ang lawa ay sumusunod sa kanya!" (talata 27).

Itinala sa mga Ebanghelyo ang marami sa mga himalang ginawa ni Jesus. Siyempre, marami sa mga bagay na ginawa ni Jesus ay maaaring hindi naitala sa mga maiksing aklat na ito. Tapat na inamin ni Juan, "Marami pang mga himalang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga alagad na hindi nakasulat sa aklat na ito. . . . At marami pang ginawa si Jesus na kung isusulat lahat, sa palagay ko'y hindi magkakasya kahit sa buong daigdig ang mga aklat na maisusulat" (Juan 20:30 at 21:25).

Sa tuwina, itinala sa magkaibang Ebanghelyo ang parehong mga himala na nagbibigay ng medyo magkakaibang detalye. Minsan, imposibleng malaman kung ang isang partikular na himala na itinala sa mga Ebanghelyo ay isang simpleng himala na itinala ng may magkaibang anggulo o dalawang magkaibang himala na itinala ng magkahiwalay. Wala isa man sa mga manunulat ng Ebanghelyo ang interesado sa pagkakasunod-sunod ng mga salaysay at minsan hindi sila nagbibigay ng mga detalye na maaaring interesado tayong malaman.

Ang mga himalang ginawa ni Jesus na inilista sa ibaba ay pinangkat sa malawak na kategorya na may kasamang talata kung saan mababasa at hindi isinaalang-alang kung aling mga himala ang itinala ng maraming beses at kung alin ang natatangi sa bawat isa sa mga Ebanghelyo:

Himala ng pagpapagaling sa mga karamdaman

• Pagpapagaling sa mga ketongin: Mateo 8:1–4; Markos 1:41–45; Lukas 5:12–14; 17:11–19

• Pagpapagaling sa mga bulag: Mateo 9:27–31; Markos 8:22–26; 10:46–52 Lukas 18:35–43; Juan 9:1–38

• Pinagaling ang mga tao mula sa malayo: Mateo 8:5–13; Lukas 7:2–10; Juan 4:46–54

• Pinagaling ang biyenan ni Pedro: Markos 1:29–31

• Pinagaling ang paralitiko: Mateo 9:1–8; Markos 2:1–12; Lukas 5:17–26

• gumaling ang mga taong humipo sa damit ni Jesus: Mateo 9:20–23; 14:35–36; Markos 5:25–34; 6:53–56; Lukas 8:43–48

• Iba't ibang pagpapagaling sa araw ng Sabbath: Markos 3:1–6; Lukas 6:6–10; 13:10–17; 14:1–6; Juan 5:1–18

• Pinagaling ang pipi at bingi: Markos 7:31–37

• Ikinabit ang naputol na tainga: Lukas 22:47–53

• Pinalayas ang mga demonyo sa katawan (at mga pisikal na karamdaman na may kaugnayan sa pagsapi ng mga demonyo sa tao): Mateo 9:32–33; 17:14–18; Markos 9:14–29; Lukas 9:37–42

• Pinalayas ang mga demonyo (na walang binanggit tungkol sa pisikal na karamdaman): Mateo 8:28–34; 15:21–28; Markos 1:23–27; 5:1–20; 7:24–30; Lukas 4:31–37; 8:26–39

• Pinagaling ang maraming tao: Mateo 9:35; 15:29–31; Markos 1:32–34; 3:9–12; Lukas 6:17–19

• Binuhay ang patay: Mateo 9:18–26; Markos 5:21–43; 8:40–56; Juan 11:1–45

Iba pang mga himala

• Pinakain ang maraming tao (pinarami ang pagkain): Mateo 14:13–21; 15:32–39; Markos 6:33–44; 8:1–10; Lukas 9:12–17; Juan 6:1–14

• Lumakad sa ibabaw ng tubig: Mateo 14:22–33 (maging si Pedro); Markos 6:45–52; Juan 6:15–21

• Pinatigil ang isang bagyo: Mateo 8:22–25; Markos 4:35–41; Lukas 8:22–25

• Pinuno ng isda ang lambat: Lukas 5:1–11; Juan 21:1–14

• Nakahuli si Pedro ng isda na may barya sa bibig (pambayad sa buwis sa templo): Mateo 17:24–27

• Ginawang alak ang tubig: Juan 2:1–11

• Natuyo ang sinumpang puno: Mateo 21:18–22; Markos 11:12–25

Mula sa listahan sa itaas, makikita natin na ang karamihan ng mga himala na itinala sa mga Ebanghelyo ay mga himala ng pagpapagaling. Habang gumaling ang mga tao sa kanilang mga karamdaman sa katawan, ang layunin ng mga himala ay hindi simpleng pagaalis ng pagdurusang pisikal. Laging ang layunin ng himala ng pagpapagaling ay upang ipakita ang isang mas dakilang katotohanan na si Jesus ang may awtoridad na Anak ng Diyos. Sa tuwing nagpapalayas Siya ng mga demonyo, binibigyang diin ang Kanyang kapamahalaan sa kanila. Kung nagpapagaling Siya sa araw ng Sabbath, binibigyang diin NIya ang Kanyang awtoridad sa Sabbath. Gayundin naman, marami sa Kanyang mga himala ay nagbibigay diin sa Kanyang kapamahalaan sa kalikasan.

Wala ng mas maganda pang paraan sa pagaaral sa mga himala ni Jesus kundi ang pagbabasa sa mga Ebanghelyo at paggawa ng isang listahan ng bawat himala at pagaaral sa ibinigay na paliwanag. (Halimbawa sa ikawalang kabanata ng aklat ni Juan kung saan ginawa Niyang alak ang tubig. Hindi ito ginawa para hindi mapahiya ang mga punong abala at para lamang bigyang kasiyahan ang Kanyang inang si Maria kundi ang pangunahing resulta ay nakatala sa talata 11: "Sa pamamagitan nito'y inihayag niya ang kanyang kaluwalhatian at naniwala sa kanya ang mga alagad niya"). Minsan ang layunin ng himala ay direktang ibinigay at minsan naman, iyon ay itinala bilang tugon sa mga nakasaksi. Hindi gumawa ng himala si Jesus para lamang magpasikat. Ang bawat himala ay nagtuturo sa isang mas dakilang katotohanan. Partikular na binigyang diin ni Juan ang bagay na ito sa pagtukoy sa mga himalang ginawa ni Jesus bilang mga "tanda."

Ang pagpapakain sa limang libo ay isa lamang halimbawa. Nagsimula ang ikaanim na kabanata ni Juan sa pagsasabi na sumunod ang mga tao kay Jesus dahil nakakita sila ng mga tanda. Maaaring isipin ninuman na ito ay isang mabuting bagay. Pinakain ni Jesus ang maraming tao, mahigit sa isanlibong lalaki bukod pa ang mga babae at bata sa pamamagitan lamang ng limang tinapay at dalawang isda. Pagkatapos ay umalis Siya ng gumabi.

Kinabukasan, hinanap Siya ng mga tao. Gayunman, hindi iyon nagustuhan ni Jesus at kinompronta Niya ang kanilang makasariling hangarin sa paghahanap sa Kanya: "Totoo ang sinasabi kong ito: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog" (Juan 6:26). May mali sa kanilang motibo. Hinahanap nila si Jesus dahil nakakain sila ng libre bilang resulta ng himala. Walang duda na iniisip nila na iyon ay isang mabuting bagay. Kung patuloy silang pakakainin ni Jesus, magiging maayos ang lahat. Gayunman, sinabi ni Jesus na hindi nila tunay na nakita ang "tanda." Ang nakita nila ay isang himala ngunit hanggang sa tinapay at isda lamang ang kanilang isip. Ang "tanda" na ginawa ni Jesus ay nagpapahiwatig ng mas dakilang katotohanan. Bagama't nasaksihan at nakabahagi ang maraming tao sa himalang iyon, hindi nila naunawaan ang tanda na magtuturo sa kanila kung sino si Jesus, ang Tinapay ng Buhay. Sa buong ministeryo ni Jesus, maraming tao ang nakakita sa Kanyang mga himala bilang mga simpleng himala sa halip na makita ang higit na dakilang layunin at katotohanan sa likod ng mga iyon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang mga himala ni Jesus? Ano ang mga himalang ginawa ni Jesus?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries