Tanong
Bakit iniutos ni Hesus sa mga tao na huwag ipagsabi ang iba sa mga himala na Kanyang ginawa?
Sagot
Pagkatapos na pagalingin ang isang ketongin, sinabi ni Hesus, (Markos 1:41-42), “‘Ingatan mong huwag sabihin sa kanino mang tao ang anoman...’” (Markos 1:43-44). Sa ating sariling pamamaraan, tila mas makabubuti na ipaalam ni Hesus sa lahat ng tao ang Kanyang mga himala. Ngunit alam ni Hesus na makakaagaw ng atensyon ng mga tao ang Kanyang mga himala sa halip na pakinggan ang Kanyang mensahe at dahil dito, mahahadlangan ang Kanyang misyon. Itinala ni Markos kung ano ang eksaktong nangyari. Sa sobrang katuwaan ng tao sa Kanyang mahimalang paggaling, sinuway niya ang bilin ni Hesus. Dahil dito, kinailangan ni Hesus na lumayo sa mga siyudad at magministeryo sa mga lugar na malayo sa kabayanan (Markos 1:45) “Datapuwa't siya'y umalis, at pinasimulang ipamalitang mainam, at ipahayag ang nangyari, ano pa't hindi na makapasok ng hayag si Jesus sa bayan, kundi dumoon sa labas sa mga dakong ilang: at pinagsasadya nila siya mula sa lahat ng panig.”
Bilang karagdagan, bagamat pinagaling ni Hesus ang ketongin, inutusan pa rin niya ito na maging masunurin sa batas ng Israel – ang magpasuri agad sa mga saserdote at huwag tumigil sa daan upang sabihin sa mga tao ang tungkol sa kanyang paggaling. Posible din na kung hindi siya agad pupunta sa mga saserdote, may mga taong masama ang intensyon na uunahan siya sa mga saserdote at pipigilan siya sa pagpapatunay sa kanyang paggaling dahil ito ay gawa ni Hesus. Napakahalaga na kailangang ideklara ng saserdote na magaling na siya sa sakit upang malaman ng lahat na ang kanyang paggaling ay hindi gawa-gawa lamang at upang hindi pagdudahan ng mga Hudyo ang ginawang himala ni Hesus.
Panghuli, hindi nais ni Hesus na ituon ng tao ang kanilang pansin sa Kanyang mga ginagawang himala, sa halip, nais Niya na ituon nila ang kanilang pansin sa Kanyang mensahe at sa pagliligtas na Kanyang isasakatuparan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan. Mas nais ng Diyos na ituon natin ang ating pansin sa himala ng kaligtasan sa pamamagitan ni Hesu Kristo sa halip na ituon natin ang ating pansin sa mga himala ng pagpapagaling sa ating lupang katawan.
English
Bakit iniutos ni Hesus sa mga tao na huwag ipagsabi ang iba sa mga himala na Kanyang ginawa?