settings icon
share icon
Tanong

Ang mga himala ba sa Bibliya ay dapat na unawain sa literal na paraan?

Sagot


Oo, ang mga himala sa Bibliya ay dapat unawain sa literal na paraan. Ang Kasulatan ay dapat unawain sa literal na paraan maliban sa mga bahagi na malinaw na ipinahayag sa paraang simboliko. Ang isang halimbawa ng simbolismo ay ang Awit 17:8. Hindi tayo literal na mga mansanas sa mata ng Diyos, at hindi literal na may pakpak ang Diyos. Ngunit ang mga himala ay hindi mga simbolo lamang; sila ay mga tunay at aktwal na nangyari. Ang bawat himala sa Bibliya ay may ginagampanang layunin na hindi maaaring magampanan sa ibang kaparaanan.

Ang pinakauna at ang pinakamalaking himala ay ang himala ng paglikha. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay ng ex-nihilo - o mula sa wala - at ang lahat ng iba pang himala ay nagpapatunay ng Kanyang kamangha manghang kapangyarihan. Ang aklat ng Exodo ay puno ng mga mahimalang pangyayari na ginamit ng Diyos upang ganapin ang Kanyang kalooban. Ang mga salot sa Ehipto, na nagumpisa sa ilog Nilo ng gawin ng Diyos na dugo ang tubig at nagtapos sa kamatayan ng lahat ng mga panganay sa buong Ehipto (Exodo 12:12), ay mga tunay na pangyayari na naging daan upang palayain ng Faraon ang mga Israelita sa pagkaalipin. Kung hindi totoong nangyari ang mga salot, bakit pinayagan ng hari ng Ehipto na lumaya ang mga Israelita? At kung hindi tunay na namatay ang mga panganay sa Ehipto, hindi kumilos ang Diyos ng gabing iyon o nagkaroon man ng dahilan sa pagpapahid ng mga Israelita ng dugo ng hayop sa hamba ng kanilang mga pintuan upang hindi sila patayin ng anghel na mamumuksa. Kung hindi ito totoong nangyari, ang anino ng pagbububo ng dugo ni Kristo sa krus ay mapapawalang bisa at pagdududahan ang kahalagahan ng pagkapako ni Kristo sa krus. Sa oras na pagdudahan natin ang katotohanan ng kahit isa sa mga himala sa Bibliya, pinawawalang bisa natin ang lahat ng layunin ng mga himalang iyon at sa huli, pinagdududahan natin ang katotohanan ng buong Kasulatan.

Ang isa sa pinaka-kilalang himala sa Lumang Tipan ay ang paghati ng Diyos sa dagat na Pula (Exodo 14), kung saan nalunod ang Faraon at ang karamihan sa hukbo ng Ehipto. Kung simboliko lamang ang pangyayaring ito, mapagtitiwalaan pa ba natin ang natitira sa kuwento? Totoo ba na talagang umalis ang mga Israelita sa Ehipto? Totoo bang sinundan sila ng hukbo ng Ehipto at kung oo, paano nakatakas ang mga Israelita? Ang Awit 78 ang isa sa maraming kabanata sa Bibliya na nagpapaalala sa mga Israelita sa mga himala na Kanyang ginawa upang palayain sila sa kanilang pagkakabihag sa Ehipto. Ang mga himalang ito ang nagdulot ng pagkatakot sa mga bansa sa paligid at nagpatunay sa kanila na ang Diyos na si Yawheh, ang Diyos ng mga Israelita ang nagiisa at tunay na Diyos (Josue 2:10). Ang lahat ng kanilang mga diyus diyusan na yari sa kahoy at bato ay walang kakayahang gumawa ng kahit anong himala.

Sa Bagong Tipan, gumawa si Hesus ng maraming himala, simula sa kasalan sa Cana kung saan ginawa Niyang alak ang tubig (Juan 2:1-10). Maaaring ang isa sa pinakakahanga-hanga Niyang himala ay ang pagbuhay kay Lazaro na apat na araw ng patay (Juan 11). Ang lahat ng himala na ginawa ni Hesus ay nagpapatunay na Siya ang Anak ng Diyos. Nang kanyang patigilin ang bagyo sa Mateo 8, nanggilalas maging ang Kanyang mga alagad: “Namangha silang lahat at ang sabi, “Anong tao ito? Kahit ang hangin at ang dagat ay tumatalima sa kanya!” (v. 27). Kung hindi totoo ang mga himalang ginawa ni Hesus, lalabas na ang mga tala tungkol sa Kanyang pagpapagaling sa mga maysakit ay magagandang kuwento lamang at ang mga taong iyon ay nanatiling maysakit at pinagdududahan ang Kanyang kapangyarihan at kahabagan (Mateo 14:14; 10:34; Markos 1:41). Kung hindi Niya totoong pinakain ang limang libong katao sa pamamagitan ng ilang pirasong tinapay at isda, ang mga taong iyon ay nanatiling gutom at walang saysay ang Kanyang sinabi sa kanila, “Hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga kababalaghang nakita ninyo, kundi dahil sa nakakain kayo ng tinapay at nabusog” (Juan 6:26). Ngunit tunay na pinagaling ni Hesus ang mga maysakit, nagpakain ng libu-libo, ginawang alak ang tubig, at binuhay si Lazaro mula sa mga patay. Sinasabi sa atin sa Juan 2:23, na marami ang nanampalataya sa Kanya dahil sa mga himalang ito.

Ang lahat ng himala ay may layunin - upang patunayan na walang katulad ang Diyos, at Siya ang may ganap na kapamahalaan sa lahat ng Kanyang nilikha, at kung kaya Niyang gawin ang mga himalang ito, walang anumang bagay sa ating mga buhay kahit gaano man kahirap, ang hindi Niya kayang pamahalaan. Nais ng Diyos na magtiwala tayo sa Kanya na kaya Niyang gumawa ng mga himala sa ating mga buhay. Kung hindi totoong naganap ang mga himalang ito sa Bibliya, paano natin pagtitiwalaan ang itinuturo sa atin ng Bibliya? Paano natin pagtitiwalaan ang mabuting Balita ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Hesu Kristo? Sa oras na pagdudahan natin ang katotohanan ng kahit anong bahagi ng Kasulatan, pinagdududahan natin ang lahat na nilalaman ng Salita ng Diyos at binubuksan natin ang pintuan sa mga kasinungalingan at pandaraya ni Satanas upang wasakin ang ating pananampalataya (1 Pedro 5:8). Ang Bibliya ay dapat na basahin at unawain sa literal na paraan, kasama ang lahat ng mga himala.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang mga himala ba sa Bibliya ay dapat na unawain sa literal na paraan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries