Tanong
Ano ang dapat kong hanapin para sa isang babae na magiging asawa?
Sagot
Ang pinakamahalaga sa anumang personal na relasyon na maaaring magkaroon ang isang lalaki bukod sa kanyang espiritwal na relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo ay ang kanyang relasyon sa kanyang asawa. Sa proseso ng paghahanap ng babaeng mapapangasawa, ang pinakamataas na prinsipyo ay ang paghahanap ng isang babae na may personal na pananampalataya kay Hesu Kristo. Sinasabi ni Apostol Pablo na hindi dapat "makipamatok" sa hindi mananampalataya (2 Corinto 6:14). Malibang ang isang lalaki at babae ay magkasundo sa mahahalagang isyung ito, ang isang makadiyos at kasiya-siyang buhay may asawa ay hindi maaaring makamit.
Gayunman, ang pagaasawa ng kapwa mananampalataya ay hindi garantiya para sa isang magandang karanasan ng hindi "pakikimatok". Ang katotohanan na ang isang babae ay Kristiyano ay hindi nangangahulugan na siya ay angkop sa iyong espiritwalidad. Mayroon ba siyang layuning espiritwal na kagaya ng sa iyo? Pareho ba kayo ng doktrinang pinaniniwalaan? May kapareho ba siyang init sa paglilingkod sa Diyos? Ang espiritwal na katangian ng isang babae ay napakahalaga. Napakaraming lalaki ang nagaasawa dahil sa emosyon at pisikal na atraksyon lamang. Ang ganitong pamantayan ay isang resipe sa kabiguan.
Ano ang mga makadiyos na katangian na hahanapin sa isang babae? Ibinigay sa atin ng kasulatan ang ilang mga prinsipyo na ating magagamit upang ilarawan ang isang makadiyos na babae. Una, dapat na ang kanyang buhay ay nakasuko sa Diyos at may malapit na relasyon sa Panginoon. Sinabi ni Apostol Pablo na ang babae ay dapat na nagpapasakop sa kanyang asawa gaya ng pagpapasakop niya sa Panginoon (Efeso 5:22-24). Kung ang babae ay hindi nagpapasakop sa Panginoon, malamang na hindi rin siya magpapasakop sa kanyang asawa na kinakailangan para sa kanyang espritwal na paglago. Hindi natin matutugunan ang inaasahan ng sinuman kung hindi natin hinahayaan na kontrolin muna tayo ng Diyos. Ang isang babae na ang Diyos ang sentro ng kanyang buhay ay isang magandang kandidato upang maging asawa.
Ibinigay ni Pablo ang ilang mga katangian ng isang babae sa kanyang instruksyon tungkol sa mga lider ng iglesya. "Gayon din naman ang mga babae dapat ay mahuhusay, hindi palabintangin, mapagpigil, tapat sa lahat ng mga bagay" (1 Timoteo 3:11). Sa ibang salita, ang babaeng ito ay hindi mapagmataas, nalalaman kung kailan siya magsasalita o mananahimik, may kakayahan na gawin ang kanyang gawain at pinagtitiwalaan ng kanyang asawa. Siya ay babae na inuuna ang kanyang relasyon sa Panginoon at ang kanyang paglagong espiritwal.
Higit ang responsibilidad ng isang lalaki sa pagaasawa dahil inilagay siya ng Diyos bilang ulo ng kanyang asawa at pamilya. Ang posisyong ito ay inihalintulad sa relasyon sa pagitan ni Kristo at ng Kanyang iglesya (Efeso 5:25-33). Ito ay isang relasyon na nakaugat sa pag-ibig. Kung paanong inibig ni Kristo ang iglesya at ibinigay ang Kanyang buhay para dito, iniibig ng isang lalaki ang kanyang asawa gaya ng kanyang sariling katawan. Dahil dito ang personal na relasyon ng isang lalaki sa Panginoon ay napakahalaga sa tagumpay ng kanyang buhay may asawa at pamilya. Ang kusang pagsasakripisyo at lakas upang piliing maging isang lingkod para sa ikabubuti ng kanyang pamilya ay marka ng isang espirtwal na lalaki na nagbibigay kapurihan sa Diyos. Ang matalinong pagpili ng babaeng mapapangasawa batay sa mga katangian na itinuturo ng Bibliya ay mahalaga, ngunit mahalaga rin naman ang nagpapatuloy na paglagong espiritwal ng isang lalaki at ang kanyang patuloy na pagpapasakop sa Panginoon sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay. Ang isang lalaki na nagbibigay lugod sa Diyos ay matutulungan ang babae upang maging isang asawa na nais ng Diyos para sa kanya na may kakayahang magtaguyod ng isang relasyon na nakikipagkaisa sa layunin ng Diyos.
English
Ano ang dapat kong hanapin para sa isang babae na magiging asawa?