settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na ang Salita ng Diyos ay hindi babalik ng walang bunga?

Sagot


Sinasabi sa Isaias 55:10–11, “Ang ulan at yelo na bumabagsak mula sa langit ay hindi na nagbabalik, kundi dinidilig nito ang lupa, kaya lumalago ang mga halaman at namumunga at nagbibigay ng butil na panghasik, at tinapay upang maging pagkain. Gayundin naman ang mga salita na lumalabas sa aking bibig, ang mga ito'y hindi babalik sa akin na walang katuturan. Tutuparin nito ang aking mga balak, at gagawin nito ang aking ninanais.” Ang ibig sabihin ng salitang walang bunga sa salitang Griyego ay “walang laman.” Ipinapaliwanag sa mga natitirang salita sa talatang 11 kung ano ang ibig sabihin ng “hindi babalik ng walang bunga” na gaganapin ng Salita ng Diyos ang naisin nito at “Tutuparin nito ang aking mga balak, at gagawin nito ang aking ninanais.”

Ang ulan at niyebe ay bahagi ng proseso ng pag-inog ng tubig. Dumarating ang ulan sa mundo, dumidilig sa lupa at nagdudulot ng malaking pakinabang sa paglago ng mga pananim, sa pagpapanibagong sigla ng mga kaluluwa, at pagsuporta sa buhay. Ang ulan at niyebe ay nanggagaling sa itaas at hindi bumabalik sa itaas ng hindi nila natutupad ang kanilang layunin. Inihahalintulad ng Diyos ang Kanyang Salita sa ulan at niyebe, dahil gaya ng pagbagsak ng ulan, laging tinutupad ng Salita ng Diyos ang Kanyang mabubuting layunin.

Nang sabihin ng Diyos na hindi babalik ang Kanyang Salita ng walang bunga, alam natin na mayroon Siyang layunin para sa Kanyang salita. Ang Salita ng Diyos ay mula sa itaas. “Inihinga” Niya ang Kanyang mga Salita sa atin, at ang mga iyon ay nakatala sa Bibliya (2 Timoteo 3:16). Ang bawat salita na Kanyang ibinigay sa sangkatauhan ay puno ng layunin at ibinigay Niya ng may dahilan. Gaya ng ulan at niyebe, ang Salita ng Diyos ay nagdadala ng buhay (Juan 6:63) at nagbubunga ng mabuting bunga sa ating mga buhay. Sa pamamagitan ng Kanyang mga Salita, alam natin na iniibig tayo ng Diyos at namatay si Jesus para palayain tayo sa kasalanan at kamatayan; natututunan din natin kung paano mamuhay sa liwanag ng mga katotohanang ito.

Nang sabihin ng Diyos na hindi babalik sa Kanya ang Kanyang Salita ng walang bunga, hinihimok Niya tayo na manatili sa Kanyang Salita, at hayaan ito na mahigop ng ating mga buhay, na nakababad dito gaya ng lupa na nakababad sa ulan at niyebe. Ang katotohanan ay hindi babalik ng walang bunga dahil ang ating mga puso ay magbabago. Sinasaway tayo ng Salita ng Diyos at itinutuwid tayo kung tayo ay nagkakamali, at sinasanay tayo sa makadiyos na pamumuhay (2 Timoteo 3:16–17). Ang Kanyang salita ay isang liwanag na gumagabay sa atin sa madilim na mundong ito (Awit 119:105). Napapanahon ito sa lahat ng ating mga praktikal na problemang kinakaharap. Laging ginaganap ng Salita ng Diyos ang Kanyang ninanais, ito man ay pagtuturo, pagtutuwid, pagsasanay, at nagdadala sa atin saKanya, na ipinapakita ang ating kasalanan, at ang mabuti at kapakipakinabang na hantungan.

Nang sabihin ng Diyos na hindi babalik ang Kanyang Salita ng walang bunga, nauunawaan natin na ang Diyos ang may kapamahalaan sa lahat ng mga bagay. Ang pangako ay gaganapin ng Salita ng Diyos ang nais Niya, hindi ang nais natin. Maaaring ibinahagi natin ang Salita ng Diyos sa isang tao sa layunin na baguhin ang isipan ng taong iyon—pero hindi nagbago ang kanyang isip. Wala bang bunga ang Salita ng Diyos? Hindi, ngunit maaaring ang ating mga personal na layunin ay kakaiba sa layunin ng Diyos. Gaya ng hangin na “umiihip kung saan niya ibig,” ang Banal na Espiritu ay kumikilos sa misteryosong pamamaraan (Juan 3:8). At maaaring gamitin ng Diyos ang Kanyang Salita sa mga nakakasorpresang pamamaraan, nakakasorpresang panahon, at sa mga nakakasorpresang tao. Hindi natin eksaktong mahuhulaan kung paano gagamitin ng Diyos ang Kanyang Salita kung paanong hindi kayang mahulaan ng isang taga-ulat ng lagay ng panahon kung kailan uulan ng tubig at niyebe.

Ang Salita ng Diyos ay hindi babalik ng walang bunga. Ito ay napakamakapangyarihan. Nang sabihin ng Diyos, “Magkarooon ng liwanag,” agad “nagkaroon ng liwanag” (Genesis 1:3). Nang sabihin ni Jesus, “Tigil! Hangin, pumayapa ka!” tumigil ang hangin at kumalma ang dagat (Markos 4:39). Laging uunlad ang Salita ng Dios; ang Diyos ay magtatagumpay, at ang mga tatanggap ng Kanyang Salita ay magiging mapagtagumpay din naman (1 Juan 5:4).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na ang Salita ng Diyos ay hindi babalik ng walang bunga?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries