Tanong
Ano ang hindi banal na Trinidad sa mga huling araw?
Sagot
Ang isang karaniwang taktika ni Satanas ay gayahin o pekein ang mga bagay tungkol sa Diyos upang gawin ang sarili na katulad ng Diyos. Ang karaniwang tinutukoy na “hindi banal na Trinidad,” na inilarawan sa Pahayag 12 at 13 ang isang pangunahing halimbawa ng panggagaya ni Satanas sa Diyos. Ang Banal na Trinidad ay kinabibilangan ng Diyos Ama, ng Diyos Anak (Si Hesu Kristo), at ng Banal na Espiritu. Ang hindi banal na Trinidad naman ay kinabibilangan ni Satanas, ng Antikristo, at ng Bulaang Propeta. Habang ang Banal na Trinidad ay kilala sa kanilang perpekto at walang hanggang katotohanan, pag-ibig at kabutihan, ang hindi banal na Trinidad naman ay ipinakilala sa Bibliya na nagtataglay ng eksaktong salungat sa mga katangian ng banal na Trinidad gaya ng pandaraya, pagkapoot, at sukdulang kasamaan.
Naglalaman ang Pahayag 12 at 13 ng mga hula na naglalarawan sa ilan sa mga tauhan at pangunahing pangyayari sa ikalawang bahagi ng pitong taon ng kapighatian. Inilarawan si Satanas sa Pahayag 12:3 na “isang napakalaking pulang dragon. Ito'y may pitong ulo at sampung sungay, at may korona ang bawat ulo.” Ang kulay pula ay nagpapahiwatig ng kanyang kasamaan at nakatatakot na personalidad. Ang pitong ulo ay sumisimbolo sa pitong masasamang kaharian na ginamit ni Satanas sa buong kasaysayan ng mundo sa pagtatangka na pigilan ang katuparan ng mga plano ng Diyos. Lima sa mga kahariang ito ay dumating at nawala na sa panahong isinusulat ni Juan ang hulang ito – ang Egipto, Asiria, Babilonia, Medo-Persia, at Gresya. May isang kaharian na naghahari noong panahon ni Juan – ang kaharian ng Roma. Ang huling kaharian ay ang kaharian ng Antikristo. Ang pitong korona ay kumakatawan sa pangkalahatang paghahari, at ang sampung sungay ay kumakatawan sa sampung dibisyon sa kaharian ng Antikristo, na ipinapahiwatig din ng sampung daliri ng imahe sa panaginip ni Nabucodonosor (Daniel 2:41–43) at ng sampung sungay sa “kakilakilabot” na halimaw sa Daniel 7:7 at 24.
Nagpapahiwatig ang Pahayag 12 ng maraming mahahalagang katotohanan tungkol kay Satanas, bukod sa kanyang kalikasan na gaya ng isang dragon. Una, ang simbolikong paglalarawan sa “ikatlong bahagi ng mga bituin” na inihagis sa lupa mula sa langit ay nagpapahiwatig sa ikatlong bahagi ng mga anghel na pinatalsik mula sa langit noong magrebelde si Satanas laban sa Diyos (Pahayag 12:4; Isaias 14:12–14 at Ezekiel 28:12¬–18). May yugto ng panahon sa kapighatian na nakipagdigma ang Arkanghel Miguel at ang mga banal na anghel laban kay Satanas at sa kanyang mga demonyo at pinagbawalan ng magtungo si Satanas sa langit magpakailanman (Pahayag 12:7–9).Sa kanyang pagtatangka na pigilan ang katuparan ng paghahari ni Kristo sa lupa, muling sisikapin ni Satanas na puksain ang mga Hudyo, ngunit iingatan ng Diyos ang mga natitirang Hudyo sa isang lugar sa labas ng Israel sa loob ng 42 buwan o isang taon at kalahati (Pahayag 12:6, 13–17; Mateo 24:15–21).
Ang ikalawang miyembro ng hindi banal na trinidad ay ang Halimaw—o Antikristo—na inilarawan sa Pahayag 13 at Daniel 7. Sa pangitain ni Juan, umahon ang halimaw mula sa dagat, na kalimitang ginagamit sa Bibliya na pagtukoy sa mga bansang hentil. Inilarawan siya na may pitong (7) ulo at sampung (10) sungay —gaya ng dragon—na nagpapahiwatig sa kanyang kaugnayan kay Satanas. Kumakatawan ang sampung (10) sungay sa sampung (10) posisyon sa pamahalaan sa mundo na magbibigay ng kapangyarihan sa Antikristo (Daniel 7:7, 24). Magiging mapamusong ang nagkakaisang pamahalaang ito ng mundo, uhaw sa dugo at kapangyarihan at kabaliktaran ng paparating na paghahari ni Kristo.
Ipinapahiwatig sa Pahayag 13:3, 12, at 14 na masusugatan ng malubha ang halimaw sa may kalagitnaan ng kapighatian, ngunit mahimalang pagagalingin ni Satanas ang kanyang sugat. Pagkatapos ng mapanlinlang na himalang ito, ganap ng malilinlang ng Antikristo ang buong mundo at sasambahin siya at si Satanas (Pahayag 13:4–5). Lalakas ang loob ng Antikristo, at mamamahala siya ng buong pagpapanggap bilang isang pinuno ng kapayapaan, at sisira siya sa kanyang kasunduan sa mga Hudyo. Tahasan siyang mamamusong laban sa Diyos, lalabanan ang mga mananampalataya at lalapastanganin ang muling itinayong templo ng mga Hudyo (Daniel 9:27; Pahayag 13:4–7; Mateo 24:15).
Ang huling persona sa hindi banal na trinidad ay ang Bulaang Propeta na inilarawan sa Pahayag 13:11–18. Ang ikalawang halimaw na ito ay lalabas mula sa lupa hindi sa dagat, na posibleng nagpapahiwatig na siya ay isang mamumusong na Hudyo mula sa Israel. Nakita siya ni Juan bilang isang kordero na may mga sungay at may boses ng isang dragon (talata 11). Bagama’t ipapakilala niya ang kanyang sarili bilang isang maamo, mahinahon at mapagkawang-gawang tao, nagpapahiwatig ang kanyang mga sungay ng kapangyarihan. At ang kanyang sinasabi ay sa demonyo. Magsasalita ang Bulaang Propeta at pipilitin at lilinlangin ang mga tao upang lumayo sila sa Diyos at sumamba sa Antikristo at kay Satanas (Pahayag 13:11–12). May kakayahan ang Bulaang Propeta na gumawa ng mga himala at tanda, maging ng kakayahang magpaulan ng apoy mula sa langit (Pahayag 13:13). Magtatayo siya ng isang imahe ng Antikristo, bibigyang buhay niya ang imaheng ito at hihingin sa lahat ng tao ang pagsamba sa imaheng ito ng Antikristo (Pahayag 13:14–15). Ang imahe ng halimaw na bibigyan ng kapangyarihan ng Bulaang Propeta ang papatay sa lahat ng tatangging sumamba sa kanyang imahe (talata 15).
Hihimukin din ng Bulaang Propeta ang bawat tao na tumanggap ng isang tatak upang ipakita ang kanilang katapatan sa Antikristo. Kikilalanin ng mga nagpatatak ang Antikristo bilang diyos at susunod sa kanyang plano. Ang pagtanggap ng tatak ang magiging kundisyon upang makipagkalakalan sa pandaigdigang ekonomiya. Sinasabi ng Kasulatan na ang pagtanggap ng tatak ang magiging dahilan sa pagpunta ng tao sa walang hanggang kaparusahan (Pahayag 14:9–10). Tatanggi ang mga banal sa panahon ng kapighatian na tumanggap ng tatak at paguusigin sila dahil dito.
Kalaban ng Diyos si Satanas. Kalaban naman ni Kristo ang Halimaw o ang Antikristo, at kalaban ng Banal na Espiritu ang Bulaang Propeta. Uusigin ng hindi banal na Trinidad ang mga mananampalataya at dadayain ang maraming tao. Ngunit sa huli, mananaig ang kaharian ng Diyos. Sinasabi sa Daniel 7:21–22, “Samantalang ako'y nakatingin, nakita kong dinigma at nilupig ng sungay na ito [ang Antikristo] ang mga hinirang ng Diyos. Pagkatapos, dumating ang Nabubuhay Magpakailanpaman at nagbigay ng hatol sa panig ng mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Dumating ang araw para ibigay sa bayan ng Diyos ang pamamahala sa kaharian.”
English
Ano ang hindi banal na Trinidad sa mga huling araw?