Tanong
Mayroon bang hindi kayang gawin ang Diyos?
Sagot
Sa maaliwalas na gabi ay subukan nating tumingala sa langit. Nakatala sa unang kabanata ng Genesis na ang Diyos ang lumikha sa lahat ng nakikita natin! Dili-dilihin mo ang kapangyarihan sa likod ng isang bituin! Ngunit hindi lang ito pangkaraniwang kapangyarihan. Ang totoo, ay may isang marunong na nagdisenyo ng kalawakan hanggang sa pinakamaliit na hibla ng DNA at pinakamaliit na bahagi ng atom. Ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos ay hindi natin kayang unawain. Kaya nga sa Genesis 18:14 ay sinabi ng Diyos kay Abraham, "Mayroon bang mahirap sa Diyos?" Nang Siya ay tanungin ni Moises kung paano Niya tutugunan ang pagkain ng milyun-milyong Israelita sa ilang, ang tugon ng Diyos ay, "Maikli ba ang kamay ng Panginoon?" (Mga Bilang 11:23). Ito rin ang nag udyok kay Jonathan upang sabihin sa tagapagdala ng sandata na ang Panginoon ay hindi nangangailangan ng maraming kawal upang magwagi sa digmaan (1 Samuel 14:6).
Sinasabi sa Jeremias 23:17, "Panginoong Yahweh, nilikha mo ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan. Walang bagay na mahirap para sa iyo." Maging sa espirituwal na aspeto, yaong imposibeng maligtas ay kayang iligtas ng Panginoon (Marcos 10:25-27). At kung gaano kadakila ang Kanyang kapangyarihan ay ganun din ang Kanyang pag-ibig at habag kahit na umabot pa sa punto na kusang loob niyang ibinigay ang kanyang Anak na si Jesus upang mamatay sa krus ng kalbaryo bilang kabayaran sa kasalanan ng sangkatauhan. Ginawa Niya ito upang sa kanyang katarungan ay mapatawad yaong mga tumalikod sa kasalanan, sila yaong mga tao na sa halip na magtiwala sa sarili upang maligtas ay umasa kay Cristo at sa kanyang natapos na gawain ng pagliligtas. Ang Juan 3:16 ay nagsasaysay ng dakilang pag-ibig ng Diyos: "Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Ang pag-ibig na ito ay hindi lang para sa "mabubuting tao" (wala naman talagang mabuti), kundi para sa atin na mga makasalanan, at mga masuwayin (Roma 3:10-23)...pinili pa rin niyang ibuhos sa atin ang kanyang pag-ibig (Roma 5:6-10) kahit na tayo ay hindi karapat-dapat tumanggap nito.
Ang tanging bagay na hindi gagawin ng Diyos ay ang kumilos ng salungat sa Kanyang katangian at kalikasan. Halimbawa, Sinasabi sa Tito 1:2 na hindi maaaring magsinungaling ang Diyos. Dahil Siya ay banal (Isaias 6:3; 1 Pedro 1:16), Hindi Siya maaaring gumawa ng kasalanan. Dahil Siya ay makatarungan, hindi niya palalampasin o hahayaan ang kasalanan. Subalit dahil binayaran na ni Cristo ang parusa para sa kasalanan, maaari nang mapatawad ang sinumang lumalapit sa Kanya (Isaias 53:1-12; Roma 3:26).
Tunay ngang kamangha-mangha ang ating Diyos...hindi nagbabago, walang hanggan, walang hangganan ang kapangyarihan, ang kadakilaan, ang kaalaman, karunungan, pag-ibig, habag, at kabanalan. Subalit tayo ay kahalintulad din ng mga Israelita na matapos paulit-ulit na masaksihan ang kanyang kapangyarihan ay patuloy pa ring nag aalinlangan lalo na tuwing nahaharap sa mga pagsubok sa buhay (halimbawa ang Mga Bilang13-14). Nawa'y tulungan tayo ng Diyos na maparangalan Siya sa pamamagitan ng ating pagtitiwala sa Kanya tuwing dumaranas tayo ng mga pagsubok at suliranin, "Dahil Siya ay laging handang sumaklolo sa panahon ng kaguluhan" (Mga Awit 46:1).
English
Mayroon bang hindi kayang gawin ang Diyos?