settings icon
share icon
Tanong

Biblikal ba ang hindi kumpletong preterismo (partial preterism)? Ano ang ibig sabihin ng paniniwalang ito?

Sagot


Ang preterismo (preterism) ay isang pananaw na natupad na ang mga hula na inilarawan sa Bibliya tungkol sa mga huling araw. Kaya nga halimbawa, kung mababasa natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa “pitong taon ng paghihirap,” ang pangyayaring ito ay tapos na para sa mga preterista. Nahahati ang preterismo sa dalawang kampo: kumpletong preterismo (full or consistent preterism) at hindi kumpletong preterismo (partial preterism). Ang kumpletong preterismo ay ang radikal na pananaw na ang lahat ng mga hula sa Bibliya ay naganap na sa iba’t ibang kaparaanan. Ang mga naniniwala naman sa hindi kumpletong preterismo (partial preterism) ay may timbang na pananaw at itinuturing ng mga nasa kampong ito na ang mga nagtuturo na naganap na ang lahat ng mga hula sa Bibliya ay nagtuturo ng maling katuruan o hidwang pananampalataya.

Ang mga nanghahawak sa hindi kumpletong preterismo (partial preterism) ay naniniwala na ang mga hula sa Daniel, Mateo 24 at Pahayag (maliban sa dalawa o tatlong kabanata ng Pahayag) ay naganap na at ang mga ito ay naganap bago ang unang siglo A.D. Ayon sa hindi kumpletong preterismo (partial preterism), walang pagdagit na magaganap sa mga mananampalataya, at ang mga talata na naglalarawan sa pitong taon ng paghihirap ay tumutukoy sa pagkawasak ng Jerusalem noong AD 70 at ang Antikristo ay tumutukoy sa Romanong Emperador na si Titus. Naniniwala ang mga nagsusulong ng katuruang ito sa pagbabalik ni Kristo sa mundo, sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay at sa Huling Paghuhukom, ngunit hindi sila naniniwala sa isanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa lupa o sa papel na gagampanan ng bansang Israel sa plano ng Diyos sa hinaharap. Ayon sa mga hindi kumpletong preterista (partial preterists), ang tinutukoy ng Bibliya na mga “huling araw”ay ang mga huling araw sa Lumang Tipan ng mga Hudyo, hindi ang mga huling araw ng mundo.

Upang mapanatili ng mga partial preterists ang kanilang posisyon, ipinipilit nila na ang aklat ng Pahayag ay isinulat ng mas maaga (bago ang AD 70). Kailangan din nilang gumamit ng pabagu-bagong paraan ng pangunawa sa Bibliya (inconsistent hermeneutics) sa tuwing ipinapaliwanag nila ang mga sitas sa Bibliya na may kinalaman sa mga mangyayari sa hinaharap. Ayon sa kanila, ang kabanata anim (6) hanggang walo (8) ng aklat ng Pahayag ay simbolikal at hindi naglalarawan sa mga aktwal na pangyayari. Dahil hindi kasali sa pagkawasak ng Jerusalem ang pagkasira ng lahat ng buhay sa dagat (Pahayag 16:3), o ang mahabang kadiliman (talata 10), ang mga hatol na ito ng Diyos ayon sa mga preterista ay purong alegorikal o hindi literal. Gayunman, ayon sa mga preterista, dapat na unawain ang kabanata 19 ng Pahayag sa paraang literal – na literal na muling paparito si Kristo sa pisikal. Ngunit muli, inuunawa ng mga preterista ang kabanata 20 ng Pahayag sa paraang alegorikal, habang inuunawa naman nila sa paraang literal ang kabanata 21 hanggang 22, bagama’t sa ilang bahagi lamang, at pinaniniwalaan din ang tungkol sa paglikha ng Diyos ng isang bagong langit at bagong lupa.

Walang tumatanggi na naglalaman ang aklat ng Pahayag ng mga kahanga-hanga at minsan ay nakalilitong mga pangitain. Walang tumatanggi na inilalarawan sa aklat ng Pahayag ang maraming bagay sa paraang simbolikal – dahil ito ang kalikasan ng mga literatura tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap. Gayunman, ang tahasang pagtanggi sa literal na kalikasan ng ilang piling bahagi ng aklat ng Pahayag ay pagsira sa basehan ng pangunawa sa alinmang aklat ng Bibliya sa paraang literal. Kung ang mga salot, mga saksi, ang halimaw, ang bulaang propeta, ang isanlibong taon ng paghahari ni Kristo at iba pa ay simbolo lamang lahat, ano ngayon ang basehan sa pangunawa na ang ikalawang pagparito ni Kristo at ang bagong langit at bagong lupa ay literal? Ito ang kabiguan ng preterismo—nakasalalay ang pangunawa sa aklat ng Pahayag ayon sa opinyon ng nagpapaliwanag.

Hindi rin inuunawa sa literal na paraan ng mga nanghahawak sa hindi kumpletong preterismo ang Mateo 24. Sinabi ni Hesus sa mga talatang ito ang tungkol sa pagkawasak ng templo (Mateo 24:2). Ngunit ang marami sa Kanyang inilarawan ay hindi naganap noong AD 70. Tinukoy din ni Hesus ang panahon sa hinaharap na Kanyang tinawag na “matinding kapighatiang hindi pa nararanasan mula nang likhain ang sanlibutan hanggang sa ngayon, at hindi na mararanasan pa kahit kailan” (Mateo 24:21). Idinagdag pa ng Panginoong Hesus, “At kung hindi pinaikli ng Diyos ang mga araw na iyon, walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang, paiikliin ng Diyos ang mga araw na iyon” (Mateo 24:22). Tiyak na hindi mailalapat ang matinding kapighatiang tinutukoy ni Hesus sa mga talatang ito sa mga nangyari noong AD 70. May mga mas matitinding kapighatian pa ang naganap sa mundo pagkatapos ng AD 70.

Sinasabi din ng Panginoon, “Pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. Pagkatapos, lilitaw sa langit ang tanda ng Anak ng Tao at mananangis ang lahat ng mga bansa sa daigdig. Makikita nila ang Anak ng Tao na nasa alapaap at dumarating na may dakilang kapangyarihan at kadakilaan” (Mateo 24:29–30). Upang masabing naganap na ang mga pangyayari sa dalawang talatang ito, dapat na nagbalik na ang Panginoon noong AD 70 – ngunit hindi iyon nangyari. Pinaniniwalaan ng mga partial preterists na hindi tumutukoy ang mga talatang ito sa pagbabalik ni Kristo sa katawan kundi ang pagpapadala Niya ng Kanyang hatol. Gayunman, hindi ito ang normal at literal na pagpapakahulugan sa mga tekstong ito. Ang “Anak ng Tao”ang makikita ng mga tao, hindi ang Kanyang paghatol.

Ginagamit din ng mga partial preterists ang Mateo 24:34 kung saan binanggit ni Hesus ang pariralang “henerasyong ito.” Sinasabi nila na tinutukoy ni Hesus ang mga taong nabubuhay noong Kanyang sabihin ang naturang kabanata kaya nga, ang kapighatian ay dapat na naganap sa loob ng 40 taon pagkatapos Niyang sabihin ang pangungusap na ito. Gayunman, naniniwala kami na hindi ang mga tao sa kanyang panahon ang tinutukoy ni Hesus kundi ang henerasyon na makakasaksi sa mga pangyayari na magaganap sa Mateo 24:15–31. Masasaksihan ng henerasyong ito sa hinaharap ang lahat ng mga mabilis na pangyayari sa huling mga araw, maging ang muling pagparito ni Hesu Kristo (talata 29–30).

Ang pananaw na ito ng mga preterista ang dahilan ng paniniwala na tinatawag na amillenialism (walang literal na isanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa lupa) o post-millenialism (magaganap ang ikalawang pagparito ni Kristo pagkatapos ng “isanlibong taon”) na may kaugnayan sa teolohiya ng tipan (covenant theology). Natural na tinatanggihan ng mga naniniwala sa teoryang ito ang dispensationalism. Ngunit ang pangunahing problema ng mga naniniwala sa teoryang ito ay ang kanilang pabagu-bagong paraan ng pangunawa sa Bibliya (inconsistent hermeneutic) at pagturing na alegorya sa marami sa mga hula sa Bibliya na mauunawaan ng mas malinaw sa literal na paraan. Habang nasasaklaw pa rin ng tamang katuruan pagdating sa kaligtasan (soteriology) ang hindi kumpletong preterismo (partial preterism), hindi ito ang pananaw ng nakararaming mga Kristiyano sa kasalukuyan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Biblikal ba ang hindi kumpletong preterismo (partial preterism)? Ano ang ibig sabihin ng paniniwalang ito?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries