Tanong
Paano ako makakahanap ng kaaliwan kapag ang isa kong hindi ligtas na mahal sa buhay ay namatay na?
Sagot
Para sa mga mananampalataya ang pagkamatay ng isang hindi ligtas na minamahal ay napakahirap. Minsan parang hindi tayo makatagpo ng kapanatagan o kapayapaan ng isip kapag alam natin ang naghihintay sa mga hindi ligtas. Kapag namatay ang isang iniligtas na mahal sa buhay, nami-miss natin siya ngunit hindi tayo nalulungkot “kagaya ng mga taong walang pag-asa” (1 Tessalonica 4:13) dahil alam nating magsasama-sama tayong muli sa langit balang araw.
Ngunit para sa mga namamatay na walang Kristo, alam nating hindi na natin sila makikitang muli at mahirap mahanap ang kaaliwan sa ganitong sitwasyon. Lalo na para sa mga nagsisikap na ipaalam sa kanila ang mga katotohanan ng Ebanghelyo at nauugnay sa sitwasyong ito ang sakit ng pagtatanong ng “bakit?” Bilang mga Kristiyano, iniisip natin kung paanong ang isang tao ay tatanggihan ang gayong napakahalagang regalo. Ang ating kagalakan sa Panginoon ang nagtutulak sa atin na magnais para sa parehong kagalakan para sa iba. Gayunman, ang katotohanan ay kahit na bukas para sa lahat ang imbitasyong ito, may ilan na hindi talaga tatanggap sa regalo. Ngunit maaari tayong magbigay ng lakas ng loob at katiyakan sa katotohanang kahit na hindi na natin makikita pa ang ating minamahal sa mundong ito, tapat at makatarungan ang Diyos. Nakakamanghang maunawaan na ang Diyos ay mapagtiis at mapagpasensya.
"Hindi ba gagawa ng tama ang Hukom ng buong lupa" (Genesis 18:25)? Ito ay isang malaking kaaliwan para sa may mga mahal sa buhay na pumanaw na, at hindi sigurado sa patutunguhan ng kanilang kaluluwa. Ang Hukom na may walang hanggang kaalaman ay puno ng biyaya at awa sa lahat ng tumatawag sa kanya at ang Kanya mismong katarungan ang nagbibigay ng isang “daan” para sa lahat upang makatakas sa hatol ng Kanyang katuwiran, at sa katarungan Niya tayo dapat umasa. Ang Kanyang biyaya ang nagligtas sa atin at dito tayo sumandig kapag dumaranas tayo ng sobrang kalungkutan dahil sa pagkamatay ng isang hindi ligtas na mahal sa buhay. Dapat nating tandaan na hindi natin magagawa ang desisyong ito para sa iba at kung sila ay mapunta sa walang hanggan na wala si Kristo, ito ay dahil iyon ang kanilang pinili sa kabila ng Kanyang alok na biyaya.
Bagamat maaari tayong makaranas ng sakit ng alaala sa minamahal na iyon habang tayo ay nasa buhay na ito at dumaraan sa proseso ng kalungkutan, darating ang panahon na bawat mananampalataya ay makakasama na ang Panginoon. Sa araw na iyon, “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay” (Pahayag 21:4). Hindi natin mauunawaan kung paano ito mangyayari dahil nabubuhay tayo sa panahon na limitado ang ating makitid na isipan. Gayunman, sapat na ito para magkaroon tayo ng kasiyahan at lakas ng loob para malaman ang patungkol dito. Kapag nakita na natin ang Panginoon, lahat ng kalungkutan na nararamdaman natin ay mawawala na. “Nalulungkot kayo ngayon, ngunit muli ko kayong makikita, at mag-uumapaw sa inyong puso ang kagalakang hindi maaagaw ninuman” (Juan 16:22). Pansamantala, makakaasa tayo sa walang hanggang mga bisig ng Diyos na nakadarama ng ating sakit at umaaliw sa atin sa pamamagitan ng Kanyang dakilang pag-ibig at habag.
English
Paano ako makakahanap ng kaaliwan kapag ang isa kong hindi ligtas na mahal sa buhay ay namatay na?