Tanong
Mali ba ang sinasabi ni Jesus sa Lukas 9:27 (gayundin sa Mateo 16:28; Markos 9:1)?
Sagot
Sinasabi sa Lukas 9:27, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo: may ilan sa inyo ritong hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikita ang kaharian ng Diyos.” Tingnan din ang Mateo 16:28 at Markos 9:1 para sa mga kaparehong pangungusap. Sa bawat isa sa mga magkakatulad na ebanghelyo, ang agad na sumunod na pangyayari pagkatapos na ipangako ito ni Jesus ay ang Kanyang pagbabagong anyo. Sa halip na unawain ang pangakong ito ng Panginoon na tungkol sa Kanyang muling pagparito para pasimulan ang Kanyang paghahari dito sa lupa, ang konteksto ay nagpapahiwatig na ang tinutukoy ni Jesus ay ang Kanyang pagbabagong anyo. Ang salitang Griyegong isinalin sa salitang “kaharian” ay maaari ding isalin sa salitang “maharlikang karangalan,” na nangangahulugan na makikita ng tatlong alagad na nakatayo doon kung sino talaga si Cristo—ang Hari ng Langit—na naganap noong Siya’y magbagong anyo.
Ang “pagbabagong anyo” ay tumutukoy sa pangyayari na inilarawan sa nabanggit na mga talata sa itaas noong isama ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan sa itaas ng bundok kung saan nagpakita sina Moises at Elias—na kumakatawan sa Kautusan at sa mga Propeta sa Lumang Tipan—at nakipagusap kay Jesus. Nakita ng mga alagad si Jesus sa Kanyang kaluwalhatian at karangalan habang nakikipagusap sina Moises at Elias sa Kanya na may mga maluwalhating katawan. Ito ay isang sulyap sa mangyayari sa kaharian ni Jesus. Namangha ang mga alagad sa kanilang nakita anupa’t “napasubasob sila sa lupa” (Mateo 17:6).
Tila pinakanatural na unawain ang pangakong ito sa Mateo 16:28; Markos 9:1; at Lukas 9:27 bilang pagtukoy sa pagbabagong anyo ni Jesus na nasaksihan ng “ilan” sa mga alagad—anim na araw pagkatapos na sabihin ito ni Jesus ng eksakto gaya ng Kanyang inihula. Sa bawat Ebanghelyo, ang mga sumunod na talata pagkatapos ng pangakong ito ay ang pagbabagong anyo ni Jesus kung kailan nagpakita Siya sa Kanyang kaluwalhatian na ating muling masasaksihan sa Kaharian ng Diyos. Ang kaugnayan sa konteksto ay nagpapakita na ito ang pinakatamang interpretasyon.
English
Mali ba ang sinasabi ni Jesus sa Lukas 9:27 (gayundin sa Mateo 16:28; Markos 9:1)?