settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa hindi masayang pagsasama ng magasawa?

Sagot


Isang bagay ang tiyak: Ang hindi masayang pagsasama ng magasawa ay hindi biblikal na basehan para sa paghihiwalay o diborsyo. Sinabi ni Jesus sa Markos 10:11–12, "At sinabi niya sa kanila, Ang sinomang lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa unang asawa: At kung ihiwalay ng babae ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala siya ng pangangalunya." Ayon sa Bibliya, makikita natin na walang karapatan ang tao na wakasan ang isang hindi masayang relasyon. Ang intensyon ng Diyos sa relasyong mag-asawa ay isang pang habang buhay na pagsasama.

Ipinapakita ang pagaasawa sa Efeso 5 bilang isang larawan ng relasyon sa atin ng Diyos. Ito ang isang dahilan kung bakit nais ng Diyos na manatili ang relasyon ng magasawa. Ang bigong pagsasama at sirang pamilya ay nakakasira sa buhay ng magasawa maging sa buhay ng kanilang mga anak. Ang kabiguan sa pinansyal ang isa sa malungkot na resulta ng paghihiwalay o diborsyo. Ang pamilya ang pangunahing institusyon na bumubuo sa sosyedad at ang malawakang diborsyo ay may masamang epekto sa lahat ng kultura.

Hindi ito nangangahulugan na nais ng Diyos na pwersahin natin ang ating sarili na manatili sa isang hindi masayang relasyon. Hindi Niya hinihingi sa atin na manahimik na lamang at magtiis sa mga pagdurusa na dulot ng isang marahas na relasyon. Sa tuwing tinatalakay ng Diyos sa Bibliya ang mga problema sa relasyon ng magasawa, ang Kanyang layunin ay ayusin ang mga problema hindi ang pagtapos sa relasyon. Halimbawa, isinulat ni Pablo ang mga gawa ng demonyo sa buhay ng magasawa (1 Corinto 7:5). Sinabi ni Pablo na dapat na maging aktibo sa kanilang sekswal na relasyon ang magasawa upang hindi sila matukso ni Satanas. Hinimok ni Pablo ang mga asawang lalaki na tratuhin ang kanilang mga asawang babae ng may pangunawa upang walang maging hadlang sa kanilang pananalangin (1 Pedro 3:7). Mula sa mga talatang nabanggit, makiktia natin na ang relasyon ng magasawa ay isang espiritwal na digmaan. Kinakailangan ang pagsisikap upang maging maayos ang relasyon, sa halip na magaway ang magasawa.

Hinihimok ng Diyos ang magasawa upang magkasundo. Tinatalakay sa Mateo 18:15–16 ang isang bukas at tapat na komunikasyon upang harapin ang sama ng loob at kabiguan na resulta ng kasalanan. Hinihimok din tayo na humingi ng tulong sa iba upang malutas ang mga problema. Tinatawag din tayo ng Diyos na hanapin ang kagalakan at kasiyahan sa Kanya (Filipos 4:4). Ang galak ng Panginoon ay maaaring mapasaiyo sa kabila ng anumang sitwasyon. Sa lahat ng kundisyon ng Diyos para sa pagkakaroon ng kagalakan, wala sa mga iyon ang kooperasyon ng isang asawa. Hindi kontrolado ng isang asawa ang kapasidad ng kanyang asawa na magkaroon ng kagalakan at kapayapaan. Sinasabi sa atin sa Santiago 1:3-4, na ang malalim at nanatiling kapayapaan ay nararanasan habang nagtitiyaga tayo sa gitna ng mga pagsubok sa tulong ng Diyos, at habang lumalago at lumalakas ang ating pananampalataya sa Kanya.

Ipinapakita sa aklat ng Filipos ang pagkakaiba sa pagitan ng kagalakan at kasiyahan. Isinulat ni Pablo habang nakakulong sa Roma, ginamit sa aklat na ito ang mga salitang kagalakan, magalak at nagagalak ng 16 beses at itinuro kung paano magkakaroon ng tunay na kakuntentuhan sa kay Kristo Hesus sa kabila ng ating mga nararanasan. Habang nakatanikala, ipinahayag ni Pablo ang kanyang pananampalataya at pagtitiwala kay Kristo at kung paanong nabago ang kanyang pananaw patungkol sa pagdurusa.

Binigyan ng Diyos ang mga asawang lalaki ng malinaw na alituntunin sa Efeso 5:25–28: "Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa kaniya; Upang kaniyang pakabanalin ito, na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may salita, Upang ang iglesia ay maiharap sa kaniyang sarili na maluwalhati, na walang dungis o kulubot o anomang gayong bagay; kundi ito'y nararapat maging banal at walang kapintasan. Gayon din naman nararapat ibigin ng mga lalake ang kani-kaniyang sariling asawa, na gaya ng kanilang sariling mga katawan. Ang umiibig sa kaniyang sariling asawa ay umiibig sa kaniyang sarili." Para naman sa mga asawang babae, itinagubilin sa kanila ng Diyos na magpasakop sa pamumuno ng kanilang asawa (talata 22) at igalang ang kanilang mga asawa (talata 33). Sa isang espiritung kagaya ng kay Kristo, dapat na magpasakop ang magasawa sa isa't isa (Efeso 5:21). Kung ipinapamuhay ng bawat isa sa magasawa ang kanilang responsibilidad ng naaayon sa Bibliya, magkakaroon ng kagalakan at kasiyahan sa kanilang relasyon. Sinong babae ang hindi gagalang at magpapasakop sa kanyang asawa na umiibig sa kanya ng gaya sa pag-ibig ni Kristo sa iglesya? Ang kawalang kasiyahan na nararanasan ng maraming magasawa ay laging resulta ng hindi pagpapasakop sa Diyos at pagsunod sa Kanyang nahayag na kalooban. Minsan, ang kawalan ng kasiyahan ay pinapalala pa ng mga hindi nalulutas na isyu ng isa sa magasawa na nakapasok sa kanilang relasyon. Sa mga ganitong kaso, makatutulong ang pagpapayo sa indibidwal bilang karagdagan sa pagpapayo sa magasawa ng magkasama.

Kahit na ang isang hindi masayang relasyon ay dahil sa pagaasawa ng isang hindi mananampalataya, mayroon laging posibilidad na maakay ng isang mananampalatayang asawa ang kanyang hindi mananampalatayang asawa sa Panginoon sa pamamagitan ng pagpapakita ng isang magandang paguugali at mabuting pakikisama "Gayon din naman, kayong mga asawang babae, pasakop kayo sa inyong sarisariling asawa; upang, kung ang ilan ay hindi tumalima sa salita, ay mangahikayat ng walang salita sa pamamagitan ng ugali ng kani-kaniyang asawang babae" (1 Pedro 3:1). Partikular na tinalakay sa Bibliya ang dapat gawin ng mga Kristiyano na may asawang hindi mananampalataya sa 1 Corinto 7:12–14: "…Datapuwa't sa iba, ay ako ang nagsasabi, hindi ang Panginoon: Kung ang sinomang kapatid na lalake ay may asawang hindi sumasampalataya, at kung kalooban niyang makipamahay sa kaniya, ay huwag niyang hiwalayan. At ang babaing may asawang hindi sumasampalataya, at kalooban niyang makipamahay sa kaniya, ay huwag niyang hiwalayan ang kaniyang asawa. Sapagka't ang lalaking hindi sumasampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kaniyang asawa, at ang babaing hindi sumasampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kaniyang asawa: sa ibang paraa'y ang inyong mga anak ay nangagkaroon ng kapintasan; nguni't ngayo'y mga banal."

Panghuli, dapat nating tandaan na, "Sapagka't ang mga mata ng Panginoon ay nasa mga matuwid, At ang kaniyang mga pakinig ay sa kanilang mga daing: Nguni't ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga nagsisigawa ng masama" (1 Pedro 3:12). Alam ng Diyos ang sakit na dulot ng isang hindi masayang relasyon at nauunawan Niya ang ating makalamang pagnanasa, ngunit ibinigay Niya sa atin ang Kanyang mga salita patungkol sa paksang ito at hinihingi Niya sa atin ang pagsunod. Ang pagsunod sa Diyos ay laging nagdudulot ng kagalakan sa mananampalataya (Roma 16:19).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa hindi masayang pagsasama ng magasawa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries