Tanong
Bakit napakarami pa sa mundo ang hindi pa naaabot ng Ebanghelyo?
Sagot
Ang huling habilin ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod ay "Kaya't humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon" (Mateo 28:19–20). Alam natin mula sa pagbabasa ng aklat ng mga Gawa na tinupad nila ang sinabi ni Jesus. Pagkatapos na manahan sa kanila ang Banal na Espiritu, buong tapang silang nagsimulang mangaral ng mensahe ng Diyos (Gawa 2:4). Binigyan sila ng Diyos ng hindi pangkaraniwang kakayahan na makapagsalita sa ibang mga wika upang ang mga tao na nanggaling sa maraming bansa ay makaunawa ng Mabuting Balita (Gawa 2:6). Naniwala ang mga taong iyon at pagkatapos, dinala nila ang mensahe ng Diyos tungkol sa kaligtasan sa kanilang bansang sinilangan, at kumalat ang Ebanghelyo.
Sa kabila ng mga pag-atake para hadlangan ang Kristiyanismo sa buong kasaysayan, patuloy na kumalat ang mensahe ng Ebanghelyo habang maraming mga buhay ang binabago ng pag-ibig ni Jesus. Iniwan ng mga misyonero ang lahat sa kanilang buhay para maglakbay sa mga mahihirap na rehiyon upang dalhin ang Mabuting Balita sa mga katutubo doon. Sa pamamagitan ng personal na pageebanghelyo, sa radyo, telebisyon, internet, babasahin at marami pang ibang kaparaanan, naririnig ng mga tao sa buong mundo ang tungkol sa pagliligtas ni Jesus at sila'y tumutugon. Ngunit sa kabila ng lahat, habang dumarami ang populasyon ng tao sa mundo, dumarami din ang bilang ng mga taong hindi pa naaabot ng Ebanghelyo. Sa kabila ng mga pagsisikap ng iglesya, milyon-milyong mga tao ang hindi pa rin nakakarinig ng Mabuting Balita tungkol kay Jesus. Sa katunayan, may ilang lugar sa mundo na dating may malakas na presensya ang mga Kristiyanismo, gaya ng Turkey at North Africa, ngunit ngayon ay balwarte na ng mga huwad na relihiyon.
Ang isa sa dahilan kung bakit napakarami pa sa mundo ang nananatiling hindi naaabot ng Ebanghelyo ay ang layo ng mga lugar kung saan naroon ang mga taong wala pang alam sa Ebanghelyo mula sa kabihasnan. Nakakatuklas pa rin ang mga manlalakbay ng mga tribo at mga nayon na wala sa mapa at wala pang nakakaalam sa kanilang pagiral. Bukod dito, ilang tribo ang nagsasalita ng wika na hindi pa nauunawaan ninuman, kaya halos imposible ang makipagusap sa kanila. Gayundin, may mga tribo at bansa na hindi tumatanggap sa mga taong nanggaling sa ibang lugar o mga Kristiyano anupa't mapanganib ang pakikipagugnayan sa kanila. Marami ang sumubok na mag-ebanghelyo sa ganitong mga tribo ang namatay habang nangangaral.
Ang isa pang dahilan kung bakit napakarami pa rin sa mundo ang hindi pa naaabot ng Ebanghelyo ay ang kawalang interes ng mga Kristiyano sa mga bansa sa Kanluran sa gawain ng pagmimisyon. Maaaring ilapat sa kanila na mas mayaman kumpara sa ibang bansa sa ibang bahagi ng mundo ang mga salita ni Santiago: "Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. Bulok na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng mapanirang insekto ang inyong mga damit. Kinakalawang na ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na tutupok sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw. Sumisigaw ang mga manggagawa sa inyong mga bukirin dahil hindi ninyo ibinibigay ang kanilang mga sahod. Umabot na sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi! Nagpasasa kayo sa kalayawan at karangyaan dito sa lupa. Nagpataba kayong parang mga hayop na kakatayin" (Santiago 5:1–5).
Ang mga salitang ito ay masakit sa pandinig, ngunit dapat nating suriin ang ating mga sarili upang makita kung mailalapat ang mga salitang ito ni Santiago sa ating saloobin patungkol sa kayamanan. Itinuro ni Jesus na "gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan" (Lukas 16:9). Sa ibang salita, dapat nating gamitin ang ating kayamanan sa mundong ito para isulong ang gawain ng Diyos; at ang resulta ay mas maraming tao sa langit.
Itinuturing ba natin ang ating kayamanan na sa atin para gugulin sa kasiyahan? O bilang kaloob na mula sa Diyos para gamitin sa Kanyang gabay? Itinuturing ba natin ang ating oras na sa atin para gamitin sa anumang ating maibigan? O bilang isang kaloob ng Diyos para gamitin sa paghahanap sa Kanyang kalooban? Iniisip ba natin na ang ating mga talento ay bagay na dapat gamitin para sa ating pansariling kapakinabangan? O tinitingnan natin sila bilang mga kaloob na mula sa Diyos para gamitin ayon sa Kanyang kalooban? Ikinukunsidera ba natin ang mahihirap at ang mga nasa mahihirap na bansa sa pagdedesisyon kung saan natin gugugulin ang ating kayamanan? Tinawag ba tayo ng Diyos sa pagmimisyon sa ibang bansa ngunit tumututol tayo? Tinawag ba niya tayo para sumuporta sa isang partikular na misyonero o ministeryo sa pananalangin, ngunit lagi natin silang nalilimutan? Mabuti ba tayong tagapangasiwa ng mga pagpapala ng Diyos na Kanyang ibinibigay sa atin, at maingat tayo sa paggamit sa kanila gaya ng Kanyang ninanais? Hinahanap ba natin ang Kanyang kaharian ng una sa lahat at nakikilahok sa pangangaral ng Ebanghelyo ayon ating sitwasyon sa buhay? Ang isa sa dahilan kung bakit napakaraming tao ang hindi pa nakakarinig ng Ebanghelyo ay ang pagtanggi ng mga anak ng Diyos na dalhin sa kanila ang Ebanghelyo. Hindi tayo dapat masanay sa Ebanghelyo anupat't nabigo na tayong nasain na makita itong kumakalat at gawin ang ating makakaya para sa layuning ito.
Sa Mateo 11:21–24 sinabihan ni Jesus ang mga siyudad kung saan Siya nangaral at gumawa ng mga himala, ngunit tumangging maniwala sa Kanya: "At kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. Tandaan ninyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang igagawad sa mga mamamayan ng bayang iyon kaysa sa parusang dinanas ng mga taga-Sodoma at taga-Gomorra" (Mateo 10:14–15). Tila sinasabi dito na papapanagutin tayo ng Diyos sa mga pagkakataon na ibinigay Niya sa atin dahil Siya ay matuwid na hukom (Awit 7:11. Makakapagtiwala tayo na gagawin Niya ang tama sa pagharap sa Kanya ng mga taong hindi nakarinig ng Ebanghelyo sa Araw ng Paghuhukom. Gayunman, magbibigay sulit din tayo kung naging masunurin tayo o hindi sa Kanyang utos na mangaral tungkol sa Kanya (Mateo 12:36; 2 Corinto 5:10).
Maraming oportunidad ang bawat kristiyano para tulungang maibsan ang problema ng mga taong hindi pa nakakarinig ng Ebanghelyo. Ayon sa iyong sitwasyon, maaari mong gawin ang isa o higit pa sa mga sumusunod:
• Mabigay ka ng tulong pinansyal sa mga organisasyon sa pagmimisyon.
• Suportahan ang mga mahihirap na mga bata sa pamamagitan ng ilang mga organisasyon na nagkakawanggawa at kumakatagpo sa mga pisikal at espiritwal na pangangailangan ng mga bata sa buong mundo.
• Tanungin mo ang Panginoon kung gusto ka Niyang maging isang full-time missionary.
• Makilahok ka sa isang short-term mission trip sa isang lugar na hindi pa nararating ng Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng pagtataya sa mga pangangailangan ng mga tao, lagi tayong nagkakaroon ng pagnanasa na maabot sila. Maraming mga organisasyon ang nagsimula ng makita ng isang tao ang pangangailangan.
• Kung may kakayahan ka sa pagsasalin ng wika, maging isang tagasalin ng Bibliya at ng mga babasahing Kristiyano.
• Tumigil ka sa pagdadahilan dahil sa takot o sa katamaran. Kung tinatawag ka ng Diyos, ipagkakaloob Niya ang iyong mga pangangailangan.
• Tayahin mo ang iyong sariling mga talento, kaloob, at mapagkukunan para makita kung ano ang magagamit mo sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo sa mga taong hindi pa nakakarinig nito (halimbawa: lisensya bilang piloto, kasanayan sa pagbuo at pamumuno ng organisasyon, kayamanan sa pananalapi, kasanayan sa mga makina, kaalaman sa medisina, at iba pa).
Nang umakyat si Jesus sa langit, ipinagkatiwala Niya ang Kanyang mensahe sa iilang tao. Maaaring maglakbay Siya ng mas malayo ng higit kaysa noong nagmiministeryo Siya dito sa lupa. Maaari Siyang maglakbay para magmisyon gaya ng ginawa ni Pablo. Maaari Siyang magpadala ng mga anghel para ipangaral ang Ebanghelyo sa lahat ng lugar. Ngunit hindi Niya ginawa ang alinman sa mga bagay na ito. Sa halip, ipinagkatiwala Niya ang pinakamahalagang mensahe sa buong mundo sa ilang taong maaaring magkamali. Ngunit, ang mensahe nila ang bumago sa mundo dahil ang mga taong kinasihan ng Espiritu ay handang ibigay ang lahat sa kanilang buhay. Kung ang bawat tao ngayon na nagaangkin bilang mga tagasunod ni Cristo ay handa ring ibigay ang lahat, maiibsan natin ang problema ng mga taong hindi pa naaabot ng Ebanghelyo para sa kaluwalhatian ng Diyos.
English
Bakit napakarami pa sa mundo ang hindi pa naaabot ng Ebanghelyo?