Tanong
Naaayon ba sa Bibliya ang doktrina ng Simbahang Katoliko na hindi nagkakamali ang Papa?
Sagot
Itinuturo ng Simbahang Katoliko na hindi nagkakamali ang Papa kung magtuturo siya mula sa kanyang posisyon ng kapangyarihan sa isang partikular na isyu o doktrina (ex-cathedra). Marami ang mali ang pangunawa na ang "hindi pagkakamali ng Papa" ay nangangahulugan na lahat ng sinasabi ng Papa ay tama at walang mali. Hindi ito ang ibig sabihin ng Simbahang Katoliko tungkol sa "hindi pagkakamali ng Papa." Ayon sa Simbahang Katoliko, ang hindi pagkakamali ng Papa ay sa tuwing magsasalita lamang siya ng ex cathedra, isang bahagi ng Magisterium ng Simbahang Katoliko o ang "awtoridad ng pagtuturo sa Simbahang Katoliko" na ibinigay ng Diyos sa "Inang Simbahan" upang gabayan siya at ng hindi siya magkamali. Ang “awtoridad” ng pagtuturo sa Simbahang Katoliko ay kinakatawan ng kakayahan ng Papa na magturo ng walang pagkakamali, ang hindi nagkakamaling pagtuturo ng mga konseho ng Simbahang Katoliko na nagpupulong sa ilalim ng pangunguna ng Papa at ng pangkaraniwang Magisterium ng mga Obispo. Ang ordinaryong Magisterium na ito ay kinabibilangan ng mga Obispo sa iba't ibang lugar na nagtuturo ng isang partikular na doktrina (Halimbawa, ang katuruan na ipinaglihi si Maria ng walang kasalanan) at kung ang katuruang ito ay tinanggap ng buong iglesya sa pangkalahatan, ito ay isang indikasyon na ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa mga Obispo at ang katuruang iyon ay mula sa Diyos. Sa huli, kikilalanin iyon ng Papa at ipoproklama ang katuruang iyon na mula sa Diyos at dapat na tanggapin ng lahat na Romano Katoliko.
Ang tanong ay kung ang isang katuruan ba ay ayon sa Kasulatan. Nakikita ng Simbahang Katoliko na kinakailangan ang Papa at ang hindi nagkakamaling kakayahan ng Inang Simbahan sa pagtuturo bilang gabay ng simbahan at ginagamit ang lohikal na pangangatwiran para sa pagkakaloob ng Diyos ng kanyang mga katuruan. Ngunit kung susuriin ang Kasulatan, matatagpuan natin ang mga sumusunod:
1) Habang si Pedro ang pangunahing tauhan sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo sa unang bahagi ng kasaysayan ng Kristiyanismo (ang kahulugan sa likod ng Mateo 16:18-19), hindi kailanman idineklara ng Bibliya kung titingnan ang konteksto nito na si Pedro ang pangunahing may kapangyarihan sa ibang mga apostol o sa buong iglesya (tingnan ang Gawa 15:1-23; Galacia 2:1-14; 1 Pedro 5:1-5). Hindi rin itinuro sa Bibliya na ang Obispo sa Roma ang pangunahin at may kapamahalaan sa iglesya. Sa halip, may isa lamang banggit sa Kasulatan tungkol kay Apostol Pedro na sumulat siya mula sa "Babilonia," isang pangalan na minsan ay ginagamit para tukuyin ang Roma na matatagpuan sa 1 Pedro 5:13. Pangunahin ang katwirang ito sa mga dahilan ng mabilis na pagtaas ng impluwensya ng Obispo sa Roma (dahil sa suporta ni emperador Constantino at ng mga Emperador na sumunod sa kanya) gayundin ang pagiging pangunahin ng Obispo sa Roma sa ibang mga Obispo. Gayunman, ipinakikita sa Bibliya na hindi nakahihigit si Pedro sa ibang mga apostol pagdating sa kapangyarihan (Efeso 2:19-20), at ang kapangyarihan ng "pagtatali at pagkakalag" na karaniwang ipinapatungkol sa kanya ay ginagawa din ng ibang mga lokal na iglesya, hindi lamang sa kanilang mga tagapanguna (tingnan ang Mateo 18:15-19; 1 Corinto 5:1-13; 2 Corinto 13:10; Tito 2:15; 3:10-11).
2) Hindi binanggit saanman sa Bibliya na upang mapanatili na malaya sa kamalian ang iglesya, kinakailangan na ipasa ang kapangyarihan ng mga apostol sa kanilang mga kahalili. Ang pagmamana ng pagiging apostol ay ibinabase ng Simbahang Katoliko sa mga talatang gaya ng 2 Timoteo 2:2; 4:2-5; Tito 1:5; 2:1; 2:15; 1 Timoteo 5:19-22). Ngunit itinuturo ng Bibliya na lilitaw ang mga maling katuruan at magmumula ang mga maling katuruang ito maging sa mga tagapanguna ng iglesya kaya’t nararapat na ikumpara ng mga Kristiyano ang mga katuruan na itinuturo ng kanilang mga tagapanguna sa itinuturo ng Bibliya na siyang tanging hindi nagkakamali. Hindi itinuturo ng Bibliya na hindi nagkakamali ang mga apostol maliban sa kanilang mga isinulat. Sa sulat ni Pablo sa mga tagapanguna sa iglesya sa Efeso, sinabihan niya sila na maghanda sa paglitaw ng mga bulaang guro at maging handa na labanan ang kanilang mga maling katuruan. Hindi itinuro ni Pablo na magtiwala ang mga Kristiyano sa kapamahalaan ng mga apostol sa halip, hinamon niya sila na magpatuloy sa "Diyos at sa Salita ng kanyang biyaya" (Gawa 20:28-32).
3) Hindi matatagpuan saanman sa buong Kasulatan ang "Magisterium" o ang doktrina na ang katuruan ng mga Obispo ay katumbas ng katuruan ng Kasulatan. Ang ipinakikita sa kasaysayan ng simbahan ay kabalintunaan. Ang isang katuruan ng papa ay hindi lamang ipinapalagay na katumbas ng Kasulatan, kundi laging nagiging mas mataas kaysa sa itinuturo ng Kasulatan (ganito rin ang nangyayari sa mga kasulatan ng mga Mormons at ang mga kasulatan ng Saksi ni Jehovah, ang Watch Tower). Ito ang nangyayari sa simbahang Romano Katoliko. Paulit-ulit na sinasabi sa Katekismo ng simbahang Katoliko na marami sa kanilang doktrina ay hindi matatagpuan sa Kasulatan (Si Maria bilang manunubos ng kasalanan, kasamang tagapamagitan ni Hesus, walang bahid kasalanan at umakyat sa langit, ang pananalangin sa mga santo at pagsamba sa kanilang imahen at iba pa). Para sa simbahang Katoliko, ang "inang iglesya" ang pinakamataas na awtoridad, hindi ang Kasulatan, kahit sabihin pa nila na ang Magisterium ay "alipin ng Kasulatan." Muli, itinuturo ng Bibliya na ang Kasulatan ang dapat na gamitin bilang sukatan upang malaman kung ano ang katotohanan at kung ano ang kasinungalingan. Sa Galacia 1:8-9, sinabi ni Pablo na hindi ang nagtuturo kundi kung ano ang itinuturo ang dapat na maging batayan kung ano ang katotohanan o kasinungalingan. Habang patuloy na isinusumpa ng simbahang Katoliko sa 'impiyerno’ (anathema) ang mga ayaw kumilala sa awtoridad ng papa, isinusumpa naman ng Bibliya ang mga taong nagtuturo ng ibang ebanghelyo (Galacia 1:8-9).).
4) Habang naniniwala ang Simbahang Katoliko sa pagpapasa ng pagka-apostol upang magabayan ang simbahan, itinuturo naman ng Bibliya na iniingatan Niya ang iglesya sa pamamagitan ng mga sumusunod:
(a) Hindi nagkakamaling Kasulatan (Gawa 20:32; 2 Timoteo 3:15-17; Mateo 5:18; Juan 10:35; Gawa 17:10-12; Isaias 8:20; 40:8; atbp.) Pansinin na Sinabi ni Pedro na ang mga sulat ni Pablo ay kapantay ng ibang Kasulatan (2 Pedro 3:16),
(b) Ang walang hanggang pagkasaserdote ni Hesu Kristo sa kalangitan (Hebreo 7:22-28),
(c) Ang pagkakaloob ng Banal na Espiritu na gumabay sa mga apostol sa katotohanan ng kamatayan ni Kristo (Juan 16:12-14), na nagbigay ng mga espiritwal na kaloob sa mga mananampalataya para sa gawain ng ministeryo kasama ang pagtuturo (Roma 12:3-8; Efeso 4:11-16), ang Siyang gumagamit sa nasulat na Salita ng Diyos bilang Kanyang pangunahing kasangkapan sa kaligtasan (Hebreo 4:12; Efeso 6:17).
Sa pagbubuod, itinuturo ng Bibliya na may nagiisa, nahahawakan at hindi nagkakamaling gabay na iniwan ang Diyos para sa Kanyang Iglesya. Ito ay ang nasulat na Salita ng Diyos, hindi isang tao na hindi umano nagkakamali (2 Timoteo 3:15-17). At ibinigay Niya ang Banal na Espiritu upang taglayin ng mga sumulat ng mga Kasulatan (2 Pedro 1:19-21), at gayundin naman, Kanya ring ibinigay ang Banal na Espiritu upang manahan, pumuspos, gumabay at magbigay ng mga kaloob sa mga miyembro ng Kanyang iglesya upang magabayan ang kanyang iglesya sa pamamagitan ng tamang pagpapaliwanag ng Kayang mga nasulat na salita - ang Bibliya (1 Corinto 12; 14; Efeso 4:11-16). Hindi isang sorpresa kung bakit may mga kaguluhan at maling katuruan sa iglesya ngayon dahil nagbabala din ang Bibliya na lilitaw ang mga bulaang propeta at pipilipitin ang nasulat na Salita ng Diyos (2 Pedro 3:16) at ang mga bulaang gurong ito ay lalabas mula mismo sa loob ng iglesya (Gawa 20:30). Kaya nga, dapat na bumaling ang mga mananampalataya sa Diyos at sa Salita ng Kanyang Biyaya para sa gabay (Gawa 20:32), at kilalanin ang katotohanan na hindi sa kung sino ang nagtuturo kundi sa pamamagitan ng pagkukumpara ng mga turo sa Ebanghelyo na una nang tinanggap ng unang iglesya at ang parehong Ebanghelyo na naitala para sa atin sa Bibliya malalaman kung ang isang turo ay mula sa Diyos (Galacia 1:8-9; tingnan din ang Gawa 17:11).
English
Naaayon ba sa Bibliya ang doktrina ng Simbahang Katoliko na hindi nagkakamali ang Papa?