Tanong
Hindi ba nawawala ang kaligtasan ng mga mananampalataya sa Lumang Tipan?
Sagot
Ang sagot sa tanong kung nawawala ba ang kaligtasan ng mga mananampalataya sa Lumang Tipan ay katulad din ng sagot sa tanong kung nawawala din ba ang kaligtasan ng mga mananampalataya sa Bagong Tipan. Ang totoo, ang Diyos ay hindi nagbabago (Mga Bilang 23:19; Malakias 3:6) kung kaya’t hindi rin nababago ang kanyang handog na kaligtasan. Kung hindi nawawala ang kaligtsaan ng mga mananampalataya sa Bagong Tipan gayundin naman, hindi rin nawawala ang kaligtasan ng mga mananampalataya sa Lumang Tipan.
Ang kaligtasan noon pa man ay kaloob ng Diyos, dahil sa kagandahang loob at sa pamamagitan ng pananampalataya (Genesis 15:6; Roma 4:1-8; Efeso 2:8-9). Ang mga tao sa Lumang Tipan ay may pananagutang ipakita ang kanilang pananampalataya sa mga kapahayagan ng Diyos at magtiwala sa Kanya upang sila ay maligtas; ang kanilang pananampalataya ay makikita sa kanilang mga gawa. Subalit ngayon sa panahon ng Bagong Tipan, tayo ay may pananagutang ipakita ang ating pananampalataya sa ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo at magtiwala sa Kanya upang tayo ay maligtas; ang ating pananampalataya ay makikita sa pamamagitan ng mga gawa.
Maliwanag na sinasabi sa Biblia na ang kaloob ng Diyos ay hindi buhay na pansamantala lamang kundi buhay na walang hanggan (Roma 6:23). Ang kaligtasang kaloob ng Diyos ay hindi matatamo sa pagbabaka-sakali na kapag tayo ay nagsikap at hindi gumawa ng mga pagkakamali ay magkakamit na tayo ng buhay na walang hanggan. Ito ay hindi nakabatay sa ating mga ginawa o gagawin kundi sa pamamagitan lamang ng ginawa ni Cristo. Sa Hebreo 11 ay mababasa natin ang maraming halimbawa ng pananampalataya ng mga banal sa Lumang Tipan, kabilang na rin yong mga nakagawa ng malaking kasalanan dahil sa pagsuway at kawalan ng pananampalataya. Pinatutunayan nito na makakamtan nila ang pangako ng Diyos batay sa ginawa ni Cristo (Hebreo 11:39-40).
Mababasa rin natin na pinatutunayan sa Roma 8:38-39 ang walang hanggang seguridad: "Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan o ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan, ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon." Sa mga talatang ito ay tinitiyak ni Pablo sa mga anak ng Diyos na walang anumang bagay ang maaaring sumira ng kanilang kaugnayan sa Diyos ng kaligtasan.
Gayunman, ang makikita lamang na pagkakaiba ng Luma at Bagong Tipan ay ang paraan kung paano kumikilos ang Banal na Espiritu. Sa Bagong Tipan, ang Banal na Espiritu ay nananahan sa isang mananampalataya sa sandaling siya ay maligtas (1Corinto 12:13; Efeso 1:13-14). Ang panananahan na ito ay ipinangako ng Panginoong Jesus na magaganap pagkatapos ng Kanyang pag-akyat sa langit (Juan 14:17; 16:7; Juan 7:39). Ngunit sa Lumang Tipan ay hindi permanenteng nananahan ang Banal na Espiritu sa isang mananampalataya, kundi Siya ay dumarating lamang upang gawin ang layunin ng Diyos sa pamamagitan nila (Hukom 3:10; 14:19; 1 Samuel 10:10; 16:14; Awit 51:11). Ngunit hindi ito nangangahulugan na dahil umaalis at dumarating ang Espiritu Santo ay nawawala at bumabalik din ang kaligtasan ng mga mananampalataya noon. Tingnan natin ang Awit 51. Ang konteksto nito ay patungkol sa panalangin ng pagsisisi ni David sa kanyang kasalanan dahil sa ginawa niya kay Bathsheba. Ang sanggol na bunga ng makasalanang pagsisiping nila ay namatay, ngunit sinabi ni David na balang araw ay makakaparoon din sya sa lugar kung saan naroon ang sanggol (1 Samuel 12:16-23). Sa madaling salita ay naniniwala si David na balang araw ay makakapiling niya ang kanyang namayapang anak sa langit. Dahil dito natitiyak natin na hindi nawala ang kaligtasan ni David sa kabila ng kasalanang kanyang nagawa.
Sa pamamagitan ng pananampalataya, ang mga banal sa Lumang Tipan ay nakatingin at naghihintay sa Mesiyas na darating bilang tagapagligtas (Juan 8:56). Sila'y nagtiwala sa Diyos upang maligtas: "Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas, dinadala araw-araw, ang pasanin nating hawak. (Selah) Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas, si Yahweh ang Panginoon, Panginoon nating lahat! Sa bingit ng kamataya'y hinahango tayo agad" (Awit 68:19-20). Tayo naman ngayon ay nakatingin ng may pananampalataya sa ginawa ni Cristo na dumating upang tayo ay iligtas. Tayo rin ay nagtitiwala sa Diyos upang tayo ay maligtas. Ang mga banal sa Luma at Bagong Tipan ay nagtitiwala at umaasa na tapat ang Diyos sa kanyang pangako: “Si Yahweh ang inyong batong tanggulan, mga gawa niya'y walang kapintasan, mga pasya niya'y pawang makatarungan; siya'y Diyos na tapat at makatuwiran" (Deuteronomio 32:4). Tayo ay ligtas magpakailanman dahil sa Kanyang katapatan.
English
Hindi ba nawawala ang kaligtasan ng mga mananampalataya sa Lumang Tipan?