settings icon
share icon
Tanong

Kasalanan ba ang hindi pagbabasa ng Bibliya?

Sagot


Ang kasalanan ay anumang salita, pagiisip, motibo, o gawa na “hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos” (Roma 3:23). Ang kasalanan ay paglabag sa kautusan ng Diyos at paglaban sa Kanyang kalikasan at mga alituntunin.

Ang mismong katotohanan na ang Diyos ang kumasi sa kanyang salita at nagpreserba dito sa loob ng ilang siglo ang nagpapahiwatig na nais ng Diyos na ito ay ating basahin. Bakit magpapasulat ang Diyos ng isang aklat na hindi Niya gustong basahin ng mga tao?

Ang kasalanan ay naguumpisa sa puso at doon tumitingin ang Diyos (1 Samuel 16:7; Jeremias 17:10; Roma 8:27). Kung hindi tayo nagbabasa ng Bibliya dahil hindi tayo interesado sa mga sinasabi ng Diyos, tayo ay nagkakasala ng kawalan ng pagpapahalaga. Kung hindi natin binabasa ang Bibliya dahil iniisip natin na hindi natin ito kailangan, nagkakasala tayo ng pagmamataas. Kung hindi natin binabasa ang Bibliya dahil wala tayong oras at hindi natin itinuturing na ito ay mahalaga, nagkakasala tayo ng pagkakaroon ng maling prayoridad. Sinabi ni Jesus, “Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian ng Diyos” (Mateo 6:33). Sinabi din ni Jesus, “Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami” (Lukas 12:48). Inaasahan ng Diyos na maglalaan tayo ng panahon, kayamanan, pagnanasa, at paglingkod sa mga bagay na pangwalang hanggan. Ang mga taong may Bibliya gunit hindi naman iyon binabasa ay mananagot sa Kanya sa ginawa Niyang pagkakatiwala sa kanila nito.

Sa Awit 119 na patungkol sa Salita ng Diyos, ang mangaawit ay “natututo,” “isinasaalang-alang,” “nagiingat,” “nagpapahayag,” at “nagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos” (Awit119:6–8, 13, 15). Ang lahat ng mga gawaing ito ay nagpapahiwatig ng pagbabasa sa Bibliya, hindi lamang basta pagbabasa, kundi isang malalim na pagnanais na malaman ang Salita ng Diyos, maisapamuhay ito at maibahagi ito sa iba.

Bilang karagdagan sa halimbawa ng mangaawit, sinabihan din ang mga mananampalataya na “Sikaping maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tama ang paggamit sa salita ng katotohanan” (2 Timoteo 2:15). Dahil sa direktang utos na pagaralan ang Salita ng Diyos, lumalabas na ang hindi pagbabasa ng Bibliya ay isang kasalanan.

Ang pagbabasa at pagaaral ng Salita ng Diyos ang naghahanda sa atin upang humarap sa mga hamon ng buhay. Sa pag-iwas sa kasalanan ng hindi paggawa ng mabuti (hindi pagbabasa ng Bibliya), maiiwasan natin ang paggawa ng kasalanan: “Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan, upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman” (Awit 119:11). Nakakatulong ng malaki ang pagbabasa ng Bibliya sa paglagong espiritwal (1 Pedro 2:2).

“Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng puso” (Hebreo 4:12). Kailangan nating lahat ang pagsisiyasat sa Salita ng Diyos sa ating mga buhay. Kailangan nating magbasa ng Bibliya.

May responsibilidad ang mga Kristiyano na malaman ang Salita ng Diyos upang maipaliwanag nila ito ng tama sa mundo. Inuutusan tayo sa 1 Pedro 3:15 na laging maging handa para ipaliwanag sa iba ang pag-asa na mayroon tayo kay Cristo. Maraming katanungan ang mga hindi mananampalataya. Kung makatagpo sila ng isang Kristiyano na hindi alam ang kanyang Bibliya, aakalain ng nagtanong na walang sagot sa kanyang tanong, at ito ay hindi paglilingkod sa mga taong may katanungan.

Para sa nakararami, makakabasa sila ng Bibliya sa maraming kaparaanan. Isang kasalanan ang hindi pagpapahalaga sa mga pagkakataon na makarinig mula sa Diyos. Para sa mga hindi nag-aral o may problema sa pandinig, may mga Bibliya na nairekod (audio Bible) para kanilang marinig. Ang mga Bibliya na may paliwanag ay puno ng mga nakakatulong na komentaryo para tulungan tayong maunawaan ang mga sitas na mahirap maunawaan. Ang mga makabagong salin at mga salin na ipinaliwanag na para sa mga mambabasa ay nakakatulong para maging buhay sa ating panahon ang mga sinaunang sitwasyon para maintindihan natin ang Bibliya sa totoong konteksto nito. Mailalapat ang Santiago 4:17 sa ating pagbabasa ng Bibliya, “Ang nakakaalam ng mabuti na dapat niyang gawin ngunit hindi ito ginagawa ay nagkakasala.”

Kung nababahala tayo kung ang isang bagay ay kasalanan, kadalasan, nagtatanong tayo ng maling tanong. Ang mas magandang tanong ay ito: “Ano ang nais ni Jesus na ating gagawin?” Sa kanyang pinakamahabang panalangin na naitala sa Bibliya, hiniling ni Jesus sa Ama, “Ibukod mo sila para sa iyo sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ang katotohanan” (Juan 17:17). Kaya alam natin ang Kanyang sagot. Nais Niya na tayo ay mapabanal at makakamtan lamang natin iyon sa pamamagitan ng pagbabasa at pagsasapamuhay sa Salita ng Diyos. Ang pagpapabaya sa Bibliya ay hindi nakalulugod sa Kanya at dahil dito, nagiging mahina tayo sa mga pandaraya ng ating kaaway na si Satanas (1 Pedro 5:8).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kasalanan ba ang hindi pagbabasa ng Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries