settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa hindi pananalangin?

Sagot


Ang buhay panalangin ay ang buhay ng paglakad ng isang Kristiyano kasama ng Panginoon. Ikinokonekta tayo ng panalangin sa Diyos, at ito ang aktibong paraan upang ibigin at makisalamuha sa iba at nagbibigay daan upang ituwid ng Diyos ang puso ng nananalangin. Sinasabi sa Bibliya na “manalangin tayo ng walang humpay” (1 Tesalonicas 5:17), kaya ang hindi pananalangin ay isang kasalanan. Anumang bagay na nakahahadlang sa ating koneksyon sa Diyos o nagtutulak sa atin na magtiwala sa ating sariling kakayahan ay isang pagkakamali.

Maaari nating ituring ang ginawang aksyon nina Adan at Eba sa Genesis 3 na isang uri ng kawalan ng pananalangin. Kumain sila mula sa puno na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama sa kabila ng pagbabawal ng DIyos at nahiyang makipagusap sa Kanya ng dumating Siya upang katagpuin sila sa hardin. Nahiwalay sila sa Diyos dahil sa kanilang kasalanan; at naputol ang kanilang pakikipagugnayan sa Kanya. Ang ‘hindi pananalangin’ nina Adan at Eba ay kasalanan, at ito ay resulta ng kanilang sariling pagpapasya na sundin ang kanilang sariling kalooban.

Halimbawa, maaari mo bang ituring na isang matalik na kaibigan ang isang taong hindi nakikipagusap sa iyo? Anumang pagkakaibigan ang mayroon sa pagitan ninyo ay masisira. Gayundin naman, ang relasyon sa Diyos ay manlalamig at masisira kung walang ugnayang magaganap. Ang hindi pananalangin ay salungat sa isang maayos na relasyon sa Diyos. Ang tiyak, magkakaroon ang mga anak ng Diyos ng natural na pagnanais na makipagugnayan sa Diyos. “Oh Panginoon, sa kinaumagaha’y didinggin Mo ang aking tinig; sa kinaumagahan ay aayusin ko ang aking dalangin sa Iyo, at magbabantay ako” (Awit 5:3). Ang utos sa Bibliya na manalangin ay sinamahan ng kahanga-hangang pangako: “Ang Panginoon ay malapit sa lahat na nagsisitawag sa Kanya, sa lahat na nagsisitawag sa Kaniya sa katotohanan” (Awit 145:18).

Si Kristo ang pinakamagandang modelo sa pananalangin. Siya mismo ay isang lalaki ng panalangin (tingnan ang Lukas 3:21; 5:16; 9:18, 28; 11:1), at tinuruan Niya ang Kanyang mga tagasunod na manalangin (Lukas 11:2–4). Kung nakita ng Anak ng Tao ang kahalagahan ng personal na pananalangin, gaano pa kaya ang pangangailangan natin nito?

Ipinagwawalang bahala ng hindi pananalangin ang pribilehiyo ng pamamagitan para sa iba na ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Tinawag tayo upang manalangin para sa ating mga kapatid kay Kristo (Santiago 5:16). Laging hinihiling ni Pablo sa mga mananampalataya ang pananalangin para sa kanya at sa kanyang ministeryo (Efeso 6:19; Colosas 4:3; 1 Tesalonica 5:25), at naging tapat din siya sa pananalangin para sa kanila (Efeso 1:16; Colosas 1:9). Nakita ni Propeta Samuel na isang mahalagang bahagi ng kanyang ministeryo ang pananalangin para sa bayan ng Diyos: “Saka sa ganang akin, malayo nawang sa akin na ako’y magkasala laban sa Panginoon sa paglilikat ng pananalangin dahil sa inyo: kundi ituturo ko sa inyo ang mabuti at matuwid na daan” (1 Samuel 12:23). Ayon kay Samuel, kasalanan ang hindi pananalangin.

Ang hindi pananalangin ay pagsalangsang sa utos ng Diyos na ibigin ang iba. At hindi lamang tayo dapat manalangin para sa mga taong madaling ipanalangin. “Una-una nga sa lahat ng mga bagay, ay iniaaaral ko na manaing, manalangin, mamagitan, at magpasalamat na patungkol sa lahat ng mga tao” (1 Timoteo 2:1). Sinabi sa atin ni Hesus na dapat din nating ipanalangin ang mga umuusig sa atin (Mateo 5:44). Ito ang mensahe ni Kristo, ang ibigin at suportahan ang bawat isa sa panalangin, maging ang mga taong mahirap ibigin.

Ang panalangin ay nagbibigay daan sa pagtutuwid sa atin ng Diyos. Pinahihina ng hindi pananalangin ang ating kakayahan na pakinggan si Kristo sa tuwing itinutuwid tayo ng Banal na Espiritu. Ipinapaalala sa atin sa Hebreo 12:2 na si Kristo ang “gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya.” Kung hindi dahil sa Banal na Espiritu na nananahan sa ating mga puso, mahihirapan tayong kumilala sa kung ano ang ayon at hindi ayon sa kalooban ng Diyos. Habang nananalangin tayo na masunod ang kalooban ng Diyos “dito sa lupa na gaya ng sa langit” (Mateo 6:10), nahahayag ang ating kalooban na hindi ayon sa kalooban ng Diyos.

Nagaalok ang Mateo 26:41ng isa pang pagpapalakas ng loob: “Magbantay kayo at manalangin upang huwag madaig ng tukso.” Pinagdidilim ng hindi pananalangin ang ating mga puso upang hindi makita ang mga tukso sa ating paligid na nagiging dahilan ng pagkakasala. Nakikita lamang natin ang nasa ng ating mga puso sa pamamagitan ng iluminasyon at direksyon ng Banal na Espiritu at sa pamamagitan lamang ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang maging epektibo ang ating mga panalangin (tingnan ang Roma 8:26–27).

Ang panalangin ang ating buhay at koneksyon sa Diyos. Ipinakita ni Hesus ang kabaliktaran ng hindi pananalangin sa Kanyang paglakad dito sa mundo at ipinakita ang isang buhay na puno ng panalangin.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa hindi pananalangin?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries