Tanong
Paano ako maniniwala na ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kung iisa lamang ang pagtukoy sa salitang “pananampalataya lamang” sa Bibliya (Santiago 2:24)?
Sagot
Totoo na iisa lamang ang talata sa Bibliya na naglalaman ng eksaktong parirala na “pananampalataya lamang” at tila sumasalungat pa sa katuruan ng kaligtasan sa pamamagitan lamang ng pananampalataya . Mababasa sa Santiago, “Nakikita ninyo na sa pamamagitan ng mga gawa'y inaaring ganap ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.” Gayunman, may dalawang problema sa pagtanggi sa katuruan na ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya ayon sa talatang ito. Una, ang konteksto ng Santiago 2:24 ay hindi laban sa doktrina ng kaligtasan sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. Ikalawa, hindi kailangan na maglaman ng eksaktong parirala ang isang talata upang malinaw na maituro na ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya.
Ang Santiago 2:14-26, partikular ang talatang 24, ay naging paksa ng mga nakalilitong interpretasyon. Ang talatang ito ang tila dahilan ng seryosong problema sa konsepto ng kaligtasan sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. Una, dapat nating linawin ang maling pagaakala na ang tinutukoy ni Santiago na “pagpapawalang sala” sa Santiago 2:24 ay pareho sa “pagpapawalang sala” na tinutukoy ni Pablo sa Roma 3:28. Ginamit ni Pablo ang salitang “pinawalang sala” upang tukuyin ang salitang “idineklarang makatuwiran ng Diyos.” Tinutukoy ni Pablo ang legal na deklarasyon sa atin ng Diyos bilang mga taong matuwid sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng katuwiran ni Kristo. Ginamit naman ni Santiago ang salitang “pinawalang sala” na ang kahulugan ay “pinatutunayan o inilalarawan.”
Maaaring isalin ang Santiago 2:24 sa ganitong paraan: “Nakikita ninyo na ang isang tao ay maituturing na matuwid sa pamamagitan ng kanilang ginagawa hindi sa pananampalataya lamang” (dinagdagan ng diin). O, “Kaya maipapakita natin na tayo ay matuwid sa harapan ng Diyos dahil sa ating gawa, hindi dahil sa ating pananampalataya lamang” (dinagdagan ng diin). Ang buong Santiago 2:14-26 ay tungkol sa pagpapatunay sa katotohanan ng pananampalataya sa pamamagitan ng mga gawa. Ang tunay na kaligtasan na nararanasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo ay tiyak na magbubunga sa mabubuting gawa (Efeso 2:10). Ang mga gawa ay demonstrasyon at katibayan ng pananampalataya (Santiago 2:18). Ang pananampalatayang walang gawa ay walang kabuluhan (Santiago 2:20) at patay (Santiago 2:17); sa ibang salita, hindi ito tunay na pananampalataya sa umpisa pa lamang. Ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya, ngunit ang pananampalatayang iyon ay may kasamang gawa.
Habang ang Santiago 2:24 ang tanging talata na naglalaman ng eksaktong salitang “pananampalataya lamang,” marami pang ibang mga talata ang sa katotohanan ay nagtuturo na ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. Ang anumang talata na ikinakabit sa pananampalataya ang kaligtasan ng walang anumang binanggit na karagdagan ay deklarasyon na ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. Idineklara sa Juan 3:16 na ang kaligtasan ay ipinagkakaloob sa “sinumang sumasampalataya” sa Kanya. Sinasabi sa Gawa 16:31, “Sumampalataya ka sa Panginoong Hesu Kristo at maliligtas ka.” Sinasabi sa Efeso 2:8-9, “Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios.” Tingnan din ang Roma 3:28; 4:5; 5:1; Galacia 2:16; 3:24; Efeso 1:13; at Filipos 3:9. Marami pang ibang mga talata ang maaaring tukuyin bilang karagdagan sa mga ito.
Sa pagbubuod, hindi sinasalungat ng Santiago 2:24 ang konsepto ng kaligtasan sa pamamagitan lamang ng pananampalataya . Sa halip, kinokontra nito ang kaligtasan na hindi kinakikitaan ng mabubuting gawa at pagsunod sa utos ng Diyos (Santiago 2:18). Wala man ang eksaktong salitang “pananampalataya lamang,”sa Bagong Tipan, itinuturo nito na ang kaligtasan ay sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. “Kaya nga saan naroon ang pagmamapuri? Ito'y inihiwalay na. Sa pamamagitan ng anong kautusan? ng mga gawa? Hindi: kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya” (Roma 3:27). Walang ibang kundisyon sa kaligtasan. English
Paano ako maniniwala na ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kung iisa lamang ang pagtukoy sa salitang “pananampalataya lamang” sa Bibliya (Santiago 2:24)?