Tanong
Ako ay isang Hindu, bakit ko ikukunsidera na maging isang Kristiyano?
Sagot
Mahirap pagkumparahin ang Hinduismo at Kristiyanismo, sa isang banda, dahil ang Hinduismo ay isang relihiyon na mahirap maunawaan ng mga nasa Kanluran. Kinakatawan nito ang isang mayamang kasaysayan at malawak na teolohiya. Maaaring walang ibang relihiyon sa mundo ang kasing kumplikado ng Hinduismo. Ang pagkukumpara sa Kristiyanismo at Hinduismo ay madaling makapagpasuko sa isang baguhan sa pagaaral ng mga relihiyon. Kaya ang kasagutan sa katanungan ay dapat na dumaan sa masusi at mapagpakumbabang pagaaral. Ang kasagutang aming ibinibigay ay hindi nagmula sa isang pagkukunwari na nalalaman namin ang lahat ng bagay tungkol sa Hinduismo o ipinagpapalagay namin na may napakalalim kaming pangunawa sa Hinduismo sa anumang kaparaanan. Ang sagot sa katanungan sa itaas ay sa pamamagitan ng pagkukumpara sa ilang mga puntos sa pagitan ng dalawang relihiyon sa pagtatangka na ipakita na ang paniniwala ng Kristiyanismo ang karapat dapat sa konsiderasyon.
Una, ang Kristiyanismo ang relihiyon na karapatdapat ikonsidera dahil sa pagiging makatotohanan at makasaysayan nito. Ang Kristiyanismo ay nag-ugat sa makasaysayang mga pangyayari at mga karakter na maaaring patunayan sa pamamagitan ng Siyensya katulad ng arkelohiya at kritisismong tekstwal. May kasaysayan din ang Hinduismo, ngunit ang teolohiya, mitolohiya at kasaysayan nito ay laging malabo at napakahirap na malaman kung saan magsisimula at magtatapos ang isang nagaaral nito. Malayang tinatanggap sa Hinduismo ang mitolohiya na nagtataglay ng napakarami at masasalimuot na kuwento na ginagamit ipang ipaliwanag ang mga personalidad at kalikasan ng mga diyos. Ang Hinduismo ay may taglay na kakayahan na iangkop ang katuruan nito sa isang kultura dahil sa kalabuan ng kasaysayan nito. Ngunit kung kailan hindi ayon sa kasaysayan ang isang relihiyon, hindi rin ito madaling ikritiko dahil hindi ito mapapabulaanan sa pamamagitan ng kasaysayan. Ang literal na kasaysayan ng mga Hudyo ng tradisyong Kristiyano ang nagpapatunay sa teolohiya ng Kristiyanismo. Kung hindi totoong nabuhay si Adan at Eba sa kasaysayan, o kung hindi totoong lumabas ang bansang Israel mula sa Ehipto, o kung kathang isip lamang ang kuwento tungkol kay Jonah o kung hindi totoong lumabas si Hesus sa kasaysayan ng mundo, babagsak ang katotohanan ng Kristiyanismo. Para sa Kristiyanismo, ang isang huwad na kasaysayan ay nangangahulugan ng isang maling teolohiya. Kaya nga, ang pagiging nakaugat ng Kristiyanismo sa kasaysayan ang maaaring maging kahinaan nito ngunit sa halip, ito ang naging kalakasan ng Kristiyanismo dahil napatunayan sa kasaysayan ang lahat ng mga tradisyong Kristiyano.
Ikalawa, habang parehong may kinikilalang susing personalidad ang Kristiyanismo at Hinduismo, si Hesus lamang ang kaisa isang lider ng relihiyon na nabuhay na mag-uli mula sa mga patay. Maraming tao sa kasaysayan ang matatalinong guro o nakapagsimula ng mga relihiyon. Mayroon ding mga matatalinong guro at pinuno ang Hinduismo. Ngunit si Hesus ay natatangi sa lahat. Ang Kanyang espiritwal na katuruan ay kinumpirma ng mga pagsubok na tanging isang personalidad na may katangian ng pagiging Diyos lamang ang maaaring makapasa. Ang Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ay isang katotohanan na matagal ng inihula at Kanya mismong ginanap sa Kanyang sarili (Mateo 16:21; 20:18-19; Markosos 8:31; 1 Lukas 9:22; Juan 20-21; 1 Corinto 15).
Gayundin naman, ang doktrina ng Kristiyanismo tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ay ibang iba sa doktrina ng Hinduismo na tinatawag na reinkarnasyon. Hindi magkatulad ang dalawang ideyang ito. Ang pagkabuhay lamang na muli ang tanging mapapatunayan sa pamamagitan ng pagaaral at ng mga ebidensya sa Kasaysayan. Ang pagkabuhay na mag-uli ni Hesu Kristo ay sinasang-ayunan ng mga iskolar ng Bibliya at maging ng mga sekular na iskolar. Ang pagpapatunay sa mga ito ay walang kaugnayan sa doktrina ng reinkarnasyon ng Hinduismo. Narito ang mga pagkakaiba:
Ang proseso ng pagkabuhay na mag-uli ay kinapapalooban ng iisang kamatayan, iisang katawan, iisang buhay at ng iisang bago, niluwalhati at walang kamatayang katawan. Ang pagkabuhay na mag-uli na magaganap sa pamamagitan ng kapangyarihan ng nagiisang Diyos ay ang kalayaan mula sa kasalanan at magaganap sa pagwawakas ng panahon. Sa kabilang banda, ang proseso ng reinkarnasyon ay kinapapalooban naman ng maraming kamatayan, maraming buhay, maraming mortal na katawan at walang pagkabuhay na mag-uli ng katawan. Bukod sa paniniwala ng Hinduismo na ang lahat ng bagay ay diyos (panteismo), pinaniniwalaan din nila na ang reinkarnasyon ay nagaganap sa pamamagitan ng natural na batas ng kalikasan at ang basehan nito ay ang tinatawag na “karma.” Oo nga’t ang paglilista ng mga pagkakaiba ay hindi makakapagpatunay o makakapagpabulaan sa dalawang paniniwala, gayunman, kung ang pagkabuhay na mag-uli ay mapapatunayan sa pamamagitan ng kasaysayan, ang naghihiwalay sa dalawang paniniwalang ito ay ang mga napatunayang salaysay ng Kristiyanismo at ang mga hindi napatunayang salaysay ng Hinduismo. Ang pagkabuhay na mag-uli ni Kristo at ang doktrina ng Kristiyanismo ay higit na karapatdapat sa ating konsiderasyon.
Ikatlo, ang Kasulatan ng mga Kristiyano ay kahanga-hanga sa kasaysayan at karapatdapat sa seryosong konsiderasyon. Sa ilang mga pagsubok, nahigitan ng Bibliya ang Vedas ng mga Hindu at ang lahat ng iba pang mga sinaunang aklat. Maaaring sabihin pa nga na ang mga kasaysayan sa Bibliya ay sobrang nakakakumbinsi na ang pagdududa sa Bibliya at katumbas ng pagdududa sa mismong kasaysayan, dahil ito ang pinatutunayan ng kasaysayan sa lahat ng sinaunang aklat. Ang tanging aklat na mapapatunayan sa kasaysayan bukod sa Lumang Tipan (ang Bibliya ng mga Hebreo) ay ang Bagong Tipan. Isaalang-alang ang mga sumusunod:
1) Mas maraming manuskrito o kopya ng Bagong Tipan ang umiiral sa kasalukuyan higit sa alinman sa mga sinaunang aklat – 5,000 sinaunang manuskritong Griyego, 24,000 lahat, kasama ang salin sa ibang mga wika. Ang napakaraming kopyang ito ang basehan ng napakaraming pagsasaliksik at maaari nating ikumpara ang mga teksto sa bawat isa at ihambing sa mga sinabi sa orihinal na salin.
2) Ang mga manuskrito ng Bagong Tipan ay napakalapit sa edad ng mga orihinal na kopya kaysa sa alinmang sinaunang aklat sa kasaysayan. Ang lahat ng mga orihinal na sulat ay isinulat sa panahon ng mga personal na saksi noong unang siglo at sa ngayon, mayroon tayo ng mga bahagi ng mga manuskrito na isinulat noong 125 AD. Ang mga buong kopya ng Bagong Tipan ay lumitaw noong 200 AD at ang kumpletong Bagong Tipan mismo ay ginawa noong 250 AD. Ang pagkasulat sa lahat ng aklat ng Bagong Tipan sa mismong panahong nabuhay ang mga saksi ay nangangahulugan na hindi sila nagkaroon ng panahon para lumikha ng mga mitolohiya at alamat. Dagdag pa rito, ang mga katotohanan na kanilang inaangkin ay pinatutunayan din ng ibang miyembro ng Iglesia na mga personal ding saksi at makakapagpatotoo sa katotohanan ng mga pangyayari.
3) Ang mga dokumento ng Bagong Tipan ay napakaeksakto kaysa sa ibang sinaunang aklat. Sa kanyang aklat na pinamagatang “Honest to God,” iniulat ni Juan R. Robinson na ang mga dokumento ng Bagong Tipan ay 99.9 % eksakto at tama sa kasaysayan (pinakaeksakto sa lahat ng kumpletong sinaunang aklat). Sinabi naman ng isang eksperto sa Bagong Tipan sa salitang Griyego na nagngangalang Bruce Metzger na ang Bagong Tipan ay 99.5 % na eksakto sa kasaysayan.
Ikaapat, ang paniniwala ng mga Kristiyano sa iisang Diyos ay mas maraming kapakinabangan kaysa sa panteismo (paniniwala na ang lahat ng mga bagay ay diyos) at politeismo (paniniwala sa pagkakaroon ng maraming diyos). Hindi magiging parehas kung ilalarawan ang Hinduismo bilang isang relihiyong naniniwala sa panteismo o politeismo. Depende ito sa sekta ng Hinduismo kung saan kabilang ang isang tao. Maaaring ang isang Hindu ay naniniwala sa panteismo, politeismo o monoteismo (“ang lahat ay iisa”), o iba pang opsyon. Gayunman, ang dalawang pinakamalakas na sekta sa Hinduismo ay politeismo at panteismo. May malaking bentahe ang Kristiyanong monoteismo sa dalawang ito. Dahilan sa maliit na espasyo, ang tatlong pananaw na ito tungkol sa Diyos ang aming pagkukumparahin sa isa lamang puntos – sa Prinsipyo ng Moralidad.
Parehong may kwestyonableng basehan ang politeismo at panteismo. Sa politeismo, kung totoong maraming diyos, aling diyos ngayon ang magiging pinakapangunahing basehan ng etika o mabubuting gawa upang sundin ng tao? Kung maraming diyos, kundi man nagsasalungatan o hindi nagsasalungatan ang kanilang sistema ng etika, maaaring wala silang etika. Kung hindi tunay na umiiral ang mga diyos na ito, wala ngayong basehan at isang imbento lamang ang kanilang prinsipyo ng moralidad. Kitang kita ang kahinaan ng posisyong ito. Kung ang kanilang prinsipyo ng moralidad ay hindi nagkakasalungatan, sa anong prinsipyo ngayon ang mga ito nakalinya? Kanino man nakalinya ang prinsipyo, tiyak na higit ito sa mga diyus diyusan. Ang mga diyus diyusan ay hindi pinakamataas na pinanggagalingan ng moralidad dahil nasa ilalim sila ng ibang awtoridad. Kaya nga may isang mas mataas na katotohanan kung saan sila sumusunod. Ang katotohanang ito ang nagpapababaw sa politeismo kundi man nagpapahungkag sa ideyang ito. Sa ikatlong opsyon, kung ang mga diyos ay nagkakaiba-iba ang pamatayan ng tama at mali, lalabas na ang pagsunod sa isang diyos ay pagsuway naman sa iba pa, at nagaanyaya ng kaparusahan mula sa ibang “diyos.” Magiging pabagu-bago ngayon ang prinsipyo ng moralidad. Hindi nangangahulugan na ang mabuti para sa isang diyos ay mabuti rin para sa ibang diyos sa pangkalahatan. Halimbawa, ang paghahandog ng isang bata kay “Kali” ay maaaring katanggap tanggap sa isang sekta ng Hinduismo ngunit maaaring hindi katanggap tanggap para sa ibang sekta nito. Ngunit tiyak na hindi talaga katanggap-tanggap ang paghahandog ng bata kung tutuusin. May mga bagay na hindi talaga katanggap tanggap sa anumang kadahilanan kung paiiralin lamang ang karaniwang pagiisip.
Hindi nakahihigit ang Panteismo kaysa sa Politeismo dahil sinasang ayunan nito ang isang bagay - ang katotohanan tungkol sa diyos at dahil dito, walang distinksyon ang mga panteista sa pinakamataas na pamantayan ng mabuti at masama. Kung ang “mabuti” at “masama” ay magkaiba, lalabas na walang nagiisa at hindi makasalungat na realidad. Maghahalo ang mabuti at masama sa isang hindi mapaghihiwalay na realidad. Hindi pinapayagan ng Panteismo ang pagkakaiba sa moralidad ng mabuti at masama at kung may magagawa mang pagkakaiba sa mabuti at masama, ang konteksto ng karma ang magpapawalang bisa sa konteksto ng pagkakaiba sa moralidad na iyon. Ang karma ay isang hindi personal na prinsipyo na gaya ng natural na batas ng kalikasan, halimbawa ay ang gravity at inertia. Sa tuwing naiimpluwensyahan ng karma ang makasalanang kaluluwa, hindi ang pagpaparusa ng Diyos ang nagdadala ng hatol, sa halip, ito ay isang reaksyon ng kalikasan. Ngunit ang moralidad ay nangangailangan ng personalidad – personalidad na hindi maibibigay ng karma. Halimbawa, hindi natin sinisisi ang latigo na ginamit sa pagpalo sa isang tao. Ang latigo ay isa lamang bagay na walang kakayahan na makaalam ng mabuti at masama. Sa halip, sinisisi natin ang tao na gumagamit ng latigo sa pangaabuso sa iba. Ang taong iyon ay may kakayahang umunawa ng mabuti at masama at may obligasyong moral. Gayundin naman, kung ang karma ay isang hindi personal na kalikasan, wala itong moralidad at hindi sapat na basehan para sa prinsipyo ng moralidad.
Sa kabilang dako, nag-ugat ang prinsipyo ng moralidad ng monoteismong Kristiyano sa persona ng Diyos. Ang karakter ng Diyos ay mabuti at dahil dito, ang sumasang-ayon sa Kanya at sa Kanyang kalooban ang matatawag lamang na “mabuti.” Ang lumalaban sa Diyos at sa Kanyang kalooban ang matatawag na “masama.” Kaya nga, ang nagiisang Diyos ang pinakamataas na basehan ng prinsipyo ng moralidad at ito ang nagbibigay daan sa isang personal na basehan ng moralidad at nagbibigay hustisya sa isang walang kinikilingang kaalaman tungkol sa mabuti at masama.
Panglima, nananatili ang katanungang “ano ang iyong gagawin sa iyong kasalanan?” Ang Kristiyanismo lamang ang may pinakamagandang sagot sa problemang ito. Ang Hindusimo, gaya ng Budismo, ay may dalawang ideya tungkol sa kasalanan. Minsan, ang kasalanan ay karaniwang inuunawa na “kawalan ng kaalaman.” Isang kasalanan para sa Hinduismo na hindi makita o maunawaan ang realidad ayon sa pagpapakahulugan ng Hinduismo. Ngunit nananatili pa rin ang ideya ng isang maling moralidad na tinatawag na “kasalanan.” Ang tahasang paggawa ng kasamaan, at pagsuway sa isang espiritwal o panlupang batas o ang pagnanais ng mga bagay na mali ay matatawag na “kasalanan.” Ngunit ang moral na kahulugan ng kasalanan ay isang kamaliang moral na nangangailangan ng katubusan. Ang tanong ay, “Saan ngayon manggagaling ang katubusan?” “Ang katubusan ba ay darating sa pamamagitan ng pagsunod sa mga prinsipyo ng karma?” Ang problema, ang karma ay hindi personal at hindi rin moral. Sa doktrina ng karma, maaaring gumawa ang isang tao ng mabuti upang mapanatili ang balanse ng buhay ngunit walang taong makakapagalis ng kanyang kasalanan kailanman. Ni hindi nagbibigay ang karma ng konteksto upang masabi na ang isang hindi tamang moralidad ay tunay ngang imoral. Mayroon ba tayong pinagkasalahan kung magkasala tayo ng isang pribadong kasalanan, halimbawa? Walang magiging basehan ang karma dahil ang karma ay hindi isang persona. Halimbawa, ipagpalagay natin na pinatay ng isang tao ang anak ng isang lalaki. Maaaring hindi siya magbigay ng pera, ari-arian, o ibigay ang kanyang sariling anak sa kanyang pinagkasalahan. Ngunit hindi niya kayang buhaying muli ang kanyang pinatay. Walang anumang halaga ang magiging karapatdapat na kapalit ng kasalanang iyon. Ang katubusan ba ay darating sa pamamagitan ng pananalangin at debosyon sa isang Shiva o Vishnu? Kahit na nagaalok pa ng kapatawaran ang mga karakter na ito, tila ang kasalanan ay isa pa ring utang na kinakailangang bayaran. Maaaring patawarin nila ang kasalanan na parang walang anumang nangyari at dalhin ang nagkasala sa lugar ng kasiyahan ngunit ito ay kawalan ng hustisya.
Sa kabilang dako, itinuturing ng Kristiyanismo ang kasalanan na isang pagkakasalang moral laban sa nagiisa, pinakamataas at isang personal na Diyos. Magmula pa kay Adan, ang mga tao ay makasalanan ng nilalang. Ang kasalanan ay isang realidad, at ito ang naghihiwalay sa tao at sa walang hanggang estado ng kasiyahan. Ngunit hindi ito maaaring takpan ng sapat na dami o mas maraming mabubuting gawa. Kung ang isang tao ay gumawa ng kabutihan na sampung beses na mas marami sa kanyang masasamang gawa, ang taong iyon ay mananatili pa ring makasalanan. Ano ang mangyayari sa kanyang natitirang masasamang gawa? Sila ba ay pinatawad na at hindi na mahalaga ang kanilang natitirang kasamaan? Sila ba ay pahihintulutan sa lugar ng kasiyahan? Ang mga kasalanang ito ba ay ilusyon lamang at dahil dito wala naman pala talagang problema? Wala sa mga pagpipiliang ito ang katanggap tanggap. Tungkol sa ilusyon, ang kasalanan ay totoong totoo kaya hindi maaaring isipin na ito ay isa lamang ilusyon. Tungkol sa pagiging makasalanan, kung tapat tayo sa ating sarili, alam natin na tayong lahat ay nagkasala. Tungkol sa pagpapatawad, ang simpleng pagpapatawad sa kasalanan ng walang kabayaran ay pagtrato sa kasalanan na wala itong konsekwensya. Alam natin na ito ay mali. Tungkol sa estado ng kasiyahan, hindi ito magiging kasiya-siya kung makapapasok doon ang kasalanan. Tila iniiwanan tayo ng karma ng kasalanan sa ating mga puso at ng isang pagdududa na ating nasuway ang isang ganap na pamantayan ng mabuti at masama. At hindi ipagwawalang bahala ng estado ng kasiyahan ang ating mga kasalanan kung hindi, titigil ito sa pagiging perpekto at pagiging masaya sa ating pagpasok doon.
Sa kabilang dako, sa Kristiyanismo, ang lahat ng kasalanan ay pinarurusahan, at ang poot ng Diyos ay napawi sa pamamagitan ng personal na paghahandog ng Diyos Anak ng Kanyang sarili upang mamatay sa krus. Naging tao ang Diyos, namuhay bilang banal at namatay para sa mga karapatdapat sa kamatayan. Ipinako Siya sa krus para sa mga makasalanan. Siya ang ating kahalili, ang pantakip at ang katubusan sa ating mga kasalanan. Nabuhay Siyang mag-uli at pinatunayan na hindi Siya maaaring gapiin ng kamatayan. Gayundin, ipinangako Niya ang parehong pagkabuhay na mag-uli sa buhay na walang hanggan para sa lahat ng mga nananampalataya sa Kanya bilang kanilang tanging Tagapagligtas at Manunubos (Roma 3:10, 23; 6:23; 8:12; 10:9-10;Efeso 2:8-9; Filipos 3:21).
Panghuli, sa Kristiyanismo, maaaring matiyak ng tao ang kanyang kaligtasan. Hindi tayo dapat magtiwala sa mga kakaiba o kakatwang karanasan, o sa ating sariling mabubuting gawa o sa ating maalab na meditasyon, o ilagak man ang ating pananampalataya sa isang huwad na diyos na pinagsisikapang paniwalaan na mayroon kahit wala. Maroon tayong isang buhay na Diyos, isang pananampalataya na naka-angkla sa kasaysayan at sinubok na mga kapahayagan ng Diyos sa Bibliya, isang aklat na may kasiya-siyang teolohiya na siyang basehan ng prinsipyo ng moralidad at ng isang tiyak na tirahan sa langit kasama ang Diyos.
Kaya, ano ang kahulugan nito para sa iyo? Si Hesus ang pinakamataas na realidad! Si Hesus ang perpektong handog para sa ating mga kasalanan. Nagaalok ang Diyos ng kapatawaran at kaligtasan para sa lahat ng mga tatanggap sa Kanyang kaloob (Juan 1:12) at mananampalataya na si Hesus ang Tagapagligtas na nagalay ng Kanyang sariling buhay para sa atin – na Kanyang mga kaaway. Kaya ng Diyos na patawarin ang iyong mga kasalanan, linisin ang iyong kaluluwa, gawing bago ang iyong espiritu, bigyan ka ng masaganang buhay sa mundong ito at ng walang hanggang kasiyahan sa kabilang buhay sa langit. Paano natin tatanggihan ang napakahalaga at kahanga hangang regalong ito? Paano tayo tatalikod sa Diyos na umibig sa atin ng gayon na lamang na sukat na ibigay ang Kanyang Anak upang mamatay para sa atin?
Kung hindi ka nakatitiyak sa iyong pinaniniwalaan, inaanyayahan ka namin na manalangin sa Diyos ng ganito: “Diyos, tulungan Mo po ako na malaman kung ano ang katotohanan at kung ano ang kamalian. Tulungan Mo po ako na malaman ang tamang daan patungo sa kaligtasan.” Pinahahalagahan ng Diyos ang ganitong uri ng panalangin.
Kung nais mong tanggapin si Hesus bilang iyong Tagapagligtas, sabihin sa Kanya na nais mong tanggapin ang regalong kaligtasan sa pamamagitan ni Hesus. Kung nais mong manalangin sa Diyos narito ang isang halimbawa ng panalangin. Hindi makapagliligtas ang panalanging ito. Ito ay isa lamang halimbawa. Sabihin mo sa Diyos, “Diyos, salamat po sa Iyong pag-ibig sa akin. Salamat sa Iyong pagsasakripisyo para sa akin. Salamat sa pagkakaloob mo sa akin ng kapatawaran at kaligtasan.Tinatanggap ko po ang iyong kaloob na kaligtasan. Tinatanggap ko po si Hesus bilang aking Tagapagligtas. Amen!” English
Ako ay isang Hindu, bakit ko ikukunsidera na maging isang Kristiyano?