settings icon
share icon
Tanong

Bakit inaasahan at hinihingi ng Diyos ang ating pagsamba?

Sagot


Ang pagsamba ay ang “pagbibigay ng parangal, pagpupuri , paggalang, pagpipitagan at pagluwalhati sa isang mas nakatataas.” Inaasahan ng Diyos ang pagsamba dahil Siya at Siya lamang ang karapatdapat para dito. Siya lamang ang banal at tunay na karapatdapat sa pagsamba. Hinihingi Niya na kilalanin natin ang Kanyang kadakilaan, ang Kanyang kapangyarihan, at ang Kanyang kaluwalhatian. Sinasabi sa Pahayag 4:11, “Aming Panginoon at Diyos! Karapat-dapat kang tumanggap ng papuri, karangalan, at kapangyarihan; sapagkat ikaw ang lumalang sa lahat ng bagay, at ayon sa iyong kagustuhan, sila'y nilalang mo at pinapanatili.”

Nilikha lamang tayo ng Diyos at hindi natin Siya dapat na suwayin. “Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin. “Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi” (Exodo 20:3-5). Dapat nating maunawaan na ang paninibugho ng Diyos ay hindi isang makasalanang paninibugho na tulad sa ating nararanasan bilang tao na itinutulak ng ating pagmamataas. Ang paninibugho ng Diyos ay banal at makatwiran dahil hindi Niya hahayaan na ang kaluwalhatiang sa Kanya lamang nararapat ay iukol ng tao sa iba.

Inaasahan ng Diyos na atin Siyang sasambahin bilang kapahayagan ng ating paggalang at pasasalamat sa Kanya. Ngunit inaasahan din ng Diyos na magiging masunurin tayo sa Kanya. Hindi lamang Niya ninanais na ibigin natin Siya; ninanais din Niya na magiging makatwiran tayo sa ating pakikitungo sa isa’t isa at ipakita ang ating pag-ibig at kahabagan sa iba. Sa ganitong paraan, maihahandog natin ang ating sarili sa Kanya bilang isang handog na buhay, banal at kalugod-lugod sa Kanya. Ito ang nakaluluwalhati sa Diyos at ang ating “karampatang pagsamba” (Roma 12:1). Kung sinasamba natin ang Diyos ng may bukas at masunuring puso at may nagsisising espiritu, naluluwalhati Siya, napapaging banal ang mga Kristiyano, napatitibay ang iglesya at naeebanghelyo ang mga naliligaw. Ang lahat ng ito ay mga sangkap ng tunay na pagsamba.

Ninanais din ng Diyos na atin Siyang sambahin dahil ang ating walang hanggang hantungan ay nakasalalay sa ating pagsamba sa tunay at buhay na Diyos. Inilalarawan sa Filipos 3:3 ang tunay na iglesya, ang kalipunan ng mga mananampalataya ni Hesu Kristo na ang hantungan ay sa walang hanggang kalangitan. “Tayo ang tumanggap ng tunay na pagtutuli, tayong mga sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Ang ipinagmamalaki natin ay ang ating buhay kay Cristo Jesus. Hindi tayo umaasa sa mga panlabas na seremonya.” Sa ibang salita, ang iglesya ay natatangi sa kanyang pagkakakilanlan bilang bayan ng Diyos, ngunit hindi sa pamamagitan ng pisikal na pagtutuli. Ang iglesya ay binubuo ng mga sumasamba sa Diyos sa kanilang espiritu na nagagalak kay Hesu Kristo at hindi nagtitiwala sa kanilang sariling kakayahan para sa kanilang kaligtasan. Ang mga taong hindi sumasamba sa tunay at buhay na Diyos ay hindi sa Kanya, at ang kanilang walang hanggang hantungan ay sa apoy ng impiyerno. Nguni t ang mga tunay na mananampalataya ay nakikilala sa pamamagitan ng kanilang pagsamba sa Diyos, at ang kanilang walang hanggang tahanan ay sa langit kasama ng Diyos na kanilang sinasamba at pinagpipitaganan.

Inaasahan, hinahanap at hinihingi ng Diyos ang ating pagsamba dahil Siya lamang ang karapatdapat, dahil likas sa mga Kristiyano na sumamba sa Kanya at dahil ang ating walang hanggang hantungan ay nakasalalay dito. Ito ang tema ng kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos: ang pagsamba sa tunay, buhay at maluwalhating Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit inaasahan at hinihingi ng Diyos ang ating pagsamba?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries