settings icon
share icon
Tanong

Ano ang hininga ng buhay?

Sagot


Ang pinakarurok sa paglikha ng Diyos ay ang kanyang hindi pangkaraniwang paglikha sa tao. “Nilikha ng Diyos ang tao mula sa alabok, hiningahan sa ilong, at nagkaroon ng buhay” (Genesis 2:7). Ang dakilang Manlilikha ng langit at lupa ay gumawa ng dalawang bagay sa paglikha sa tao. Una, hinugis Niya ang tao mula sa alabok at ikalawa, hiningahan Niya ito sa ilong ng kanyang sariling hininga. Ito ang ipinagkaiba ng tao sa lahat ng iba pang nilalang ng Diyos.

Ang isang talatang ito ay naglalaman ng tatlong mahahalagang katotohan tungkol sa paglikha sa tao. Una, ang Diyos lamang ang lumikha sa tao. Hindi ang tao nanggaling mula sa ibang nilalang. Hindi nilikha ang tao ng isang impersonal na kapangyarihan. Hindi nilikha ang tao ng selula, DNA, atoms, molekula, hydrogen, protons, neutrons o electrons. Sila ay mga sangkap lamang na bumubuo sa pisikal na katawan ng tao. Ang Diyos ang bumuo at lumikha sa tao. Nilikha ng Diyos ang lahat ng sangkap at ginamit Niya ang mga sangkap na iyon sa paglikha sa tao.

Ang salitang porma o hugis ay tagalog ng salitang Hebreo na ‘yatsar’ na nangangahulugang ‘molde,’ ‘hugis,’ o ‘porma.’ Inilalarawan nito ang isang magpapalayok na may karunungan at kapangyarihan na hugisin ang kanyang obra maestra. Ang Diyos ang maestrong magpapalayok na inisip ang hitsura ng tao sa Kanyang isipan at Siyang nagtataglay ng kapangyarihan at karunungan upang bigyang buhay ang hitsurang iyon. Ang Diyos ay nagtataglay ng walang hanggang karunungan at walang hanggang kapangyarihan upang gawin ng eksakto ang kanyang ninanais.

Ikalawa, inihinga ng Diyos ang kanyang sariling hininga sa tao. Dahil dito, ang tao ay hindi lamang ‘alabok’ o may pisikal na sangkap. Ang tao ay mayroong espiritu. Mailalarawan natin ito sa ganitong paraan: Ang katawan ni Adan ay hinugis muna ng Diyos mula sa alabok ng lupa – isang walang buhay na katawan ng tao. Pagkatapos lumapit ang Diyos sa kanya at inihinga sa walang buhay na katawan ang kanyang sariling hininga sa ilong nito; kaya’t ang Diyos ang pinanggalingan ng buhay ng tao at direktang naglagay ng buhay sa tao. Ang hiningang ito na nagbibigay buhay ay makikita nating muli sa Juan 20:22, habang binibigyan ni Hesus ng bagong buhay ang Kanyang mga alagad.

Ikatlo, sinasabi sa atin sa Genesis 2:7 na ang tao ay naging ‘kaluluwang may buhay’ (KJV). Ang salitang ‘kaluluwa’ ay salin mula sa salitang Hebreo na ‘Nephesh’ na nangangahulugang ‘isang nabubuhay,’ ‘nakakaramdam,’ ‘humihinga,’ ‘nagiisip,’ at ‘espiritwal na nilalang.’ Ang tao ay naiiba sa lahat ng nabubuhay sa mundo.

Kaya, ano ang hininga ng buhay? Ito ang buhay at kapangyarihan ng Diyos na ibinigay sa tao upang bigyan siya ng buhay. Ang salitang Hebreo para sa espiritu ay ‘ruach,’ na nangangahulugang “hangin,’ ‘hininga,’ ‘espiritu.’ Ang buhay na ibinigay ng Diyos ay magpapatuloy sa walang hanggan; ang imateryal na sangkap ng tao ay idinesenyo upang mabuhay ng walang hanggan. Ang tanong lamang ay ito: saan ka mabubuhay ng walang hanggan?

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang hininga ng buhay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries