Tanong
Sino ang mga hinirang ng Diyos?
Sagot
Sa isang simpleng pakahulugan, ang mga ‘hinirang ng Diyos’ ay ang mga itinalaga ng Diyos para sa kaligtasan. Sila ay tinatawag na ‘hinirang’ dahil ang salitang hinirang ay naglalarawan ng konsepto ng pagpili. Tuwing ika-anim na taon dito sa Pilipinas, humihirang tayo ng isang Presidente – o pumipili tayo ng isang tao na maglilingkod sa pinakamataas na posisyon sa ating bansa na mauupo sa Malakanyang. Totoo rin ang pagpili ng Diyos. Pumili Siya ng Kanyang mga ililigtas. Ang kanyang mga ililigtas ang mga tinatawag na mga ‘hinirang ng Diyos.’
Gaya ng iba pang doktrina sa Bibliya, ang konsepto ng pagpili ng Diyos sa Kanyang mga ililigtas ay tampulan din ng kontrobersya. Ang isa sa kontrobersya ay sa anong pamamaraan pinipili ng Diyos ang mga inililigtas. Sa buong kasaysayan ng iglesya, may dalawang pangunahing pananaw tungkol sa doktrina ng pagpili o eleksyon. Ang unang pangunahing pananaw ay ang pananaw ni Arminius at tinatawag na ‘pagpili ayon sa paunang kaalaman ng Diyos’ (prescience o foreknowledge). Ito ay ang paniniwala na pinili ng Diyos ang mga taong nakita Niya noon pa mang una na pipili sa Kanya sa kanilang malayang pagpapasya at maglalagak ng kanilang pananampalataya kay Kristo para sa kanilang kaligtasan. Dahil sa paunang kaalamang ito ng Diyos, hinirang Niya ang mga inidibidwal “bago pa lalangin ang sanlibutan” (Efeso 1:4). Ang pananaw na ito ang pinaniniwalaan ng nakararaming Pilipinong Ebangheliko.
Ang ikalawang pangunahing pananaw ay ang pananaw ni Augustine na nagtuturo na hindi lamang hinirang ng Diyos ang mga mananampalataya kay Hesu Kristo kundi binigyan din Niya ang mga indibidwal na ito ng kakayahang manampalataya kay Kristo. Sa madaling salita, ang paghirang ng Diyos sa kaligtasan ay hindi base sa paunang kaalaman ng Diyos sa pananampalataya ng indibidwal, sa halip ito ay base sa Kanyang malaya at walang kundisyong biyaya. Humirang ang Diyos ng Kanyang ililigtas at sa takdang panahon, ang mga hinirang na iyon ay ilalapit Niya kay Kristo sa pamamagitan ng pananampalatayang ipinagkakaloob Niya sa kanila.
Ang malinaw na pagkakaiba sa dalawang pananaw na ito ay kung nakanino ang huling desisyon sa pagpili sa kaligtasan – nasa Diyos ba o sa tao? Sa unang pananaw, ang tao ang may ganap na kontrol sa kanyang kaligtasan at ang kanyang malayang pagpapasya ang may ganap na kapamahalaan at siyang dahilan sa pagpili sa kanya ng Diyos. Nagbigay ang Diyos ng daan para sa kaligtasan sa pamamagitan ni Hesu Kristo ngunit kailangang piliin ng tao si Kristo upang maging totoo ang kaligtasan para sa kanya. Sa huli, ginagawa ng pananaw na ito na kapos ang kapangyarihan ng Diyos at ninanakawan ang Diyos ng Kanyang kapamahalaan. Inilalagay ng pananaw na ito ang Diyos sa ilalim ng desisyon ng kanyang nilikha; na kung gusto ng Diyos na pumunta ang tao sa langit, kailangan Niyang umasa na malaya siyang pipiliin ng tao. Sa katotohanan ang pananaw na ito ng eleksyon o pagpili ay hindi talaga pagpili dahil hindi talaga ang Diyos ang pumipili sa tao – kundi siya lamang ang kumukumpirma o tumatanggap sa pagpili sa Kanya ng tao. Sa pananaw na ito, nasa tao, wala sa Diyos ang huling desisyon.
Sa pananaw ni Augustine, ang Diyos ang may ganap na kontrol sa kaligtasan; Siya ang malayang pumili sa kanyang ililigtas ayon sa Kanyang walang hanggang kalooban. Hindi lamang Niya pinili ang Kanyang mga ililigtas, kundi aktwal na ginaganap din Niya ang kanilang kaligtasan. Sa halip na gawin lamang na posible ang kaligtasan, pinili din Niya kung sino-sinu ang Kanyang ililigtas at aktwal na iniligtas sila. Ang pananaw na ito ang naglalagay sa Diyos sa Kanyang tamang lugar bilang Manlilikha at Diyos na makapangyarihan sa lahat.
Kumakaharap din naman ang ikalawang pananaw na ito sa kaligtasan sa mga problema. Inaangkin ng mga kritiko ng pananaw na ito na inaalisan ng pananaw na ito ng kalayaan ang tao sa pagpapasya sa kanyang sarili. Kung pinili na ng Diyos kung sino ang mga maliligtas, ano ngayon ang pagkakaiba kung mananampalataya man o hindi ang tao? Bakit kailangan pa ang pangangaral ng Ebanghelyo? Bilang karagdagan, kung humirang na ang Diyos ng kanyang ililigtas ayon sa Kanyang kalooban, paano tayo magiging responsable sa ating mga ginagawa? Ang mga ito ay maganda at makatwirang tanong na kailangang bigyan ng kasagutan. Ang isang magandang sitas sa Bibliya na sumasagot sa tanong na ito ay ang Roma kabanata 9, isang kabanata sa Bibliya na tumatalakay ng malaliman sa kapamahalaan ng Diyos sa pagpili ng sa Kanya.
Ang konteksto ng bahaging ito ng Roma ay dumadaloy mula Roma 8, at nagtatapos sa isang pagpupuri: “Sapagkat natitiyak kong ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan, ang mga bagay sa kasalukuyan, ang mga bagay na darating, ang mga kapangyarihan….o ang alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos---pag-ibig na ipinadama niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon” (Roma 8:38-39). Ito ang nagtulak kay Pablo na isaalang-alang kung paano ang isang Hudyo tutugon sa ganitong deklarasyon. Habang si Hesus ay nagtungo sa lupa para sa mga nawawalang anak ng Israel at habang ang unang Iglesya ay binubuo ng nakararaming Hudyo, ang Ebanghelyo ay mas mabilis noong kumakalat sa mga Hentil kaysa sa mga Hudyo. Sa katotohanan, ang Ebanghelyo ay isang katitisuran para sa mga Hudyo ng panahong iyon (1 Corinto 1:23) at tinatanggihan nila si Hesus. Ito ang dahilan para sa isang karaniwang Hudyo na magduda kung nabigo ang pagpili ng Diyos, dahil mas maraming Hudyo ang tumatanggi sa mensahe ng Ebanghelyo.
Sa buong kabanata 9 ng aklat ng Roma, sistematikong ipinakita ni Pablo na ang walang kundisyong pagpili ng Diyos ay umiiral na sa pasimula pa. Nagumpisa si Pablo sa isang napakahalagang pangungusap: “Hindi ito nangangahulugang nabigo ang salita ng Diyos, sapagkat hindi lahat ng nagmula sa Israel ay kabilang sa bayang hinirang niya” (Roma 9:6). Nangangahulugan ito na hindi lahat ng tao na kabilang sa lahi ng Israel (yaong mga nanggaling mula sa lahi ni Abraham, Isaac at Jacob) ay kabilang sa tunay na Israel (ang mga hinirang ng Diyos para sa kaligtasan). Sa pagbabalik tanaw sa kasaysayan ng Israel, ipinakita ni Pablo ang pagpili ng Diyos kay Isaac sa halip na kay Ismael at sa kay Jacob sa halip na si Esau. Kung may magiisip na ang pagpili ng Diyos sa dalawang ito ay base sa kanilang pananampalataya at mabubuting gawa na kanilang gagawin sa hinaharap, sinabi ni Pablo, “Ipinakilala ng Diyos na ang pagpili niya'y ayon sa kanyang sariling panukala at hindi batay sa gawa ng tao. Sapagkat bago pa ipinanganak ang mga bata at bago pa makagawa ng mabuti o masama sinabi na ng Diyos kay Rebeca, "Maglilingkod ang nakatatanda sa kapatid na nakababata" (Roma 9:11).
Sa puntong ito, maaaring may matukso na akusahan ang Diyos ng kawalang katarungan. Inaasahan ni Pablo ang akusasyong ito sa talatang 14 kaya’t sinabi niya na ang Diyos ay hindi walang katarungan sa anumang paraan, “Sapagkat ganito ang sabi niya kay Moises, "Nahahabag ako sa ibig kong kahabagan at naaawa ako sa ibig kong kaawaan” (Roma 9:15). Ang Diyos ay may ganap na kapamahalaan sa Kanyang mga nilikha. Malaya Siyang pumili kung sino ang Kanyang gustong piliin, at malaya siyang pabayaan ang gusto Niyang pabayaan. Walang karapatan ang nilalang na akusahan ang lumalang sa Kanya ng kawalang katarungan. Ang pagiisip lamang na ang nilalang ay makatatayo sa paghatol ng Manlilikha ay hindi Niya kayang gawin ayon kay Pablo, at gayon din ng bawat Kristiyano. Sinusuportahan ng Roma 9 ang puntong ito.
Gaya ng nasabi na, may iba pang mga sitas na tumatalakay sa paksa ng pagpili ng Diyos (Juan 6:37-45 at Efeso 1:3-14, ang dalawa sa mga ito). Ang punto ay pumilia na ang Diyos ng para sa Kanya mula sa sangkatauhan para sa kaligtasan. Ang mga indibidwal na ito na kanyang personal na hinirang ay hinirang bago pa lalangin ang sanlibutan, ang at kanilang kaligtasan ay ganap kay Hesu Kristo. Gaya ng sinasabi ni Pablo, “Sapagkat sa mula't mula pa'y alam na ng Diyos kung sino ang sa kanya; ang mga ito'y itinalaga niyang maging tulad ng kanyang Anak, at sa gayon, naging panganay natin siya. At ang mga itinalaga niya noong una pa ay kanyang tinawag. Ang mga tinawag niya ay kanya ring pinawalang-sala, at ang kanyang mga pinawalang-sala ay kanya namang binigyan ng karangalan” (Roma 8:29-30).
Sino ang mga hinirang ng Diyos?