Tanong
Ano ang historikal na premilenyalismo?
Sagot
Ang dispensasyonal na premilenyalismo o dispensational premillennialism at historikal na premilenyalismo o historic premillennialism ay ang dalawang magkaibang sistema ng eskatolohiya o paniniwala tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap. Narito ang ilang halimbawa ng pagkakaiba sa pagitan ng dalawa:
• Itinuturo ng historikal na premilenyalismo o historic premillennialism na binabanggit ang iglesya sa mga hula ng mga propeta sa Lumang Tipan samantalang itinuturo ng dispensasyonal na premilenyalismo o dispensational premillennialism na malabo o hindi man lang nabanggit ng mga propeta sa Lumang Tipan ang patungkol sa iglesya.
• Itinuturo ng historikal na premilenyalismo na hinulaan sa Lumang Tipan ang kasalukuyang panahon ng biyaya. Pinangangatawanan naman ng dispensasyonal na premilenyalismo na ang kasalukuyang panahon ng biyaya ay hindi hinulaan sa Lumang Tipan kaya nga may “malaking patlang” sa kasaysayan dahil tinanggihan ng mga Hudyo ang kaharian ng Diyos.
• Itinuturo ng historikal na premilenyalismo ang isanlibong taon ng paghahari pagkatapos ng ikalawang pagparito ni Kristo ngunit hindi nito masyadong binibigyan ng klasipikasyon ang ibang bahagi ng kasaysayan. Kadalasan, itinuturo ng dispensasyonal na premilenyalismo ang tungkol sa pitong (7) dibisyon ng panahon. Ang kasalukuyang panahon ang ikaanim sa dispensasyon; at ang huli ay ang darating na isanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa lupa pagkatapos ng ikalawang pagparito ni Kristo.
• Itinuturo ng historikal na premilenyalismo na dadaan ang iglesya sa kapighatian samantalang karaniwang niyayakap ng dispensasyonal na premilenyalismo ang pananaw na hindi dadaan ang iglesya sa kapighatian.
Kaya nga isinusulong ng pananaw na premilenyalismo ang mga katuruan tungkol sa huling panahon sa dalawang paraan: Ang dispensasyonal na premilenyalismo at historikal na premilenyalismo. Naglalaman ang Bibliya ng maraming hula tungkol sa hinaharap, at karaniwang itinuturo sa Bagong Tipan ang tungkol sa pagbabalik ni Hesu Kristo sa mundo. Ang Mateo 24, karamihan sa aklat ng Pahayag at ang 1 Tesalonica 4:16-18 ang ilan sa mga sitas sa Bibliya na malinaw na nagtuturo tungkol sa ikalawang pagparito ni Hesu Kristo.
Pinaniniwalaan ng karamihan ng mga Kristiyano ang historikal na premilenyalismo noong unang tatlong siglo ng Kristiyanismo. Marami sa mga ama ng iglesya gaya ni Ireneaus, Papias, Justin Martyr, Tertullian, Hippolytus, at iba pa ang nagturo na magkakaroon ng isang nakikita at literal na kaharian ng Diyos dito sa mundo pagkatapos ng muling pagparito ni Hesu Kristo. Itinuturo ng historikal na premilenyalismo na lalabas muna ang antikristo sa mundo, pagkatapos magsisimula ang pitong taon ng paghihirap o kapighatian. Kasunod nito ang pagdagit sa mga mananampalataya at ang pagbabalik ni Hesu Kristo kasama ang iglesia mula sa langit upang maghari sa lupa sa loob ng isanlibong taon. Sa huli, gugugulin ng mga mananampalataya ang walang hanggan sa Bagong Jerusalem.
Nang maging opisyal na relihiyon ng imperyo ng Roma ang Kristiyanismo noong ikaapat na siglo, maraming katuruan ang nagbago, at nagsimulang talikuran ng maraming iskolar ang katuruan tungkol sa historikal na premilenyalismo. Nagumpisang maging doktrina ng Romano Katoliko ang Amilenyalismo (o ang paniniwala na walang literal na isanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa lupa) at niyakap pa rin ito ng mga Kristiyano maging pagkatapos ng repormasyon.
Ang isa sa mga pinakakilala sa mga naniniwala sa historikal na premilenyalismo ay si George Eldon Ladd, isang iskolar ng Bagong Tipan at propesor ng exegesis at teolohiya sa Fuller Theological Seminary. Sa pamamagitan ng kanyang mga aklat na isinulat, iginalang at kinilala ng mga iskolar ng Bibliya sa ika- dalawampung siglo na kabilang sa mga grupong Reformed at Ebangheliko ang katuruan ng historikal na premilenyalismo. Ang iba pang kilalang iskolar na naniniwala sa historikal na premilenyalismo ay sina Walter Martin; John Warwick Montgomery; J. Barton Payne; Henry Alford, isang kilalang iskolar ng wikang Griyego; at si Theodor Zahn, isang Aleman na iskolar ng Bagong Tipan.
Ang historikal na premilenyalismo ay isang sistema ng paniniwala tungkol sa mga kaganapan sa huling panahon na sinusuportahan ng mga komunidad na Protestante. Sa pangkalahatan, naniniwala ang lahat ng mga premillennialists, historikal man o dispensasyonal, na magkakaroon ng isanlibong taon ng kapayapaan sa mundo pagkatapos ng Dakilang Kapighatian kung kailan mamumuhay ang lahat ng tao sa mundo sa ilalim ng literal na paghahari ni Kristo. Pagkatapos ng isanlibong taon, sa isang maiksi at huling labanan, ganap na tatalunin ni Kristo si Satanas at ang kanyang mga kampon. Ang pananaw tungkol sa panahon kung kailan magaganap ang pagdagit sa mga mananampalataya ang isa sa pagkakaiba sa pagitan ng historikal na premilenyalismo at dispensasyonal na premilenyalismo. English
Ano ang historikal na premilenyalismo?