settings icon
share icon
Tanong

Ano ang historikal na teolohiya?

Sagot


Ang historikal na teolohiya ay ang pagaaral sa pagunlad ng teolohiya at ng doktrinang Kristiyano sa kasaysayan. Gaya ng ipinapahiwatig ng terminolohiya, ang historikal na teolohiya ay ang pagaaral sa pormasyon at pagunlad ng mga mahahalagang doktrinang Kristiyano sa buong kasaysayan ng Bagong Tipan. Maaari ding pakahuluganan ang historikal na teolohiya na ‘pagaaral kung paanong naunawaan ng mga Kristiyano sa iba’t ibang panahon ng kasaysayan ang iba’t ibang paksa sa teolohiya’ gaya ng kalikasan ng Diyos, kalikasan ng Panginoong Hesu Kristo, kalikasan at gawain ng Banal na Espiritu, doktrina ng kaligtasan, at iba pa.

Sinasaklaw ng pagaaral ng historikal na teolohiya ang mga paksa gaya ng pagunlad ng mga kredo at kapahayagan ng pananampalataya, mga konseho ng iglesya, at mga maling katuruan na lumabas at kinaharap ng mga Kristiyano sa kasaysayan ng Kristiyanismo. Pinagaaralan ng isang historikal na teologo ang pagsulong ng mga mahahalagang doktrina na ipinagkaiba ng Kristiyanismo sa mga hidwang pananampalataya at mga kulto.

Sa tuwina, hinahati ng mga teologo ang pagaaral ng historikal na teolohiya sa apat na pangunahing yugto ng kasaysayan: 1) ang panahon ng mga ama ng iglesia mula AD 100 hanggang AD 400; 2) ang panggitnang panahon hanggang sa panahon ng Renaissance mula AD 500 hanggang AD 1500; 3) ang repormasyon at panahon pagkatapos ng repormasyon mula AD 1500 hanggang AD 1750; at 4) ang modernong panahon mula AD 1750 hanggang sa kasalukuyan.

Layunin ng historikal na teolohiya na maunawaan at mailarawan ang pinagmulan ng mga susing doktrina ng Kristiyanismo at tuklasin ang ginawang pagpapalawig sa mga doktrinang ito sa pagdaan ng panahon. Sinusuri nito kung paanong naunawaan ng mga tao ang iba’t ibang doktrina sa pagdaan ng kasaysayan at tinatangkang maunawaan ang pagsulong ng mga doktrina at kinikilala kung paanong nakasama o nakabuti sa iglesya ang mga pagbabago sa mga doktrinang Kristiyano.

Ang historikal na teolohiya at kasaysayan ng iglesya ay magkaibang paksa ngunit malapit ang kaugnayan sa isa’t isa at parehong mahalaga. Mahirap, kung hindi man imposible, na maunawaan ang kasaysayan ng iglesya ng hindi nauunawaan ang kasaysayan ng mga doktrina na sa tuwina ay nagiging dahilan ng mga pagkakabaha-bahagi at pagkakaroon ng mga kilusan sa loob ng iglesya sa pagdaan ng kasaysayan. Ang pangunawa sa kasaysayan ng teolohiya at doktrina ay makatutulong sa atin upang maunawaan ang kasaysayan ng Kristiyanismo mula noong unang siglo at kung bakit may napakaraming denominasyong Kristiyano sa kasalukuyan.

Ang basehan para sa pagaaral ng historikal na teolohiya ay matatagpuan sa aklat ng mga Gawa. Itinala ni Lukas ang pagsisimula ng iglesyang Kristiyano habang nagpapatuloy siya sa pagtatala ng lahat ng pinasimulang gawin at ituro ni Hesus (Gawa 1:1). Hindi nagtapos ang gawain ni Hesu Kristo sa huling kabanata ng aklat ng mga Gawa. Ang totoo, patuloy na gumagawa si Hesus sa Kanyang iglesya sa kasalukuyan, at makikita ito sa pamamagitan ng pagaaral ng historikal na teolohiya at kasaysayan ng iglesya na parehong makatutulong sa atin upang maunawaan kung gaano kahalaga ang mga doktrina ng Bibliya sa pananampalatayang Kristiyano at kung paano sila kinilala at ipinangaral sa buong kasaysayan ng iglesya. Binalaan ni Pablo ang matatanda sa iglesya sa mga Gawa 20:29-30 na lalabas ang mga “ganid na lobo” na magtuturo ng hidwang katuruan. Sa pamamagitan ng historikal na teolohiya, makikita natin kung gaano katotoo ang babala ni Pablo habang nalalaman natin kung paanong inatake at ipinagtanggol ang mahahalagang doktrina sa pananampalatayang Kristiyano sa loob ng halos dalawang libong taon ng kasaysayan ng iglesya.

Gaya ng ibang aspeto ng teolohiya, ginagamit din minsan ng mga liberal na iskolar maging ng mga hindi Kristiyano ang historikal na teolohiya upang lumikha ng pagdududa o atakehin ang mga doktrinang Kristiyano at ituring na simpleng gawa-gawa lamang ng tao sa halip na ituring na Biblikal na katotohanan at kinasihan ng Diyos. Ang isang halimbawa nito ay ang diskusyon tungkol sa Trinidad o sa kalikasan ng Diyos bilang tatlong persona. Sinususog at pinagaaralan ng isang historikal na teologo ang doktrinang ito sa buong kasaysayan ng iglesya na nalalaman na ang katotohanang ito ay malinaw na inihayag sa Kasulatan. Ngunit sa pagdaan ng kasaysayan ng iglesya, may mga pagkakataon na inatake ang doktrinang ito kaya’t kinailangan itong ipagtanggol at ipaliwanag ng iglesya. Ang katotohanan ng doktrinang ito ay direktang nagmula sa Kasulatan; gayunman, patuloy na nilinaw ng iglesya ang pagpapahayag at pangunawa nito sa doktrinang ito sa pagdaan ng panahon, lalo na sa mga panahong inaatake ng mga “ganid na lobo” ang doktrina tungkol sa kalikasan ng Diyos na gaya ng sinabi ni apostol Pablo na mararanasan ng iglesya.

May ilang Kristiyanong maayos ngunit mali ang akala na ayaw paniwalaan ang kahalagahan ng historikal na teolohiya ang nagsasabi na sapat na ang pangako ni Kristo na “gagabayan” sila ng nananahang Banal na Espiritu upang malaman ang katotohanan (Juan 16:13). Hindi nauunawaan ng mga Kristiyanong ito na ang parehong Banal na Espiritu ang nanahan din sa mga Kristiyano sa buong kasaysayan ng Kristiyanismo at si Hesu Kristo mismo ang gumawa sa iba upang “maging mga apostol; at ang mga iba'y propeta; at ang mga iba'y evangelista; at ang mga iba'y pastor at mga guro; Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo” (Efeso 4:11–12). Kasama sa mga Kristiyanong ito, hindi lamang ang mga nabuhay noong panahon ng unang iglesya, kundi maging ang lahat ng mga itinalaga ni Kristo sa buong kasaysayan ng iglesya. Isang kahangalan ang paniwalaan na hindi na tayo matututo sa maraming mga Kristiyano sa nakaraan (at mga susunod pa sa atin) na pinagkalooban ng Diyos ng karunungan upang magturo ng katotohanan. Ang isang tamang pagaaral at paglalapat ng historikal na teolohiya ang tutulong sa atin upang kilalanin ang mga Kristiyanong lider at guro sa mga nakaraang siglo ng Kristiyanismo at matuto mula sa kanila.

Sa pamamagitan ng pagaaral ng kasaysayan ng iglesya at historikal na teolohiya, mapapalakas ang loob ng mga mananampalataya sa kaalaman sa pagkilos ng Diyos sa buong kasaysayan. Makikita natin ang kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng bagay sa kasaysayan ng iglesya at ng mundo at ang katotohanan na mananatili ang Salita ng Diyos (Awit 119:160). Walang pinagkaiba ang pagaaral ng historikal na teolohiya sa pagaaral sa pagkilos ng Diyos. Tinutulungan din tayo nito na alalahanin ang nagpapatuloy na espiritwal na labanan sa pagitan ni Satanas at ng mga mananampalataya at ang katotohanan ng Salita ng Diyos. Ipinapakita nito sa atin mula sa kasaysayan, ang maraming anyo at kaparaanan na ginamit ni Satanas upang ipakalat ang mga maling doktrina sa iglesya, gaya ng babala ni Pablo sa mga matatanda sa iglesya ng Efeso.

Ang pagaaral ng historikal na teolohiya at kasaysayan ng iglesya ang magpapakita rin sa atin ng katotohanan na mananatiling matagumpay ang Salita ng Diyos. Habang nauunawaan natin ang mga labanan sa teolohiya sa nakalipas, mas lalo tayong magiging handa upang labanan ang mga kasinungalingan na susubukang ipasok ni Satanas sa iglesya upang tuksuhin tayo sa hinaharap. Kung walang kaalaman ang mga pastor, mga iglesya, at mga Kristiyano sa historikal na teolohiya at kasaysayan ng iglesya, magiging bukas sila sa gawa ng kaaway at maaari silang bumagsak sa parehong maling katuruan na ginamit ni Satanas sa nakalipas.

Kung mauunawaan at maisasapamuhay ng tama ang historikal na teolohiya, hindi nito maaapektuhan ang awtoridad at kasapatan ng Kasulatan. Tanging ang Kasulatan lamang ang pamantayan ng lahat ng bagay tungkol sa panananampalataya at gawa. Ito lamang ang kinasihan ng Diyos at hindi nagkakamali kailanman. Ang Kasulatan lamang ang ating tanging gabay at awtoridad, ngunit makakatulong ang historikal na teolohiya upang maunawaan ang mga panganib na dala ng mga maling katuruan at mga kakaibang interpretasyon sa Kasulatan. Sa loob ng halos dalawang libong taon ng kasaysayan ng iglesya at sa libo-libu kung hindi man milyon-milyung Kristiyanong nauna sa atin, hindi ba’t dapat tayong maingat sa pagtanggap sa katuruan ng sinuman na nagaangkin na may “bagong paliwanag” o interpretasyon ng Kasulatan?

Panghuli,maaari tayong paalalahanan ng historikal na teolohiya tungkol sa nagbabantang panganib na dala ng pagpapaliwanag sa Kasulatan sa liwanag ng kultural at pilosopikal na sapantaha sa ating panahon. Nakikita natin ang panganib na ito sa ating panahon bilang kasalanan na itinuturing lamang ng iba na sakit na kailangang gamutin sa halip na ituring na isang espiritwal na karamdaman. Nakikita din natin na maraming denominasyon ang umaalis sa malinaw na katuruan ng Kasulatan at niyayakap ang pagtanggap ng kultura sa ikatlong kasarian at tinitingnan ito bilang hindi bilang kasalanan kundi bilang isang uri o istilo ng pamumuhay.

Ang historikal na teolohiya ay isang mahalagang aspeto ng pagaaral ng teolohiya, ngunit, gaya ng ibang pamamaraan ng pagaaral, mayroon din itong dalang panganib. Ang hamon para sa lahat ng Kristiyano at lahat ng magaaral ng teolohiya ay huwag ipagpilitan ang sariling sistemang teolohikal sa Bibliya. Sa halip, lagi nating dapat na tiyakin na ang ating teolohiya ay nagmula sa Kasulatan hindi mula sa isang popular na paniniwala o panlupang sistema. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang historikal na teolohiya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries