settings icon
share icon
Tanong

Ano ang hitsura ng Diyos?

Sagot


Ang Diyos ay Espiritu (Juan 4:24), kaya't ang Kanyang hitsura ay hindi katulad ng anumang anyo na kaya nating ilarawan. Sinasabi sa atin sa Exodo 33:20, “At kaniyang sinabi, Hindi mo makikita ang aking mukha: sapagka't hindi maaaring makita ako ng tao at mabuhay.” Bilang mga makasalanang nilalang, hindi natin kayang makita ang Diyos sa Kanyang buong kaluwalhatian. Ang Kanyang anyo ay hindi kayang ilarawan at sobrang maluwalhati upang maunawaan ng taong makasalanan.

Inilarawan ng Bibliya ang pagpapakita ng Diyos sa iba't ibang tao sa ilang mga pagkakataon. Ang mga pagpapakitang ito ay hindi dapat na unawain na paglalarawan kung ano ang hitsura ng Diyos, sa halip, ito ay dapat na unawain bilang mga kapahayagan ng Diyos ng Kanyang sarili sa atin sa paraan na kaya nating maunawaan. Ang hitsura ng Diyos ay lagpas sa ating kapasidad upang isipin at ilarawan. Binigyan tayo ng Diyos ng mga sulyap kung ano ang Kanyang anyo upang turuan tayo ng mga katotohanan tungkol sa Kanyang sarili, hindi para tayo magkaroon ng Kanyang imahe sa ating mga isip. Dalawang sitas sa Bibliya ang malinaw na naghahayag ng kahanga-hangang anyo ng Diyos sa Ezekiel 1:26-28 at Pahayag 1:14-16.

Idineklara sa Ezekiel 1:26-28, “At sa itaas ng langit na nasa itaas ng kanilang mga ulo ay may kawangis ng isang luklukan na parang anyo ng batong zafiro; at sa ibabaw ng kawangis ng luklukan ay may kawangis ng isang tao sa itaas niyaon. At ako'y nakakita ng parang metal na nagbabaga, na parang anyo ng apoy sa loob niyaon, na nakikita mula sa kaniyang mga balakang na paitaas; at mula sa kaniyang mga balakang na paibaba ay nakakita ako ng parang anyo ng apoy, at may ningning sa palibot niyaon. Kung paano ang anyo ng bahaghari na nasa alapaap sa kaarawan ng ulan, gayon ang anyo ng kinang sa palibot. Ito ang anyo ng kaluwalhatian ng Panginoon. At nang aking makita, ako'y nasubasob, at aking narinig ang tinig ng isang nagsasalita.” Inilarawan naman sa Pahayag 1:14-16, “At ang kaniyang ulo at ang kaniyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niebe; at ang kaniyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang kaniyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang kaniyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa kaniyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi.”

Ang mga talatang ito ay naglalarawan sa pagtatangka ni Propeta Ezekiel at Apostol Juan na ilarawan ang hitsura ng Diyos. Kailangan nilang gumamit ng mga simbolikong pananalita upang ilarawan ang mga hindi kayang ilarawan ng salita ng tao; kaya ginamit nila ang mga pananalitang “mukhang gaya ng,” katulad ng anyo ng,” na “tila katulad ng” at iba pa. Nalalaman natin na pagdating natin sa langit, makikita natin Siya “gaya ng Kanyang sarili” (1 Juan 3:3). Wala na doong kasalanan, at maaari na nating maunawaan at masilayan ang Diyos sa Kanyang buong kaluwalhatian.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang hitsura ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries