Tanong
Ano ang kahulugan ng salitang Hosanna?
Sagot
Ang Hosanna ay isang salita na ginagamit sa ilang awit ng pagpupuri partikular tuwing Araw ng mga Palaspas. Ito ay nagmula sa salitang Hebreo at ang salitang isinigaw ng mga tao habang pumapasok si Jesus sa Jerusalem: "At ang mga karamihang nangasa unahan niya, at ang nagsisunod, ay nagsisigawan, na nagsisipagsabi, Hosana sa Anak ni David: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon: Hosana sa kataastaasan!" (Mateo 21:9).
Ang salitang Hosanna ay laging itinuturing na isang deklarasyon ng pagpupuri na katulad ng salitang halelluiah ngunit sa aktwal, ito ay isang pagsamo para sa kaligtasan. Ang mga salitang ugat sa Hebreo na yasha ("palayain, iligtas") at anna ("magmakawa, sumamo, lumuhog") ang pinagsama para makabuo ng salitang "hosanna." Ang salitang hossana ay nangangahulugang "sumasamo ako sa iyong pagliligtas" o "iligtas mo kami."
Kaya, habang nakasakay si Jesus sa isang asno papasok sa Jerusalem, tamang tama ang sigaw ng mga tao na "Hossana!" Kinikilala nila si Jesus bilang kanilang Mesiyas, gaya ng pagtawag nila sa Kanya bilang "Anak ni David." Ang kanilang sigaw ay sigaw ng paghingi ng kaligtasan at pagkilala sa kakayahan ni Jesus na magligtas.
Hindi naglaon ng araw ding iyon, nasa templo si Jesus at naroon ang mga bata na muling sumisigaw ng "Hosanna sa Anak ni David!" (Mateo 21:15). Hindi natuwa ang mga punong saserdote at mga tagapagturo ng Kautusan: "At sinabi nila sa kaniya, Naririnig mo baga ang sinasabi ng mga ito? At sinabi sa kanila ni Jesus, Oo: kailan man baga'y hindi ninyo nabasa, mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay iyong nilubos ang pagpupuri?" (Mateo 21:16). Sa pagsigaw ng "Hossana!," ang mga tao ay humihingi ng kaligtasan, at ito mismo ang dahilan ng pagparito ni Kristo. Sa loob lamang ng isang linggo pagkatapos ng mga pangyayaring ito, ipinako sa krus si Jesu Cristo.
English
Ano ang kahulugan ng salitang Hosanna?