Tanong
Hubad ba tayo sa Langit?
Sagot
Dahil hubad sina Adan at Eba sa Halamanan ng Eden bago ang Pagkakasala (Genesis 3), at dahil walang sumpa sa Bagong Lupa (Pahayag 22:3), may ilang nagtuturo na sa walang-hanggan tayo ay magiging hubad rin. Bagama’t wala namang masamang maidudulot na maging hubad ang mga mananampalataya sa langit (walang pagnanasa doon), tila hindi naman mangyayari na ang mga mananampalataya ay mananatiling hubad sa buong walang hanggan.
Inilarawan sa Bibliya na may suot na ilang uri ng kasuotan ang mga anghel na nilalang at ang mga tinubos. Sa pangitain ni Daniel sa isang mensahero (alinman sa isang anghel o isang pre-incarnate na anyo ni Kristo) ay nakasuot ito ng lino na may sinturon na pinong ginto sa paligid ng kanyang baywang. Sa ganito ring paraan, inilarawan na may suot na kasuotan ang Anghel na nagbabantay sa libingan ni Jesus: “Ang kanyang mukha ay nakakasilaw na parang kidlat at puting-puti ang kanyang damit” (Mateo 28:3).
Sa Pahayag 4:4, Nakasuot ng puting damit at mga koronang ginto ang dalawampu’t apat na matatanda sa paligid ng trono ng Diyos. Sinasabi sa atin ng Pahayag 3:5 na ang mga kay Kristo ay “magbibihis ng puting damit.” Sa paglalarawan ng Bibliya tungkol sa mga naninirahan sa langit, madalas na binabanggit ang pananamit. Walang anumang pahiwatig na hindi nakadamit ang sinuman doon.
Sa langit, hindi tayo magiging hubad tulad nina Adan at Eba bago sila nagkasala. Nagpapahiwatig ang kanilang pagiging hubad ng kanilang kawalang-sala at kalinisan mula sa kasalanan. Kailanman hindi tayo nalagay sa kalagayang walang sala. Kaya’t kapag tayo ay makarating na sa langit, inilalarawan tayo na nabibihisan ng “damit” na ibinigay ng sakripisyo ni Kristo (Pahayag 3:18).
English
Hubad ba tayo sa Langit?