settings icon
share icon
Tanong

Ligtas ba ang mga Hudyo dahil sila ang lahing pinili ng Diyos?

Sagot


Sinabi ni Jesus, "Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko" (Juan 14:6). Ang salitang "walang sinuman" ay tumutukoy para sa lahat ng tao Hudyo man o Hentil. Ang mga Hudyo ay lahing hinirang ng Diyos, ngunit hindi ito awtumatikong nangangahulugan na maliligtas silang lahat sa impiyerno. Sa halip, ang mga Hudyong naligtas ay naligtas dahil sumampalataya sila kay Jesus bilang kanilang tanging Tagapagligtas. Maraming Messianic na Hudyo ang tumanggap kay Yeshua (pangalan ni Jesus sa salitang Hebreo) bilang kanilang Mesiyas/Tagapagligtas.

Gayunman, walang duda na ang mga Hudyo pa rin ang lahing hinirang ng Diyos. "Sapagka't ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios; pinili ka ng Panginoon mong Dios upang maging bayan sa kaniyang sariling pagaari, na higit sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng balat ng lupa. Hindi kayo inibig ng Panginoon, ni pinili kayo ng dahil sa kayo'y marami sa bilang kay sa alin mang bayan; sapagka't kayo ang pinakamaliit sa lahat ng mga bayan: Kundi dahil sa inibig kayo ng Panginoon, at dahil sa kaniyang tinupad ang sumpa na kaniyang isinumpa sa inyong mga magulang" (Deuteronomio 7:6-8).

Bakit ang mga Hudyo ang pinili ng Diyos sa lahat ng bansa at lahi sa mundo? Sinabi ni John Gill sa Kanyang aklat na Exposition of the Entire Bible, ang mga Hudyo ay "pinili para sa espesyal na paglilingkod at pagsamba at upang maranasan ang mga espesyal na pribilehiyo at benepisyo, sa pamahalaan at relihiyon; bagama't hindi sila piniling lahat para sa espesyal na biyaya o para sa walang hanggang kaluwalhatian." Ang mga Hudyo ay pinili upang maging pagpapala sa lahat ng bansa sa mundo (Genesis 12). Pinili sila upang magsilbing liwanag sa mga Hentil. Ang tanong ay, ang lahat ba ng mga Hudyo ay maliligtas dahil sila ay Hudyo?

Sangayon sa mga rabbinic scholars, walang katulad ang konsepto ng Kristiyanismo sa konsepto ng kaligtasan ng Judaismo. Hindi naniniwala ang mga Hudyo na likas na makasalanan ang tao kaya nga naniniwala sila na hindi kailangan ng tao na maligtas sa walang hanggang pagdurusa. Sa katotohanan, nakararaming Hudyo ngayon ang hindi naniniwala sa isang lugar ng walang hanggang pagpaparusa o sa literal na impiyerno. Ang salitang ugat para sa salitang Hebreong 'kasalanan" ay chayt, na literal na nangangahulugang "magmintis sa marka." Kung magmimintis sa marka ang isang Hudyo at paminsan-minsang bumabagsak sa kasalanan at nabibigong ganapin ang mga Kautusan ng Diyos, naniniwala sila na kaya nilang makamtan ang kapatawaran sa pamamagitan ng pananalangin, pagsisisi at paggawa ng mabubuting gawa.

Malinaw na ibinigay sa aklat ng Levitico, ang pangatlong aklat sa Torah, ang kundisyon sa pagpapatawad ng Diyos: "Sapagka't ang buhay ng laman ay nasa dugo; at aking ibinigay sa inyo sa ibabaw ng dambana upang itubos sa inyong mga kaluluwa: sapagka't ang dugo'y siyang tumutubos dahil sa buhay" (Levitico 17:11). Ang templo sa Jerusalem ang laging sentro sa katubusan ng mga Hudyo. Isang araw sa isang taon, sa Araw ng Katubusan (Yom Kippur), pumapasok ang pinakapunong saserdote sa Dakong Kabanalbanalan sa templo at winiwisikan ng dugo ng hayop ang luklukan ng awa. Sa pamamagitan ng taunang gawaing ito, napapawi ang poot ng Diyos sa mga kasalanan ng buong Israel. Ngunit winasak ng mga Romano ang templo noong AD 70, at sa halos 2,000 taon, wala ng templo ang mga Hudyo at wala ng paghahandog sa kasalanan at wala ng kasangkapan upang mapawi ang poot sa kanila ng Diyos.

Itinuturo sa atin ng Brit Chadasha (Ang Bagong Tipan o Bagong Kasunduan) na dumating ang Mesiyas na isang Hudyo, si Jesu Cristo para sa mga "naliligaw na tupa ng Israel" (Mateo 15:24) eksaktong sa panahon bago ang pagwasak ng mga Romano sa templo ng mga Hudyo sa Jerusalem. "Ngunit pagdating ni Cristo na dakilang saserdote ng mabubuting bagay na darating, sa pamamagitan ng lalong malaki at lalong sakdal na tabernakulo, na hindi gawa ng mga kamay, sa makatuwid baga'y hindi sa paglalang na ito, At hindi rin naman sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at ng mga bulong baka, kundi sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo, ay pumasok na minsan magpakailan man sa dakong banal, na kinamtan ang walang hanggang katubusan. Sapagka't kung ang dugo ng mga kambing at ng mga baka, at ang abo ng dumalagang baka na ibinubudbod sa mga nadungisan, ay makapagiging banal sa ikalilinis ng laman: Gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng Espiritu na walang hanggan ay inihandog ang kaniyang sarili na walang dungis sa Dios, ay maglilinis ng inyong budhi sa mga gawang patay upang magsipaglingkod sa Dios na buhay?" (Hebreo 9:11-14).

Itinuturo sa atin ng Bagong Tipan na lahat tayo, Hudyo man o Hentil ay "nagmintis sa marka" (Roma 3:23). Nasa ilalim tayong lahat ng sumpa ng kasalanan at "kamatayan ang kabayaran ng kasalanan" (Roma 6:23). Nangangailangan tayong lahat ng kaligtasan mula sa ating mga kasalanan; kailangan nating lahat ng isang Tagapagligtas. Itinuturo ng Bagong Tipan na si Jesus ang Mesiyas, "ang daan, ang katotohanan at ang buhay at walang sinumang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan Niya" (Juan 14:6) At pinakamahalaga sa lahat, "Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa buong daigdig na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas" (Gawa 4:12).

Para sa mga Hudyo, dumating si Jesus ang Mesiyas at bilang Punong Saserdote at sa pamamagitan ng kanyang minsanang paghahandog para sa kasalanan, nagaalok Siya ng ganap na katubusan para sa lahat ng tao. "Kaya't walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Hentil (Roma 10:12). Oo, ang mga Hudyo ang lahing pinili ng Diyos at sa kanila nagmula ang Mesiyas na magiging pagpapala sa lahat ng mga bansa sa mundo. Tanging kay Jesus lamang matatagpuan ng mga Hudyo ang ganap na katubusan at kapatawaran ng Diyos.

Habang dapat na lumapit kay Jesus ang indibidwal na Hudyo para sa kanyang kaligtasan, hindi pa tapos ang Diyos sa Kanyang plano para Israel bilang isang bansa. Sinasbi sa atin ng Bibliya na sa huling panahon, kikilalanin ng mga Hudyo sa wakas si Jesus bilang kanilang Mesiyas (Zacarias 12:10). Jeremias 33:8, Ezekiel 11:17, at hinulaan sa Roma 11:26 na sa huling panahon, bubuhayin sa espiritu ang mga Israelita, papapanumbalikin sila, at muling titipunin sa kanilang sariling bayan. Ang huling pagtitipon ay naganap noong 1948 ng kilalanin ng United Nations ang Israel bilang isang nagsasariling bansa. Maliwanag na hindi pa tapos ang Diyos sa Kanyang bayang Israel.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ligtas ba ang mga Hudyo dahil sila ang lahing pinili ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries